|
||||||||
|
||
PINAGHAHANDAAN na ng Pilipinas ang darating na taon sa pagtatapos ng 2011 na kinakitaan ng maraming elemento ng kawalan ng katiyakan.
Sinabi ni Gobernador Amado Tetango, gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na kung ihahambing sa isang pelikula ang taong magtatapos, may mga elemento ito ng isang blockbuster movie sapagkat mayroon itong suspense, drama, comedy at ilang love-hate episodes sa mga pinuno ng iba't ibang bansa.
Sa kanyang pagharap sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines, sinabi ni Ginoong Tetangco na nagkaroon ng "twists and turns" hindi lamang sa Pilipinas kungdi sa America at Europa.
Masasabing sumugal ang mga policy-maker dahilan sa maraming pagbabagong nagaganap. Nakasabay sa mga pagbabago ang pagpapalit ng mga punong-bansa.
Nasaksihan umano ang pagiging magalaw o mabuway ng America at Europa, pagkalat ng geo-political unrests sa mga bansang nasa Gitnang Silangan na naging dahilan ng pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo sa ikalawa at ikatlong quarter ng taong 2011. Naramdaman din ang matinding kalamidad sa Japan at pagbaha sa Thailand na puminsala o yumanig sa global food chain.
Sa mga pangyayaring ito, ayon ka Gobernador Tetangco, nasira na ang pandaigdigang pananaw para sa 2012. Binawasan na rin ng International Monetary Fund at iba pang mga nagsusuri ang kanilang growth forecasts.
Sa kanilang pagsusuri, lumabas na tatlong major risks ang nakita nilang mga peligro sa 2012, tulad ng pagsidhi ng debt crisis sa Europa na mauuwi sa deleveraging sa banking at corporate sectors na magiging dahilan ng paghigpit ng pananalapi at pagpapautang, hindi lamang sa loob ng European Union bagkos ay sa buong daigdig; ang patuloy na paghina ng US labor market at mahahatak pa ang global demand prospects at ang peligro ng economic slowdown sa Tsina na magiging dahilan ng paghina ng ekonomiya sa Asia at sa buong daigdig.
Idinagdag ni Gobernador Tetangco na hindi siya naniniwalang magkakaproblema ang ekonomiya ng Tsina sapagkat unti-unti nitong binabawasan ang pag-unlad sa pamamagitan ng mga maayos na programang iiwas sa pagputok ng sinasabing economic bubble. Mula umano sa double digit na growth rate, matagumpay nilang naisagawa ng mga Tsino na maging single digit na lamang ang kaunlaran sa nakalipas na ilang taon.
Kailangan umanong magawa ang kailangang reporma sa pananalapi, pagpapalakad ng kalakal at ekonomiya na higit na magpapatibay sa balansiyadong pag-unlad ng daigdig. Subalit ipinaliwanag ni Gobernador Tetangco na dapat itong mailagay na sa tamang perspektiba.
Nakita rin ni Gobernador Tetangco ang posibleng epekto ng pandaigdigang economic slowdown tulad ng sa kalakal sapagkat ang America, Europa at Japan ang bumibili ng halos kalahati ng exports ng Pilipinas na aabot sa tig-lalabing-limang porsiyento bawat isa.
Sa daigdig ng services sapagkat ang America ang pinagmumulan ng 75% ng business process outsourcing sa Pilipinas samantalang mayroon ding 7% mula sa Europa.
May dagok din sa remittances sapagkat nagmumula ang 42% ng remittances sa America samantalang 17% naman ang mula sa Europa.
Sa larangan ng Foreign Direct Investments, 23% ang nagmumula sa America samantalang 4% ang nagmula sa Europa. Kahit na rin ang Overseas Development Assistance ay maaapektuhan din sapagkat sa America nagmumula ang21% samantalang 23% naman ang nagmumula sa Europa.
IBINALITA naman ng European Union na mayroon nang alokasyon ang Pilipinas na tatlong milyong Euro upang suportahan at tulungan ang libo-libong mamamayan na apektado ng bagyong "Sendong."
Ang pondo'y gagamitin sa paglilinis, pagpapakain at mga pansamantalang tahanan, gamot, tubig, sanitation at protection. Higit umano sa 100,000 katao ang nangangailangan ng madaliang tulong.
Pinakilos na ng Monitoring and Information Center ang kanilang EU Civil Protection Mechanism upang payuhan ang mga kasaping bansa sa pangangailangan ng mga biktima sa loob at labas ng evacuation centers.
Ayon kay Kristalina Georgieva, EU Commissioner for International Cooperation, Humanitarian Aid and Crisis Response, tinamaan ang Pilipinas ng sunod-sunod na bagyo at sama ng panahong may dalang lubhang pag-ulan.
AYON naman kay Major Eugene Osias, Jr., tagapagsalita ng 4th Infantry Division ng Philippine Army sa Cagayan de Oro City, hanggang kaninang ika-walo ng umaga, 629 na ang patay sa lungsod samantalang nawawala pa ang 557. Ang nasugatan nama'y umabot na sa 225.
Natangay ng baha ang may 5,598 na tahananan samantalang ang bahagyang napinsala ay umabot sa 9,470. Ang talaan ng mga pamilyang apektado ng baha sa Cagayan de Oro ay 34,170 mula sa 39 na mga barangay.
Ayon sa impormasyong nakarating sa National Disaster Risk Reduction Management Center sa Maynila, 976 na ang nabalitang nasawi at may 1,603 ang nasugatan at 46 na nawawala.
BUKAS ng umaga, nagpatawag naman ang United Nations Humanitarian Action Coordinator na si Dr. Sei Nyunt-U at ang country director ng World Health Organization ng isang briefing upang ihayag ang konkretong balak ng United Nations sa pagtulong sa mga nasalanta ni "Sendong" sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Idaraos ang pulong sa ika-30 palapag ng Yuchengco Tower, sa United Nations Population Fund Conference Room sa Lungsod ng Makati.
INATASAN ni Chief Public Attorney Persida V. Rueda Acosta ang lahat ng mga tagapagtanggol ng Public Attorney's Office na tumulong sa mga nasalanta ng bagyong "Sendong" sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga legal aid clinic sa Northern Mindanao at Central Visayas partikular sa Dumaguete City sa Negros Oriental.
Ayon kay Chief Public Attorney Acosta, tutulong ang mga abogado sa paggawa ng affidavits of loss, reconstruction ng mga titulo ng lupa at iba pang mga dokumento na mangangailangan ng legal representation, pakikipagtulungan sa local civil registrar at sa National Statistics Office tungkol sa pagpaparehistro ng death certificates ng mga biktima at iba pang legal aid requirements.
Lumabas ang derektiba kamakalawa at ngayo'y nagtungo na sa Cagayan de Oro si Chief Public Attorney Acosta upang pamunuan ang legal aid clinics doon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |