|
||||||||
|
||
INIHAMBING ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang kalagayan ng Pilipinas sa bansang Japan matapos ang lindol at tsunami na tumama sa Fukushima prefecture noong nakalipas na buwan ng Marso. Sa isang panayam sa Malacanang, sinabi ni Ginoong Aquino na sa trahedyang tumama sa Japan, apektado rin ang semi-conductor industry ng Pilipinas tulad na rin ng benta ng mga sasakyan.
Ang kaguluhan sa Gitnang Silangan ay maituturing na matinding dahilan ng pagbaba ng ekonomiya ng bansa. Higit na lumala ang situwasyon dahilan sa euro crisis na nagaganap ngayon sa Kanlurang Europa at ang nagaganap sa ekonomiya ng Estados Unidos ang naka-apekto sa Pilipinas kaya't nagkaroon lamang ng 3.2% growth sa third quarter ng taong ito.
Ang stimulus package na inilabas noong nakalipas na Oktubre na nagkakahalaga ng P 72 bilyon ay isa sa mga hakbang na ginawa ng kasalukuyang administrasyon upang makahinga ang ekonomiya ng bansa.
Sa naturang panayam, sinabi rin ni Ginoong Aquino na maraming bansa ang nakatanggap ng "downgrade" samantalang "upgrade" naman ang naganap sa Pilipinas. Bahagi umano ng produksyon ng bansa ang nakatali sa ekonomiya ng daigdig.
PANGULONG AQUINO, LUMIHAM NGA KAY PANGULONG HU JINTAO
INAMIN ni Pangulong Aquino na lumiham siya kay Pangulong Hu Jintao ng Tsina sa pag-asang maibababa ang hatol mula sa kamatayan at magiging life sentence na lamang ang parusa sa isang Pilipinong nadakip na may dalang halos isang kilo't kalahating heroina noong 2008.
Nakatakda nang bitayin ang Pilipino sa darating na ika-walo ng Disyembre. Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi niyang kapapadala pa lamang niya kahapon ng liham at wala siyang katiyakan kung kailan niya matatanggap ang sagot ng kanyang Chinese counterpart.
Walang humpay ang pagbababala ng pamahalaan sa mga Pilipinong nangingibang-bansa na mag-ingat upang huwag mahulog sa bitag ng mga sindikato, dagdag pa ni Pangulong Aquino. Sa Tsina, ani Pangulong Aquino, malaking problema ang dulot ng droga at buhay na buhay ang "death sentence." Maganda na umano ang Pilipinas na hindi na kailangan pang kumapit sa patalim ang mga mamamayan upang mabuhay.
Pinalalakas pa umano ng pamahalaan ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at magsusulong ng mga panibagong batas para higpitan pa ang paglaban sa salot ng droga.
Sinabi ni Pangulong Aquino na nararapat lamang pasalamatan si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa paglalakbay patungong Tsina sa pagtatangkang baka maging life sentence na lamang ang hatol sa Pilipinong nakatakdang bitayin sa Huwebes, Disyembre otso.
PANGULONG MACAPAGAL-ARROYO, DADALHIN SA VETERANS MEMORIAL MEDICAL CENTER
INIHAHANDA na presidential suite sa Veterans Memorial Medical Center upang pagdalhan kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo samantalang may paglilitis sa mga usaping inihain laban sa kanya.
Nagdesisyon si Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court na ilipat ang dating pangulo sa pagamutang pag-aari ng pamahalaan. Pansamantalang naninirahan at nagpapagaling ang dating pangulo sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City.
Ito ang nabatid kay Dr. Nona Legazpi, ang director ng Veterans Memorial Medical Center. Magpupulong na ang mga opisyal na may kinalaman sa seguridad at mga tauhan ng pagamutan upang paghandaan ang paglilipat sa dating pangulo.
Magugunitang sa Veterans Memorial Medical Center din dinala si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at ang kanyang anak na ngayo'y Senate Pro-Tempore Jinggoy Estrada noong 2001 samantalang may kaso silang plunder mula sa Arroyo administration.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |