|
||||||||
|
||
Noong ako'y bata pa, lagi kong naririnig sa aking mga naging guro, na ang pagtuturo ay hindi birong propesyon, at napakalaking responsibilidad ang nakaatang sa kanilang mga balikat.
Sa aking murang pag-iisip noong mga panahong iyon, hindi ko lubos maintindihan ang kanilang sinasabi. Subalit, makalipas ang maraming taon, nagtapos ako ng pag-aaral, naging ganap na mamamahayag, at kamakailan ay naging guro na rin sa Pamantasan ng Peking, ngayon ko pa lang napagtanto ang kanilang mga sinabi..
Tuwing pupunta ako sa pamantasan upang magturo ng Wikang Filipino, pumapasok sa aking isipan ang awiting "Magtanim ay Di Biro," pero, sa aking situwasyon, ito ay nagiging "Magturo'y Di Biro," hindi dahil sa nahihirapan ako sa pagtuturo o ayaw kong magturo, kundi, dahil malaki ang responsibilidad na nakapatong sa aking mga balikat upang magbigay ng wasto at tumpak na kaalaman sa aking mga estudyante.
Pero, ang karanasang ito ay hindi lamang naging dahilan upang ako ay magpursige sa aking pagbibigay-kaalaman, ito rin ang naging dahilan upang makilala ko at maging kaibigan ang mga mababait na guro at mag-aaral ng kursong Araling Filipino ng Pamantasang Peking.
Sa pamamagitan ng aking pagiging guro, naibabahagi ko ang isang parte ng aking sarili sa aking mga estudyante. Sa pamamagitan nito, hindi lang sila natututo, maski ako man ay marami ring natututunan sa kanila.
Ngayon ay naintindihan ko na kung bakit ganoon na lang ang pagpupursige ng aking ina na maging guro: sa pamamagitan ng propesyong ito, siya pala ay tumutulong sa paghubog ng kaisipan ng mga kabataang, isang araw ay silang mamumuno ng ating mundong ginagalawan.
Dahil diyan, maraming salamat po sa aking uanang guro: ang aking ina. Maraming salamat sa lahat ng aking naging guro, kasalukuyang guro, at lahat ng guro sa buong mundo, nawa'y lagi kayong maging malakas. Mabuhay po kayong lahat!
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |