Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga deboto ng Itim na Nazareno, dumagsa pa rin; tatlong milyon katao, pagtataya ng pulisya

(GMT+08:00) 2012-01-09 18:46:35       CRI

SA LIKOD ng sinasabing paghahasik na lagim ng mga terorista, dumagsa pa rin ang mga deboto ng Itim na Nazareno na ipinuprusisyon ngayon sa kahabaan ng mga lansangan ng Lungsod ng Maynila. Umalis ang imahen ng Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand mga ika-walo ng umaga at hila ng mga deboto ang karo na kinalalagyan ng imahen patungo sa Basilica Minore ng Black Nazarene sa Quiapo District.

Patuloy na dumarami ang mga deboto ng Itim na Nazareno hanggang ngayong hapon at tinataya ng mga alagad ng batas na baka umabot pa ng hanggang hatinggabi bago maipasok sa basilica ang imahen.

Tinataya ng mga kaparian ng Quiapo na saklaw ng Arkediyosesis ng Maynila na baka umabot sa walong milyon katao ang lalahok sa pagdiriwang ngayong taon.

Kahapon, ibinunyag ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang diumano'y nakaambang panganib na idudulot ng mga terorista. Sa pambihirang pagkakataon, humarap sa mga mamamahayag si Pangulong Aquino kasama sina Kalihim Voltaire Gazmin ng Tanggulang Pambansa, Jesse Robredo ng Interior and Local Government, Leila De Lima ng Katarungan at Executive Secretary Paquito Ochoa. Kasama rin press briefing sina Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Jesse Dellosa at Philippine National Police Director General Nicanor Bartolome.

Pinulong ni Kalihim Gazmin ang multi-agency council upang pakinggan ang mga detalye ng security at crowd assistance plans mula sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan at mga non-government organizations. Hanggang kaninang mga katanghalian ay may 115 katao na ang nasugatan sa prusisyon samantalang 39 katao na ang ginamot dahilan sa pagtaas ng presyon ng dugo.

Sa kanyang homiliya, binigyang pansin ni Manila Archbishop Luis Antonio Gokim Tagle ang mga biktima ng mga trahedyang tumama sa Mindanao bago sumapit ang Kapaskuhan.

Pinasalamatan niya si Pangulong Aquino sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kapaligiran ng Quirino Grandstand sa pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno.

Sa panig ng Simbahan, sinabi ni Fr. Anton Cecilio Pascual na hindi basta mapipigil ang mga deboto ng Itim na Nazareno na huwag lumahok sa prusisyon tulad ng ipinakiusap ni Pangulong Aquino kahapon. Matagal na umanong pinaghandaan ng mga deboto ang kapistahan at handa silang makiisa sa pagdiriwang.

Ani Fr. Pascual, para sa mga taimtim na deboto ng Itim na Nazareno, ang imahen ang pinagmumulan ng mga milagro sa kanilang buhay, tulad ng pagpapagaling sa mga maysakit, pagbibigay ng hanapbuhay sa mga walang trabaho at pagkakataong makalabas ng bansa ng mga seafarer at mga manggagawang umaasang maging overseas Filipino workers.

Kinikilala rin ng mga deboto ang Itim na Nazareno bilang kapatid na kasama sa kanilang mga krisis at kahirapan sa buhay. "Kuya" umano ang tawag ng mga deboto sa Itim na Nazareno at ang panghuli'y mayroong mga panata ang mga deboto na lalahok sa kapistahan at dadalo sa Misa na karaniwang ginagawa sa Quirino Grandstand.

Ang imahen ng Itim na Nazareno ay 'sing-laki ng tao, ay dinala ng isang Kastilang pari noong 1607. Nasunog umano ang barko kaya't napinsala ang imahen na naging itim na imahen. Mula noon ay naging popular na ang debosyon sa mga Filipino.

Ayon naman sa Philippine National Police, hanggang kaninang ika-apat na hapon, ang prusisyon na nagmula sa Quirino Grandstand kaninang ika-walo ng umaga ay nakarating na sa may tapat ng Lagusnilad, sa may Manila City Hall sa distansyang higit sa isang kilometro samantalang ang pinaka-buntot nito'y nasa may Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na may distansyang kalahating kilometro.

Sa pagtataya ng pulisya, aabot sa humigit kumulang sa tatlong milyong katao ang kalahok sa prusisyon. Malaki ang posibilidad na umabot saw along milyon katao ang lalahok sa prusisyon na inaasahang magtatapos bago mag-ala-una ng umaga bukas.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>