|
||||||||
|
||
MAITUTURING na isa sa pinakapayapang taon sa panig ng paggawa ang taong magtatapos. Ito ang pahayag ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis Baldoz sa panayam ng China Radio International – Filipino Service kaninang umaga.
Natamo umano ng bansa ang matagal nang minimithing "industrial peace," ang kapayapaan sa pagitan ng mga manggagawa at mga may-ari ng mga kumpanya.
Ayon kay Kalihim Baldoz, wala halos nagtanong o nagreklamo tungkol sa kanilang 13th month pay, di tulad noong mga nakalipas na taon.
Isang bagay na nakatulong sa tagumpay ng Kagawaran ay ang pagpapatupad sa buong bansa ng Skills Registry System (SRS) upang matiyak ang angkop na hanapbuhay para sa mga manggagawa.
Sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment, maisusulong ang mekanismo hindi lamang sa pag-iimbak ng mga impormasyon tungkol sa kakayahan ng mga manggagawa kung di ang pagkakaroon ng mahalagang labor market information sa mga hanapbuhay na kailangan sa local market.
Sa panig naman ni Ginoong Edgardo Lacson, Pangulo ng Employers Confederation of the Philippines, unti-unting nakakabawi ang daigdig sa hagupit ng 2008 economic crisis.
Subalit sa kakayahan ng ekonomiya ng Pilipinas at mga mamamayan sa ilalim ng liderato ng isang iginagalang at popular na pamahalaan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, mapapanatiling ligtas ang ekonomiya ng bansa at handang humarap sa anumang hamon ng taong 2012.
Ang ingay sa larangan ng politika dala ng impeachment process at trahedyang dala ni "Sendong" ay higit na magpapalakas at magpapatibay sa pangakong magpapatotoo ang millennium development goals.
Halos mababa pa sa 7% ang unemployment rate hanggang sa buwan ng Oktubre, nagkaroon din ng industrial peace na nakita sa pinakamababang bilang ng mga welga, mas maraming investor mula sa Pilipinas ang pumalit sa foreign funds sa capital markets, mas mataas na bilang ng mga turistang dumalaw sa Pilipinas at mas malaking naipadala ng mga manggagawang nasa ibang bansa, ang halos isang milyong mga kawani ng business process outsourcing na may kapital na higit sa $ 10 bilyon at ang paggastos ng pamahalaan sa infrastructure ang ilan sa mga indikasyon ng mas magandang takbo ng bansa sa 2012, dagdag pa ni Ginoong Lacson.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |