Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga bagay na di pa ninyo alam tungkol sa Tsina

(GMT+08:00) 2012-01-05 19:17:58       CRI

Magandang magandang gabi mga katoto, kapanalig, at kabarkada. Welcome muli sa programang may tatak Tsina at pusong Pinoy, ang Dito lang 'Yan sa Tsina. Ito po ang inyong host, ang guwapong Tarlakenyo, Lakay Rhio. Alam nating lahat na napakaraming magagandang bagay, lugar, at kaugalian dito sa Tsina, kasama na riyan ang Great Wall of China, Tian'anmen Square, Summer Palace, Bundok Wuhan, mga masasarap na pagkain, at marami pang iba. Pero, dahil kapapasok pa lamang ng bagong taon, gusto kong ibahagi sa inyo ang mga bagay at pangyayari na hindi pa ninyo alam hinggil sa Tsina. Ito ay mga pangyayari at bagay-bagay na kakaunting tao pa lamang, kahit dito sa Tsina ang nakakaalam.

Ang una sa mga ito ay tungkol sa Kristiyanismo. Sa Tsina ngayon, mas marami na ang mga Kristiyano kaysa sa bansang Italya, at sa di-malayong hinaharap, ang Tsina ay maaring maging pinakamalaking sentro ng Kristiyanismo sa buong mundo.

Ayon sa mga datos, dahil sa napakabilis na pag-unlad ng Kristiyanismo sa Tsina, tinatayang mayroon na ngayong humigit-kumulang sa 54 na milyong Kristiyano sa bansa. Sa mga ito, 40 milyon ang Protestante at 14 na milyon naman ang Katoliko. Samantala, kumpara sa Italya na mayroon lamang 60 milyong mamamayan, 79 na porsiyento ang mga Kristiyano. Ang ibig sabihin nito, ang Italya ay mayroon lamang 47.4 milyong Kristiyano, mas mababa ng 12 porsiyento kaysa sa Tsina.

Ang susunod: noong naghahanda ang Tsina para sa 2008 Beijing Olympics, mahigit sa 4,000 sanggol ang pinangalanang "Aoyun," na ang ibig sabihin ay "Olympics."

Ang 2008 Beijing Olympic Games ay mahigit pa sa pagiging karangalan ng Tsina, ito ay isang napakaimportanteng bahagi ng kamalayan ng bansa. Dahil dito, mahigit sa 4,000 sanggol na isinilang noong mga panahong iyon ang pinangalanang "Aoyun" o "Olympics," at ang karamihan sa mga pinangalanang "Aoyun" ay mga lalaki. Heto pa kumpadre, bukod sa mga may pangalang "Aoyun," mahigit 4,000 sanggol din ang binigyan ng pangalan na may kaugnayan sa mascot ng 2008 Beijing Olympics, iyong mascot na tinatawag na "Five Friendlies." Ayon sa mga magulang, ito raw ay ginawa nila upang maipahiwatig ang indibiduwalidad ng kanilang mga anak.

Ayon sa mga pananaliksik, unang naimbento rito sa Tsina ang pinaghiyelong halo ng kanin at gatas noong 200 B.C., na siyang ninuno ng ice cream. Bukod pa riyan, nadiskubre rin sa gawing kanluran ng Tsina ang isang mangkok ng noodle na may edad na 4,000 taon. Dahil dito, pinaniniwalaang unang gumawa ng pasta ang mga Tsino.

Sa taong 2025, ang Tsina ay makakapagtayo na ng 10 lunsod na sinlaki ng New York.

Kung magpapatuloy ang bilis at laki ng kasalukuyang pag-unlad ng urbanisasyon ng Tsina, ang populasyon sa mga kalunsuran ng bansa ay aabot sa 926 milyon sa taong 2025 at aabot naman sa 1 bilyon sa 2030. Ibig sabihin, humigit-kumulang sa 40 bilyong metro-kuwadrado ng floor space ang kailangan sa 5 milyong gusali. Limampung libo sa mga gusaling ito ay iskay iskreyper, katumbas ng 10 lunsod na sinlaki ng New York.

Isang babaeng may apelyidong Chen mula sa lunsod ng Zhengzhou, sa probinsyang Henan ay umarkila ng pribadong detektib upang hanapin ang kanyang nawawalang alagang aso na nagngangalang "Rice Ball."

Handa rin siyang magbigay ng 20,000 RMB o US$3,168 sa taong makapagbabalik sa kanya ng naturang aso. Ayon kay Chen, si Rice Ball ay regalo mula sa kanyang anak na ngayon ay kasalukuyang nasa kolehiyo. Aniya, si Rice Ball ay isang sanggol na hindi na lalaki. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakikita si Rice Ball.

6. Sa Zhengzhou, Henan pa rin. Sa isang restawran sa lunsod na ito, may nakapaskil na hindi sila nagsisilbi ng pagkain sa mga taong walang respeto sa mga magulang, mga may kalaguyo o may mga kulasisi, mga taong nagpapalibre, at mga taong hindi naniniwala na ang presyo ng pabahay sa Tsina ay bababa.

Ayon sa may-ari ng restawran na may apelyidong Li, naniniwala siya na dapat isauna ng lahat ng tao ang pagrespeto sa magulang at pagiging tapat sa kanilang mga asawa. Sa isyu naman ng pagbaba ng presyo ng pabahay, siya ay umaasa na sa pamamagitan ng pagpapaskil niya ng ganitong mga salita sa kanyang retawran, makakatulong siya na maimpluwensiyahan ang pagbaba ng presyo ng pabahay. Ayon pa sa isang parokyano ng restawran, ang mga ito ay nagpapaalala sa akin ng mga moral na prinsipyo ng lipunan.

7. Dumako naman tayo sa panghuli, sa lunsod ng Changzhi, probinsya ng Shanxi, may isang 93 anyos na babae na nakakagawa ng split, na parang ballerina. Ayon sa matandang babae na ito, napapanatili niyang malakas at malusog ang kanyang katawan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo araw-araw. Sinabi pa niya na lahat ng tao ay dapat mag-ehersisyo, nang sa ganoon, humaba ang kanilang buhay. Mabuhay po lola!

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>