|
||||||||
|
||
IKINALUNGKOT ng mga mamamayang Pilipino ang pagbitay sa kanilang kababayan sa Tsina ngayong Huwebes, matapos igawad ang parusang kamatayan dahilan sa pagpupuslit ng heroina na halos isang kilo't kalahati noong 2008. Sinang-ayunan ng Korte Suprema ng Tsina ang hatol ng mababang hukuman na naggawad ng parusang kamatayan sa "drug mule."
Ayon kay Assistant Secretary Raul Hernandez, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, isinagawa ang lethal injection kaninang alas dose y media ng tanghali sa Liuzhou, Guanxhi.
Isinasaayos na umano ng Konsulado ng Pilipinas sa Guangzhou ang pagpapadala ng labi pabalik sa Maynila.
Nakikiusap ang pamilya ng kondenadong Pilipino na huwag nang ihayag ang pangalan at iba pang detalyes ng pamilya. Ito rin ang ipinanawagan ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay at ang Department of Foreign Affairs sa mga mamamahayag.
Sinabi ni Assistant Secretary Hernandez na ikinalulungkot ng madla ang naganap na pagbitay. Magugunitang tatlong Filipino na ang nabitay kamakailan dahilan sa pagpupuslit ng droga patungo sa Tsina.
Ayon kay Senate Foreign Relations Committee Chairman Loren Legarda, mahigpit ang batas na ipinatutupad ng mga bansa hinggil sa illegal na droga at ito rin ang kalakaran sa Pilipinas kahit pa walang death penalty.
"Ang pagpapatupad ng batas ng Tsina a naaayon sa kanyang mga karapatan bilang isang bansa," sabi ng mambabatas. Idinagdag pa rin niya na hindi ito makaaapekto sa relasyon ng Tsina at Pilipinas.
Ito rin ang pananaw ni Asst. Secretary Hernandez na hindi maaapektuhan ang maganda at matibay na relasyon sa pag-itan ng dalawang bansa.
Sinabi ni Jose Salgado, tagapagsalita ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay, na nagkita na ang mga kamag-anak ng sentensyadong Pilipino ang kanyang mga kamag-anak, ganap na ika-siyam ng umaga.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |