Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Unang balita na may 1,000 pang nawawala, pinabulaanan

(GMT+08:00) 2011-12-23 17:30:08       CRI

HINDI umano tama ang lumabas na balitang higit sa isang libo katao ang nawawala pa dala ng pagbaha sa Mindanao noong nakalipas na Sabado.

Lumabas sa isang ulat na higit sa isang libo katao ang nawawala kahit pa higit sa isang libo katao na ang nasawi. Ayon sa pinakahuling ulat ng pamahalaan, 1,080 katao ang nasawi dala ng bagyong si "Sendong."

Ipinaliwanag ni Defense Undersecretary at Office of Civil Defense Administrator Benito Ramos na may mga bangkay na hindi na nakilala at nailibing na. Hirapan umano silang makapaglabas ng datos sa bilang ng mga nawawala sapagkat pati ang mga opisyal ng barangay ay problemado sa paglalabas ng angkop na bilang ng mga nawawala.

Nanawagan si Undersecretary Ramos na pagtuunan ng pansin ang paghahanap sa mga nasawi at pag-aalaga sa mga nakaligtas sa trahedya.

VICE PRESIDENT JEJOMAR BINAY DUMALAW NA SA NEGROS ORIENTAL

NAMAHAGI ng relief goods si Vice President Jejomar C. Binay kaninang umaga sa mga pamilyang apektado ng bagyong "Sendong" sa Gitnang Kabisayaan. Dumalaw siya sa mga lungsod ng Dumaguete at Tanjay at sa mga bayan ng Amlan, Sibulan at Valencia.

Ayon kay Ginoong Binay, nagtungo siya sa lalawigan upang matiyak na kahit paano'y makatulong man lang sa mga naging biktima a magkaroon sila ng pagkakataong may pagsasaluhan sa araw ng Pasko.

Sa Dumaguete, nakausap ng pangalawang pangulo ang mga biktimang naninirahan sa mga tolda. Pakikiisa umano ang kanyang pagdalaw sa mga nasalanta.

Ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay nagkaloob ng 10,500 bag ng relief goods at may walong-daang kumot sa mga apektadong pook sa Negros Oriental. Nag-iwan din ng salapi sa mga pamilya sa Valencia at Dumaguete.

Samantala, ang Filipino Chinese Chamber of Commerce, Inc. ay nagkaloob din ng P 100,000.00 sa Dumaguete sa kahilingan ni Ginoong Binay. Ipinagkaloob na ng pangalawang pangulo ang salapi sa punong-lungsod ng Dumaguete kanina.

IBA'T IBANG AHENSYA AT PAMAHALAAN, NAKIRAMAY AT NANGAKO NG TULONG

IKINATABA naman ng puso ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang ginawang pagpapa-abot ng pakikiramay at pangako ng kaukulang tulong mula sa international organizations at mga bansa mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Ayon kay Kalihim Albert F. Del Rosario, nag-alok ang Tsina ng US $ 1 milyon halaga ng assistance. Nauna nang nagbigay ang Embahada ng Tsina sa Maynila ng halagang US $10,000.

Idinagdag pa ng kalihim na nagpaabot ng pakikiramay si World Health Organization Regional Director Shin Young-Soo samantalang nanawagan para sa halagang US $ 50,000 ang Inernational Organization of Migration sa ilalim ng liderato ni Director General William Swing.

Ang League of Arab States Secretary General Nabil Elaraby ay nagpaabot din ng pakikiramay sa mga nasalanta ni "Sendong." Sina Singaporean Acting President JY Pillay at Acting Prime Minister Teo Chee Hean ay magpapadala ng Singaporean $ 50,000 sa pamamagitan ng Red Cross at may 1,000 relief goods na nagkakahalaga ng halos Singaporean $ 30,000.

Ang pamahalaan ng Indonesia ay nag-alok ng serbisyo ng kanilang Search And Rescue and Medical Teams upang tumulong sa operasyon sa Mindanao. Mayroon din silang ipinagkaloob na US $ 10,000 at relief goods. Si Undersecretary Rafael Seguis ang tumanggap na donasyon at ipinagkaloob na sa National Disaster Risk Mitigation and Management Council at Department of Social Welfare and Development.

Ipinagkaloob na ng Malaysia kay Philippine Ambassador to Kuala Lumpur Eduardo Malaya ang halagang Malaysian $ 100,000 samantalang nagpaabot ng pakikiramay ang mag-asawang Haring Bhumiphol Adulyadej at Reyna Sirikit ng Thailand.

Maging ang Republika ng Korea ay nagpadala na ng US $ 500,000 halaga ng relief goods tulad ng Australia ng mayroong Australian $ 1 milyon na gagamitin ayon sa pagsusuri at rekomendasyon ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>