Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Makasaysayang impeachment proceeding laban sa Punong Mahistrado, nagsimula na

(GMT+08:00) 2012-01-16 19:13:27       CRI

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, sinimulan na ang paglilitis sa Punong Mahistrado ng Korte Suprema, si Chief Justice Renato C. Corona sa Senado ng Pilipinas na pinamumunuan ni Senate President Juan Ponce Enrile.

Sa kanyang pagharap sa kanyang mga kasama sa Korte Suprema, sinabi ni Chief Justice Corona na hindi siya magbabaksyon samantalang nililitis siya ng senado. Idinagdag ng punong mahistrado na may kinalaman ang kanyang impeachment sa desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita na pag-aari ng Pamilya Cojuangco sa Tarlac, sa naudlot na pangarap ng isang kumandidato sa pagka-pangalawang pangulo at sa kanyang pagiging hadlang sa mga nagbabalak humalili sa kanya sa Korte Suprema.

Niliwanag ni Chief Justice Corona na sa akusasyong mayroon siyang 45 mga ari-arian, lilima lamang ang tunay niyang pag-aari.

Ayon kay Ginoong Corona, naniniwala siyang mapawawalang-sala siya sa impeachment trial ng Senado. Nanawagan din siyang igalang ang Senado ng Pilipinas sa gagawing paglilitis sa kanya sapagkat kinikilala niya ang itinatadhana ng batas.

Sinabi ng samahan ng mga naglingkod bilang kalihim na iba't ibang kagawaran sa Pilipinas sa loob ng apatnapung taon sa ilalim ng anim na pangulo, na makabubuting magbakasyon muna sa kanyang trabaho si Chief Justice Corona.

Sa isang pahayag na ipinalabas sa mga mamamahayag, sinabi ng "Former Senior Government Officials" na sila'y naniniwala na ang "public office is a public trust" at upang magkaroon ng magandang pagpapatakbo sa pamahalaan, kailangang maghari ang integridad sa sinumang mamumuno. Babantayan umano nila ang impeachment trial at maglalabas ng kanilang mga pananaw batay kaisipang hindi totoo ang sinasabing ang impeachment kay Chief Justice Corona ay isang pagtuligsa sa Korte Suprema. Naniniwala rin sila na ang impeachment at conviction ni Ginoong Corona ay kailangan upang makabawi at mapalakas ang Korte Suprema at naniniwala ang FSGO na dapat lamang masibak si Ginoong Corona dahilan sa serye ng kanyang mga ginawa na nagpapakita ng pagtataksil sa pagtitiwala ng madla.

Kailangan umanong magbakasyon ang nakaluklok si Chief Justice Corona upang huwag ng masira pa ng tuluyan ang imahen ng Kataas-taasang Hukuman.

Ayon kay Dr. Francis Chua, dating Pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, ang impeachment laban sa chief justice ay pagpapakita lamang ng determinasyon ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na linisin ang pamahalaan. Idinagdag pa niya na sa ngayong nasa kamay na ng Senado ng Pilipinas ang usapin, mas makabubuting huwag na munang pag-usapan ang merito ng usapin at pabayaan na ang mga senador na hukom na malayang makinig sa mga argument.

Nanawagan si dating Catholic Bishops' Conference of the Philippines President at Jaro Archbishop Angel N. Lagdameo na pabayaan ang katotohanan, katarungan at katapatan na maging gabay ng buong impeachment proceedings, maging ng akusado, ng tagapagtanggol, pag-uusig at mga senador na hukom.

"Sa ganitong paraan, makikinabang ang buong bansa mula sa malungkot na pangyayaring ito sa kasaysayan ng bansa," sabi pa ni Arsobispo Lagdameo.

Sinabi naman ni Basilan Bishop Martin Jumoad na dapat lamang ipagpatuloy ang impeachment upang higit na maging matingkad ang bisa ng Saligang Batas ng Pilipinas. Kailangang manatiling patas at objective upang mabawi nila ang kanilang kredibilidad. Anuman ang magaganap sa pagdinig, ang prosesong ito ay maging babala sa sinumang magiging pangulo ng bansa na palaging sundin ang itinatadhana ng batas.

Idinagdag pa ni Obispo Jumoad na sinuman ang maging pangulo ng bansa ay marapat matuto sa mga itinatadhana ng Saligang Batas.

Sinabi naman ni Arsobispo Oscar V. Cruz, dating Obispo ng Lingayen-Dagupan at isang Canon lawyer na kung magtatagumpay ang impeachment, ang Korte Suprema, kabilang na ang bago punong mahistrado ay hindi lamang magiging maingat bagkos ay magdadalawang-isip sa mga magiging desisyon lalo pa't taliwas sa nais ng pangulo ng bansa. Hindi naman lihim ang galit ng pangulo sa labing-apat na mahistrado na pumabos sa mga magsasaka sa usapin ng Hacienda Luisita.

Samantala, sinabi ni Arsobispo Cruz na kung hindi magtatagumpay ang impeachment, mabubunyag ang kakulangan ng kakayahan at kakaibang istilo ng pangulo. Marami na umanong mga personal at official liabilities na masasabing magawa ang kasalukuyang administrasyon. Walang sinuman ang makapagsasabi ng kalalabasan ng impeachment na ito subalit tiyak na maaapektuhan ang kasalukuyang dynasty.

Pormal na sinimulan ang impeachment proceedings mga ilang minuto pasado ang ikalawa ng hapon sa Senado ng Republika ng Pilipinas. Dumalo sa pagdinig si Chief Justice Corona upang ipakita umano ang paggalang sa Senado na dirinig ng kanyang usapin. Tanging sina Senador Miriam Defensor Santiago at Loren Legarda ang hindi nakadalo sa pagsisimula ng pagdinig. May hypertension si Senador Santiago samantalang nasa Estados Unidos naman si Senador Legarda at dinadaluhan ang kanyang ina na kaoopera pa lamang dahilan sa colon cancer.

Sa pagsisimula ng pagdinig, tumayo ang mga abogado na mangangasiwa sa paglilitis at mga abogadong magtatanggol kay Chief Corona.

Ipinagtanong ni dating Supreme Court Justice Serafin Cuevas ang paraan na ginawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na hindi binigyan ng pagkakataon si Ginoong Corona na ipaliwanag ang kanyang sarili laban sa impeachment.

Ipinagtanggol naman ni Congressman Neil Tupas ang dahilan kung bakit inilunsad ang impeachment laban sa punong mahistrado.

Sa pagpapatuloy na pagdinig, dinetalye ni Congressman Tupas ang mga dahilan ng kanilang ginawang impeachment. BInigyang-diin niya na nawala na ang pagtitiwala ng taongbayan sa punong mahistrado. Samantala, sinabi naman ni Atty. Dindo Delos Angeles, isa sa mga tagapagtanggol ni Chief Justice Corona na walang anumang dahilan upang magtagumpay ang impeachement sapagkat walang basehan ang mga akusasyon at medaling maipagtatanggol sa hukuman.

Naging maayos ang paglalahad ng mga argumento ng magkabilang panig.

Tinanggihan ng Senado na nakaluklok bilang impeachment court ang mosyon ni Chief Justice Corona na magkaroon ng preliminary hearing dahilan sa kawalan ng merito.

Sa kanyang ruling, sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na ang pagpaparating ng verified impeachment complaint ay naaayon sa itinatadhana ng Saligang Batas kaya't hindi na kailangan pa ang preliminary hearing upang tumanggap ng ebidensya. Ipagpapatuloy umano ng Senado ang kanilang gawain base sa Saligang Batas sa pagdinig sa usapin laban sa punong mahistrado sang-ayon sa articles of impeachment ayon sa alituntuning binabanggit ng Saligang Batas, dagda ni Senate President Enrile.

Matapos ang isang oras at dalawampu't limang minuto, tinapos ni Senate President Juan Ponce Enrile ang unang araw ng impeachment proceedings upang ipagpatuloy muli bukas ng hapon.

MGA MAGDARAGAT NA PINOY SA COSTA CONCORDIA, LIGTAS AT UUWI NA

IBINALITA ng Embahada ng Pilipinas sa Roma sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na ang 296 na tripulanteng Pinoy ng M/V Costa Concordia ay ligtas at handa nang umuwi sa Pilipinas.

Ang Costa Crociere, S.p.A, ang kumpanyang may-ari ng barkong pangturista ay naghahanda na para sa repatriation flights mula bukas para sa mga magdaragat nila.

Ibinigay ng kumpanya ang talaan ng mga magdaragat na Pilipino sa embahada sa pamamagtain ng Emergency Response Team at tiniyak na babayaran ng buo ang mga magdaragat na nawalan ng kanilang mga ari-arian, salapi at maglalabas din ng formal letter of undertaking na magdedetalye sa mga pangako ng kumpanya.

Ilalabas na rin ang travel documents sa La Fattoria, Granduca at Terme hotels sa Grosetto upang madali ang kanilang pagbalik sa Pilipinas. Ang lahat ng travel documents kabilang na ang mga larawan, ay naproseso na ng walang bayad ng embahada.

Tatlong Pilipinong tauhan ang nasa ospital sa mga sugat na tinamo. Mula ng pumutok ang balita sa sakuna, ipinadala na ni Ambassador Virgilio A. Reyes, Jr. ang isang pito-kataong koponan sa pamumuno ni Consul General Grace Cruz-Fabella upang tulungan ang mga magdaragat at mga turistang Pilipino na sakay ng barko.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>