|
||||||||
|
||
MALAKI ang posibilidad na magkaroon ng epekto ang Eurocrisis at ang economic meltdown sa Estados Unidos sa remittances ng mga Filipinong kasapi ng Social Security System.
Sinabi ni Ginoong Emilio de Quiros, Jr., Pangulo ng Social Security System na sa kanilang isinawagang caravan sa iba't ibang bansa noong nakalipas na taon, binanggit na ng mga manggagawang Filipino na magiging mas mahirap ang hanapbuhay para sa mga maghahanap ng trabaho, partikular sa Italya at mga bansang nasa Europa. Mahirap na umanong pumasok ang mga Filipino doon.
Sa isang press briefing, sinabi ni Ginoong de Quiros na magkakaroon ng "impact" ang krisis na nagaganap sa kanilang revenues at ang anumang increase na matatamo sa taong ito ay tiyak na mas mababa sa natamong increase noong mga nakalipas na taon. Isa sa mga dahilan ay ang kawalan ng hanapbuhay para sa mga manggagawang mula sa ibang bansa.
Binanggit din ni Ginoong de Quiros ang "Saudization" – programang nangangahulugan ng pagkuha ng mga manggagawa mula sa Saudi Arabia sa halip na kumuha ng mga banyagang magtatrabaho sa kaharian.
Wala umanong dapat ipangamba ang mga kasapi ng Social Security System kung investments ng trust funds ang pag-uusapan sapagkat walang anumang investments ang kanilang inilagak sa ibang bansa.
Karamihan umano ng SSS investments ay nasa government securities sa peso at foreign currency denomination at investments sa equity market, dagdag pa ni Ginoong de Quiros.
PILIPINANG NASAWI, TINULUNGAN NA NG EMBAHADA SA SYRIA
NASAWI noong Linggo ang isang overseas Filipino worker dahilan sa pagkakabagok ng kanyang ulo mula sa isang hit-and-run accident. Naganap umano ang sakuna noong ika-lima ng Enero sa Damascus, Syria.
Kinilala ng Embahada ng Pilipinas ang nasawi na si Ma. Violeta Cortez, na nalagutan ng hininga sa al-Mujtahed hospital matapos siyang dalhin ng mga autoridad.
Natagpuan ng pulisya si Binibining Cortez na walang malay sa isang tulay at pinaniniwalaang biktima ng hit-and-run accident. Ang al-Mutahalek bridge sa Damascus ang isa sa pinakapaboritong daanan ng mga motorista.
Ipinatawag ng pulisya ang pinaglilingkuran ni Binibining Cortez. Ayon sa kanyang employer, umalis sa kanilang tahanan ang Filipina at hindi nila nabatid kaagad ang sakuna.
Ipinarating na ng Embahada ng Pilipinas ang usapin sa Ministry of Foreign Affairs ng Syria upang magawa ang pagsisiyasat at nang malaman ang iba pang detalyes ng sakuna.
Naibalita na rin ng Embahada ng Pilipinas sa pamilya ng manggagawa ang sakuna.
Samantala, ang kapatid na babae ni Binibining Cortez na isa ring OFW sa Syria ay nagtungo na sa embahada upang maisaayos ang labi ng nasawi. Pinayagan naman ng employer na makauwi ng Pilipinas ang kapatid upang samahan ang labi ng biktima. Minamadali na ang pagpapadala ng labi ng biktima pabalik sa Pilipinas.
PAMAHALAAN, MAMADALIIN ANG PAGTATAYO NG PABAHAY PARA SA MGA BIKTIMA NG "SENDONG" SA CAGAYAN DE ORO AT ILIGAN CITIES
TINIYAK ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na gagawin ng pambansang pamahalaan ang lahat upang madaliin ang pagpapatayo ng may 6,000 mga tahanan sa ilang resettlement areas. Ito ang kanyang pahayag matapos makausap ang mga punong lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan Cities na tinamaan ng bagyong "Sendong" noong isang taon.
Ayon sa timetable na inihanda ng mga ahensyang sangkot sa pabahay, ang mga apektadong pamilya ay makakalipat na sa relocation sites sa darating na Abril.
Inutusan umano sila ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III upang alamin kung sino ang kailangang tulungan kaagad.
Nakipag-usap si Ginoong Binay sa mga opisyal ng mga apektadong lugar sa isang convention center sa Cagayan de Oro City.
Kasama niya sina Social Welfare Secretary Corazon Juliano Soliman, Public Works Secretary Rogelio Singson, Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at Education Secretary Brother Armin Luistro at ilang mga mambabatas.
Apat na relocation areas ang isasaayos sa Cagayan de Oro City na kalalagyan ng may higit sa tatlong libong housing units.
Limang evacuation centers naman na magkakaroon ng higit sa tatlong libo limang daang housing units ang maitatayo sa Iligan City.
Idinagdag ni Ginoong Binay na ang mga informal settlers na naninirahan sa may 20 metrong danger areas ang maaaring manirahan sa resettlement program na katatagpuan ng mga tahanang itatayo ng National Housing Authority at ng local government.
PINSALA NI "SENDONG" SA FOOD PROCESSING AT CONSTRUCTION UMABOT SA ISANG DAANG MILYONG PISO
TINATAYANG aabot sa P 100 milyon ang pinsala sa small and medium enterprises sa mga Lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan dahilan sa mga pagbaha dala ng bagyong "Sendong."
Ayon kay Region X Assistant Director Linda Boniao, ang food processing industry sa Cagayan de Oro ang pinakamatinding hinagupit ng bagyo. Napinsala umano ang mga pabrika at kagamitan ng mga malalaking food processor sa lungsod.
Napinsala ang mga kagamitan ng Pines TGO Foods at Darling Foods na gumagawa ng processed meat tulad ng mga hamon, hotdog at mga sausages.
Natangay din ng tubig-baha ang mga sasakyan at heavy equipment ng mga construction companies dala ng rumagasang tubig mula sa kabundukan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |