|
||||||||
|
||
SAPAGKAT pinamunuan mismo ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona sa pamamagitan ng pagpapapasa ng impeachment complaint noong Lunes sa Mababang Kapulungan, pumasok na sa isang "constitutional crisis" ang Pilipinas.
Ito ang pahayag ni Atty. Roan Libarios, pangulo ng Integrated Bar of the Philippines sa isang briefing na ibinigay para sa mga mamamahayag na kabilang sa Foreign Correspondents Association of the Philippines kaninang umaga.
Ipinaliwanag ni Atty. Libarios na ang mga akusasyon laban kay Chief Justice Corona ay may kinalaman sa mga naging desisyon ng Korte Suprema at hindi ang mga naging desisyon ng pinatalsik na chief justice. Hindi kailanman naging ponente si Chief Justice Corona sa mga sinasabing kontrobersyal na mga desisyon.
Ani Atty. Libarios, si Chief Justice Corona ay sumang-ayon o tumaliwas sa mga naging desisyon ng nakararami sa Korte Suprema. Ang mga desisyon umano ay desisyon ng collegial body at hindi ng isang mahistrado lamang. Dumaan umano sa mga mainitang deliberasyon ang mga usaping inihain sa Korte Suprema bago naglabas ng kaukulang desisyon sa pamamagitan ng mga botohan at iba't ibang motion for reconsideration.
Lumalabas umanong nakatuon ang pansin ni Pangulong Aquino sa kanyang reform agenda kaya't ang mga desisyon ng Korte Suprema na hindi sang-ayon sa kanyang layunin ay kinikilalang masama at pagpanig sa kanyang hinahabol na dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nababahala umano ang mga abogado sa magiging mga implikasyon ng pagpapatalsik sa Chief Justice at sa prosesong ginamit sa Mababang Kapulungan. Baka umano mayanig ang sandigan ng demokrasya sa Pilipinas – sa pagkakaroon ng kontrol ng ehekutibo sa buong burukrasya, pagkakaroon ng poder ng lehislatibo na maglaan sa salapi sa mga ahensya ng pamahalaan at magpasa ng mga batas.
Ipinaliwanag pa niyang ang Korte Suprema at ang hudikatura ang pinakamahina sa tatlong co-equal branches ng pamahalaan sapagkat siya lamang ang nagbabalik-aral sa mga batas at gawi ng lehislatura at ehekutibo.
Ikinagulat umano ng mga abogado ang ginawa ng Mababang Kapulungan na bigla na lamang nagtanong tungkol sa constitutionality ng mga desisyon ng Korte Surprema. Pinalabas umano ng mga mambabatas na ang naging desisyon ng Korte Suprema ay taliwas sa itinatadhana ng batas.
Sa Lunes, nakatakdang magkaroon ng Focused Group Discussion ang Integrated Bar of the Philippines at idaraos din ang pagpupulong ng Board of Governors mula sa iba't ibang bahagi ng bansa upang pag-usapan kung ano ang kanilang gagawin.
Itinanong k okay Atty. Libarios kung nagkaroon na ng ganitong mga pangyayari sa ibang bansa. Ayon sa pangulo ng Integrated Bar of the Philippines, pinatalsik noon ni Pangulong Musharaf ng Pakistan ang kanilang Chief Justice. Nanindigan umano ang mga abogado at hinarap ang pamahalaan ni Ginoong Musharaf. Kahit pa may mga nadakip at nabimbin, nakabalik din sa puesto ang pinatalsik na chief justice.
Ang isa sa ipinangangamba ni Ginoong Libarios ay ang pagkapinsala ng imahen ng sagradong institusyon tulad ng hudikatura, lehislatura at ang ahekutibo.
Pinasok na umano ng Kongreso ang trabaho ng Hudikatura. Sa kasalukuyang set-up ng pamahalaan, ang Korte Suprema ang siyang "final arbiter" at nagsusuri sa mga batas na nagmumula sa lehislatura.
Niliwanag din ni Atty. Libarios ang naging desisyon ng Korte Suprema sa Truth Commission na binuo ni Pangulong Aquino noong nakalipas na taon. Ang ginawa umano ng Korte Suprema ay nagmungkahi na baguhin ang Executive Order na bumubuo sa Truth Commission upang maisama ang mga nakalipas na administrasyon at hindi sa panahon lamang ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Tatlo ang maaaring maganap sa mga susunod na linggo, una ay ang posibilidad na magbitiw na lamang sa posisyon si Chief Justice Corona at ang pangalawa ay harapin ang impeachment trial sa Senado ng Pilipinas at ang pangatlo ay ang pagtutungo ng sinumang mamamayan sa Hukuman upang pigilin ang pagdinig ng Senate sa impeachment.
Ayon kay Atty. Libarios, maaaring mauwi pa rin sa "constitutional crisis" ang situwasyon sa oras na hindi kilalanin ng Senado ang "judicial injunction."
Makaligtas man o hindi sa impeachment si Chief Justice Corona, ipinangangamba ni Atty. Libarios na nabawasan na ang pagkilala at paggalang ng madla sa Hudikatura at maging sa Lehislatura.
SIMBANG GABI, NAGSIMULA NA
MARAMING mga simbahan ang napuno bago sumapit ang ika-apat ng umaga kanina sa pagsisimula ng siyam na araw na Misa de Gallo. Ito ang isa sa pinahahalagahang tradisyon ng mga Pilipino bilang paghahanda sa darating na Pasko sa ika-25 ng Disyembre.
Sinimulan noong kapanahunan ng mga Kastila, ang pagdaraos ng Misa sa medaling araw ay isinagawa upang bigyan ng pagkakataon ang mga magbubukid na makapagsimba.
Karaniwang naglalakad ang mga Pilipino patungo sa kani-kanilang mga parokya upang making ng Misa. Karaniwang napupuna ng mga obispo mula sa iba't ibang bahagi ng bansa ang pagdagsa ng mga nagsisimba sa anticipated Mass na idinaraos kada ika-walo ng gabi para sa susunod na araw samantalang may Misa de Gallo sa ganap na ika-apat o ika-apat at kalahati ng umaga.
Kinagigiliwan ng mga Pilipino ang pagkain ng mga kakaning ginawian na, mga ilang daang taon na ang nakalilipas tulad ng mga bibingka at puto bumbong, kasabay na ang iba pang lutong kakanin na sinasabayan ng pag-inom ng mainit na tsaang nilalagyan ng tanglad o kapeng barako.
Karaniwang makikita ang mga parol na iba't ibang hugis at uri. Pinakapopular ang mga parol na hugis bituin na siyang simbolo ng talang nakita sa itaas ng sabsabang pinagsilangan kay Jesucristo higit sa dalawang libong taon na ang nakalilipas.
Karaniwang ginagawa rin ng mga kabataan ang pananapat sa mga tahanan samantalang umaawit ng mga awiting pamasko. Ang karaniwang ginagawa ng may tahanan ay bigyan sila ng ala-ala na maaaring mga kakanin o salapi para sa kanilang mga bibilhin sa darating na Pasko.
Sa mga tanggapan naman ay karaniwang isinasagawa ang mga Christmas parties na mayroong pagpapalitan ng mga regalo at salu-salo. Ito rin ang kinagawian sa mga paaralan at ngayong Biyernes, ang huling araw ng pasok, karaniwang mayroong mga Christmas programs at parties.
Sa hatinggabi ng Sabado, ika-14 ng Disyembre, idaraos naman ang Misa para sa pagdiriwang ng Pasko, paggunita sa unang paskong naganap. Minsa'y tinatawag na Misang May Tinis sapagkat ang mga mang-aawit sa simbahan ay may tin-is, o mataas na himig.
SANDATAHANG LAKAS NG PILIPINAS, NAGDEKLARA NG TIGIL-PUTUKAN
SA pagdiriwang ng Kapaskuhan at sa pagpapakita ng katapatan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa layuning magtagumpay ang peace process, isang unilateral ceasefire ang ideneklara ng pamunuan sa New People's Army mula kaninang alas-dose uno ng medaling araw hanggang sa hatinggabi ng ikalawang araw ng Enero sa susunod na taon.
Kilala sa pangalang Suspension of Offensive Military Operations o SOMO, ideneklara ni Lt. General Jessie Dellosa, ang bagong hirang na AFP Chief of Staff ang kautusan sa lahat ng unit at field commanders. Saklaw nito ang deliverate offensive operations laban sa NPA at hindi kasama ang military actions na magsasanggalang sa mga mamamayan, mahahalagang instalasyon, mga investment infrastructure at mga komunidad laban sa mga pananalakay ng mga NPA.
Ani ni General Dellosa, pagkakataon ito para sa mga gerilya na magdiwang ng Pasko sa kanilang mga pamilya ng walang anumang pangamba.
Susuporta pa rin ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa Philippine National Police at iba pang nagpapatupad ng batas sa oras na mangailangan sila.
Tuloy pa rin ang security patrol sa mga kampo, detachment at mahahalagang instalasyon sa paligid ng bansa.
Samantala, kaninang ika-lima ng umaga, ang Community Organization for Peace and Development team ng 4th Infantry Division ang sinalakay ng mga gerilya ng New People's Army na ikinasawi ng limang enlisted personnel at pagkakasugat ng dalawang iba pa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |