IBINALITA ng United Nations na maglalagak sila ng may $ 375 M bilang development assistance sa Pilipinas sa susunod na pitong taon.
Ito ang ibinalita ng mga opisyal ng United Nations sa isang briefing kanina sa Asian Institute of Management sa Lungsod ng Makati.
Sa ilalim ng bagong UN Development Assistance Framework, may $ 147.2 milyon ang inilaan para sa national at local agencies upang makapaghatid ng may-uring social services para sa mahihirap, $ 46.5 milyon para sa disente at produktibong hanapbuhay sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at "green growth," $ 67.2 milyon para sa pagsusulong na malawakan at lokal na partisipasyon sa pagpapatakbo ng pamahalaan, at maroon ding $ 114.8 milyon upang mapalakas ang national at local adaptation sa climate change, threats and disasters. Sa buong halaga, may $ 79 milyon ang mula sa regular United Nations sources samantalang magmumula sa iba't ibang sources ang nalalabing halaga.
Saklaw ng palatuntunang ito ang Philippine Development Plan para sa taong 2011 hanggang 2016. Sinimulan ang pagbuo ng palatuntunan ng UNDAF noong nakalipas na taon sa pamamagitan ng konsultasyon sa mga ahensya ng pamahalaan, civil society groups at iba pang development partners.