|
||||||||
|
||
Isang masaya at buhay na buhay na pagtitipon na tinampukan ng ibat-ibang pagtatanghal mula sa mga mamamahayag at manggagawa ng Radyo Internasyonal ng Tsina (CRI) ang idinaos noong ika-29 ng Nobyembre sa International Theater of China, dito sa Beijing.
Ang naturang pagtitipon ay kabilang sa mga serye ng aktibidad na inilinya ng CRI bilang paghahanda sa pagdiriwang sa ika-70 anibersaryo nito sa ika-3 ng Disyembre.
Bukod sa pagiging mamamahayag at tagapagsahimpapawid ng balita, ipinakita ng mga manggagawa ng CRI ang kanilang gilas sa pag-awit, pagsayaw, pagsasadula, pagtugtog ng gitara, plawta at biyolin, at marami pang ibat-ibang paraan ng pagpapakita ng sining. Isang palatandaan na hindi lamang sa pagbabalita mahusay ang mga taga-CRI, kahit sa sining ay magaling din.
Dinaluhan naman ng mga embahador mula sa ibat-ibang bansa, mga opisyal ng media sa loob at labas ng Tsina, matataas na opisyal ng CRI, mga dati at kasalukuyang empleyado ng CRI ang naturang aktibidad.
Itinaon din sa naturang selebrasyon ang paglulunsad sa ika-70 himpilan ng radyo ng CRI sa ibayong dagat, ang opisyal na paglulunsad ng China International Broadcasting Network o CIBN at T and D video format ng CRI.
Sinabi ni Wang Gengnian, Presidente ng CRI, na ang mga naturang inobasyon ay mga konkretong pag-unlad na nakamtan ng CRI mula nang itatag ito sa Kuweba ng Yan'an noong 1941.
Idinagdag pa niyang ang CIBN ay ang nukleong progreso ng CRI sa larangan ng pagpapaabot ng impormasyon sa mga tagapakinig sa apat na sulok ng daigdig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |