|
||||||||
|
||
HUMARAP na sa unang pagkakataon si Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing sa pagdiriwang ng Chinese New Year para sa mga kabilang sa Filipino-Chinese community sa Kamaynilaan.
Sa panayam ng China Radio International, sinabi ni Ambassador Ma Keqing na natutuwa siya sa pagkakatalaga sa kanya sa Pilipinas sapagkat bukod sa maganda ang bansa ay tanyag din ang mga mamamayan sa mainit na pagtanggap sa mga banyagang tulad niya.
Nangunguna umano sa kanyang mga prayoridad ang higit na pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas na ang sandiga'y pagtitiwala sa bawat isa. Isusulong din ang higit na pagkakaibigan ng mga Tsino at mga Pilipino. Higit na palalaguin din umano ng bagong sugo ng Tsina sa Pilipinas kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa kanyang mensahe sa mga Filipino, binigyang diin ng ikalawang babaeng ambassador na gagawin niya ang lahat upang mapalalim pa ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon sa Manila Hotel ang mga negosyanteng Tsinoy sa pangunguna ni Lucio Tan ng Philippine Air Lines at iba pang mga kumpanya.
Pinalitan ni Ambassador Ma Keqing si Ambassador Liu Jianchao na bumalik na sa Tsina matapos ang tatlong taong paglilingkod sa Maynila. Si Ambassador Ma Keqing ay nakatakdang magpaabot ng kanyang credentials kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa mga susunod na linggo. Naglingkod si Ambassador Ma Keqing sa Finland bago naitalaga sa Pilipinas.
Ang unang babaeng ambassador ng Tsina ay si Binibining Fu Ying na isa nang high-ranking foreign ministry official ngayon sa Beijing.
MGA HAMONG KINAHAHARAP NG PILIPINAS NGAYON KINILALA
KABILANG sa mga suliraning hinaharap ng Pilipinas ang tindi ng global economic breakdown na nagmula noong 2008 sa Estados Unidos at Europa. Wala umanong maglalaklas-loob na magsabing hindi magaganap ang pag-angat ng Tsina bilang economic leader ng daigdig sa taong 2050 at malalampasan na ang Estados Unidos. Samantala, inaakala ding magaganap ang pag-angat ng India at malalampasan ang Japan at Alemanya na bahagyang maangatan ng Estados Unidos.
Ayon kay Pangalawang Pangulong Binay, ang Global Research Department ng isang pandaigdigang bangko ay nagsabing makapapasok at makalalampas ang Pilipinas sa may 27 lugar at magiging ika-16 na pinakamalaking ekonomiya sa daigdig.
Sa pagsusuri ni Ginoong Binay, ang Pilipinas na mayroong mas batang mga manggagawa at mayroong self-renewing population at sapat na kaalaman at technical skills. Mangunguna ang Pilipinas dahilan sa mayroong mamamayang may kakayahang magtrabaho. Binigyang-diin ni Ginoong Binay na hindi basta populasyon ang magpapa-angat sa bansa sapagkat dapat silang magkaroon ng kaalaman at kakayahang magsuri sa mga nagaganap. Kailangan itong gastusan ng pamahalaan upang magkaroon ng sapat na paaralan, maayos na tahanan at iba pang allied services.
May sapat umanong yaman ang Pilipinas upang manguna bilang "Center of Information Technology and Knowledge" at mas papaborang puntahan ng mga mangangalakal at mga turista.
Sa panig ni Asian Development Bank Vice President Stephen Groff, sinabi niyang bumaba ang Gross Domestic Product growth mula sa 7.6% noong 2010, bumagsak ito sa 4% noong 2011 – dahilan sa double-digit decline sa exports mula noong kalagitnaan ng 2011 at hindi paggasta ng Pilipinas sa infrastructure.
Ang peligroso umano para sa Pilipinas ay maysado itong nakataya sa electronics, partikular sa semi-conductors. Ang kawalan umano ng diversification ang siyang maghahatid sa Pilipinas sa mapanganib na kalagayan, 'di tulad ng mga kalapit bansa.
Ang mas malakas na paggastos ng mga mamamayan na suportado ng masiglang foreign remittances, lumalaking public investment at pagbawi ng exports ang susuporta sa economic recovery ng Pilipinas sa taong 2012. Baka umano umabot sa 4.8% ang economic growth rate sa taong ito.
MGA TRIPULANTE NG SINAMAMPALAD NA BARKO NAKAUWI NA
DUMATING na sa Pilipinas ang unang koponan ng mga tripulante ng barkong Costa Condordia sakay ng Cathay Pacific at Thai Airways flights mula sa Roma, Italya.
Personal na inihatid ni Philippine Ambassador to Italy Virgilio A. Reyes, Jr. ang may 108 mga tripulante sa kanilang pagsakay sa mga eroplano sa Flumicino Airport kahapon.
Sinalubong ang mga tripulante sa Ninoy Aquino International Airport nina Foreign Affairs Executive Director for Migrant Workers Affairs Ricardo Endaya at mga kinatawan ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo, Department of Labor and Employment at Overseas Workers Welfare Administration.
Inaasahang darating ang ikalawa at ikatlong koponan ng mga tripulante sa Maynila bukas at sa makalawa.
Tiniyak umano ng kumpanyang babayaran ang mga manggagawang apektado ng sakuna, kasama na ang pagbabayad sa kanilang mga nawalang ari-arian, papalitan ang nawalang cash at maglalabas ng liham na naglalaman ng mga pangako ng kumpanya.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |