|
||||||||
|
||
HINDI umano malilimutan ng Pamahalaang Hapones at ng mga mamamayan nila ang tulong na ipinagkaloob sa kanila ng mga Pilipino noong nasa bingit sila ng alanganin kaya't tuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa mga pamahalaang lokal sa Bikol upang tugunan ang mga pangangailangan nito kasunod ng pagbabago sa pandaigdigang panahon.
Ayon kay Ginoong Hayato Nakamura, kinatawan ng Japan International Cooperation Agency, pinalalawak na nila ang Flood Warning System sa Bicol River Basin sa Camarines Sur, isinasaayos na ang Dopller radar station sa Virac, Catanduanes at nagtatayo ng mga silid-aralan na maaaring gamiting evacuation centers sa anim na piling paaralan sa Albay.
Sa kanyang talumpati sa Lungsod ng Legazpi, sinabi ni Ginoong Nakamura na kailangang pag-ibayuhin ang mga programa upang makaiwas sa mapaminsalang mga pagkakataon dala ng natural hazards.
Nakikita na umano nila ang pagtatangka ng Lalawigan ng Albay na maiwasan at maibsan ang peligrong dulot ng mga kalamidad sa pagkakaroon ng responsableng Albay Public Safety and Emergency Management Office at ang Bicol Climate Change Academy kasabay na rin ng paglagda ni Pangulong Aquino sa National Action Plan for Climate Change.
Idinagdag pa niya na ang pagbabahaginan ay isang mahalagang sangkap sa international cooperation.
Hindi umano nila malilimot ang tulong ng Pilipinas para sa mga biktima ng sunod-sunod na trahedyang tumama sa Japan ngayong taong ito tulad ng tsunami noong Marso at bagyo noong Agosto. Nadaraman umano nila ang sinasapit ng Pilipinas sa oras na may tumamang mga malalakas na bagyo.
Ipinagpasalamat din ni Ginoong Nakamura ang tulong ng Pamahalaang Kastila sa pagtatayo ng mga evacuation centers sa mga paaralan sa Albay.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |