|
||||||||
|
||
ITINAAS na ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang crisis alert level sa South Sudan at ginawa ng Alert Level 3 na nangangahulugan ng voluntary repatriation kasunod ng mga kaguluhang nagaganap sa pag-itan ng iba't ibang tribo at para na rin sa proteksyon ng mga Filipino doon.
Ayon kay Kalihim Albert F. Del Rosario, kailangang itaas sa alert level 3 ang situwasyon doon dahilan sa tumitinding kaguluhan. Handa na ang Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na ilikas ang mga Filipino doon kung nanaisin nilang lumisan.
Sa ilalim ng Crisis Alert Level 3, ang voluntary repatriation ay gagastusan ng pamahalaan. Sa pakikipagtulungan sa Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay, isang deployment ban ang ipatutupad mula ngayon. Pinapayuhan na rin ang mga Filipino na huwag na munang maglakbay patungong South Sudan sa kasalukuyan.
Inatasan na ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ang Embahada ng Pilipinas sa Cairo na may hurisdiksyon sa South Sudan na ipatupad na ang voluntary repatriation.
Mayroon na umanong consular assistance to nationals mission sa South Sudan upang suriin ang nagaganap doon at magpakilos ng contingency plan at tulungan ang mga Filipino na nagnanais nang lumisan ng bansa.
Ayon sa embahada, ang mga pook ng may kaguluhan ay nasa mga barangay sa hangganan ng Sudan at South Sudan, ang pinakabagong bansa sa daigdig. Nagtamo sila ng kalayaan mula sa Sudan noong Hulyo, 2011.
PRUSISYON, NATAPOS GANAP NA IKA-ANIM NA NG UMAGA
HALOS 24 na oras ang itinagal ng prusisyon mula sa Quirino Grandstand patungo sa Basilica Minore ng Itim na Nazareno sa Quiapo District sapagkat nakapasok ang higit sa apat na raang taong imahen ng mga alas-seis onse na ng umaga.
Ayon kay Fr. Rick Valencia, parochial vicar ng simbahan, karaniwang dumarating ang prusisyon sa simbahan ng mga hatinggabi. Subalit iba ang naganap kahapon hanggang kaninang umaga sapagkat tinatayang aabot sa walo at kalahating milyong mga deboto ang nakiisa sa pagdiriwang.
Dumagsa pa rin ang mga deboto kahit pa nagbabala si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ng peligrong mula sa mga terorista na diumano'y nakita na sa Metro Manila.
Idinagdag ni Fr. Valencia na nangamba sila sa panganib na maaring idulot ng pananalakay subalit naniwala silang hindi pahihintulutan ng Poong Nazareno na maraming masawi sa anumang kaguluhan.
Nang matanggap nila ang abiso mula sa pamahalaan, sinabihan na rin nila ang mga deboto na maging maingat at maging mapangmatyag.
Kahapon hanggang kaninang umaga ay nanatiling naka-block ang cell sites sa paligid ng Lungsod ng Maynila sa pangambang may mga pampasabog na magmumula sa mga cellphone.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |