|
||||||||
|
||
PINAGBABALAKAN na ng Kagawaran ng Edukasyon na magkaroon ng bagong disenyo ng paaralan upang magamit din ng mga biktima ng kalamidad. Karaniwang tumatakbo at pansamantalang naninirahan sa mga paaralan ang mga binagyo, binaha, at maging mga biktima ng pagguho ng lupa at sunog.
Ito ang pahayag ni Assistant Secretary Antonio Umali sa panayam ng Veritas Legazpi at China Radio International-Filipino Section kanina. Ayon kay Ginoong Umali, 39 na paaralan na mayroong 406 mga silid-aralan ang nangangailangang isaayos samantalang ang mga upuan, mesa at mga pisara (blackboard) ay umabot sa may P 20.42 milyon ang pinsala.
Ang mga computer sa mga paaralang ito ay napinsala din at nagkakahalaga ng P 3.85 milyon samantalang ang mga aklat na napinsala ay umabot sa higit sa P 2 milyon.
Idinagdag ni Ginoong Umali na sa pangkalahatan ay umabot sa P 106 milyon ang buong pinsala sa Kagawaran ng Edukasyon.
Tatlong paaralan ang natangay ng baha, dalawa sa mga ito ay nasa Iligan City at kailangan ng ilipat sapagkat sakop ng mga peligrosong lugar ayon sa geohazard map ng Pilipinas.
Apat na paaralan sa Cagayan de Oro City ang ginagamit na evacuation centers, sa Iligan City at isang paaralan sa Compostela Valley ang pansamantalang tinitirhan ng mga biktima.
Magtatayo na umano ng pansalamantalang silid-aralan sa pagbabalik ng mga bata sa darating na Martes, a-tres ng Enero, 2012. Malaki ang posibilidad na maantala ang pagbabalik ng mga mag-aaral sa klase kung gagamitin pa ang mga gusali bilang evacuation centers.
Mayroon na rin umanong ginagawa ang Kagawaran ng Edukasyon tungkol sa stress debriefing ng mga guro at mga mag-aaral.
Idinagdag pa ni Ginoong Umali na mayroong pakikipagtulungan ang kanilang kagawaran sa tanggapan ni Senador Loren Legarda para sa angkop na disenyo ng mga paaralan upang magsilbing hindi lamang silid aralan kungdi maging evacuation center na rin.
Aalamin din nila ang kinalalagyan ng mga paraalan at kung malalamang kasama sa geohazard areas at maililipat ang mga ito upang huwag manganib ang mga guro't mag-aaral.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |