|
||||||||
|
||
ANG serye ng mga bagyong dumaan sa Pilipinas ay naka-apekto sa kita ng mga magsasaka sapagkat nagkaroon ng matinding pinsala sa mga pananim at mga sakahan.
Ito ang pananaw ni Gobernador Amando Tetangco ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa isang eklusibong panayam ng China Radio International – Filipino Section kaninang umaga sa kanyang pagharap sa Tuesday Breakfast Club.
Ani Ginoong Tetangco, naniniwala sila sa Bangko Sentral na magiging panandalian lamang ang epekto ng mga kalamidad na ito sa buong larawan ng ekonomiya ng bansa at hindi gasinong makakapagpagalaw o magpapabulusok sa pangkalahatang aspeto ng ekonomiya ng bansa, partikular sa panig ng inflation.
Ang malaking bahagi ng consumer price index ay nagugugol sa pagkain at ang forecast ng Kagawaran ng Pagsasaka at ng National Food Authority ay magkakaroon pa rin ng magandang ani. Kasama ng magandang ani at balak na mag-angkat ng sapat na dami ng bigas mula sa ibang bansa ay makakatiyak ng sapat na dami ng bigas sa pamilihan. Ito umano ay magiging positibo para sa inflation at mahalaga na mapadali ang rehabilitation efforts at matiyak na matatapos sa tamang panahon upang makabawi ang mga apektadong lugar ng mga kalamidad at ng mga mamamayan.
Ang inflation umano na dahilan sa mga sama ng panahon tulad ng bagyo, pagbaha at pagguho ng lupa ay minsanan lamang. Hindi nagtatagal at sandali lamang ang anumang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at nawawala din kaagad.
Idinagdag pa ni Gobernador Tetangco na tatlong dahilan ang nagpalugso sa 2012 global economic growth outlook tulad ng posibilidad na hindi malutas ang European debt crisis na magpapahina sa financial conditions hindi lamang ng mga kalapit bansa ng Europa bagkos ay makayayanig din sa core economies at makakasabay ng fiscal tightening na magiging daan tungo sa recession sa Europa.
Isang pang situwasyon ang kanilang minamatyagan at ito ay ang posibilidad na humina pa ang US labor market at madadamay pa ang global demand prospects. Makaaapekto rin ang pagdaraos ng halalan sa Amerika, dagdag pa ni Ginoong Tetangco. Nangangamba rin siyang magkaroon ng slowdown sa Tsinan a makaaapekto hindi lamang sa rehiyon kungdi sa buong daigdig.
Hindi umano malulutas ang alinman sa tatlong ito sa madaling panahon. Hindi rin mababatid ang pinag-ugatan ng mga problemang ito, dagdag pa ni Gobernador Tetangco.
Kung magpapatuloy ang mga ito, mababawasan ang mga investments na papasok sa Pilipinas. Baka umano magkaroon din ng epekto sa global exchange at interest rates, presyo ng iba pang assets kabilang na ang real estate at magpahirap sa pagbuo ng mga polisiya at pagpaparating ng polisiya sa angkop na sektor.
Maaari ding maapektuhan ang kalakal ng Pilipinas sapagkat ang kalakal ng Pilipinas sa Europa, America at Tsina ay halos kalahati na ng kalakal ng Pilipinas sa buong daigdig. May 15% ang ipinagbibili ng Pilipinas sa America at 13% naman ang ipinagbibili sa Europa samantalang may 12% naman ang ipinagbibili ng Pilipinas sa Tsina.
Posible ring tamaan ang remittances ng Overseas Filipino Workers at BPO services sapagkat 42% ang remittances na mula sa America at 17% naman ang mula sa Europa samantalang 73% ang kita ng Pilipinas sa Business Process Outsourcing mula sa mga kumpanyang mula sa America samantalang 7% naman ang mula sa Europa. Maaari ding mabawasan ang investments sapagkat ang ¼ ng foreign direct investments ay mula sa America (23%) at Europa (4%).
Ani Gobernador Tetangco, handa ang Bangko Sentral ng Pilipinas at ang pamahalaan na harapin ang anumang hamon sa ekonomiya ng bansa.
SAMANTALA, ang mga pamilyang nasa mga covered courts at gymnasia at nailipat na sa mga temporary o transitional shelters upang maibsan ang bilang ng mga taong nas amga paaralan sa pagbabalik ng mga mag-aaral ngayong araw na ito.
Ito ang balita ng Department of Social Welfare and Development sa Region X. Ang mga pamilyang nasa mga silid-aralan ay hindi muna maililipat. Ang mga nasa covered courts at gymnasia lamang ang ililipat ng pansamantalang matitirhan.
Hanggang kahapon ng hapon, may 204 na pamilya na ang dinala sa dalawang simbahan sa Cagayan de Oro City.
Ayon sa Kagawaran ng Edukasyon, ang mga gurong sinanay ng UNICEF ay magsasagawa ng psychosocial processing sa mga elementary at high school mula bukas.
May 44 na evacuation centers ang bukas sa Iligan at Cagayan de Oro cities. May 408 tolda ang naitayo ng Philippine National Police at Rotary International sa isang loteng may sukat na tatlo at kalahating ektarya.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |