|
||||||||
|
||
MULA sa inakalang pansamantalang tugon sa pangangailangan ng hanapbuhay noong 1970s, tinatayang umabot na sa 1,588,060 mga manggagawa ang umalis ng Pilipinas noong 2011.
Ito ang nabatid ng China Radio International mula sa Kagawaran ng Paggawa ang Hanapbuhay. Umabot sa 1,244,473 ang "landbased workers" samantalang bahagyang bumaba ang bilang ng mga magdaragat sa bilang na 343,587 mula sa 347,150 noong 2010. Patuloy ding tumaas ang bilang ng mga "new hires" (1,244,473) at "rehires" (809,286) workers.
Mula sa bilang na 1,588,060, tinatayang aabot sa 4,351 mga Filipino ang umaalis bawat araw. Pinakamaraming mga OFW ang nagkahanapbuhay sa Gitnang Silangan na umabot sa 743,535. Pumangalawang paboritong puntahan ng mga Filipino ang mga bansa sa Asia na nagkaroon ng 364,271 sa taong 2011. Magugunitang umabot lamang sa higit sa 280,808 ang naghanapbuhay sa Gitnang Silangan noong 2010.
Sa Gitnang Silangan pa rin matatagpuan ang mga beteranong manggagawa at ang mga maituturing na bagito sa daigdig nang paggawa.
Maliban sa Gitnang Silangan at Asia, matatagpuan din ang mga Filipino sa Europa (57,110), Africa (28,052), Americas (26,935), Oceania (19,117), Trust Territories (4,401) at mga bansang hindi nabanggit sa talaan na nagkaroon ng 1,052 mga manggagawa.
Kinakitaan ng increase na walong porsiyento ang bilang ng mga overseas Filipino workers na umalis ng bansa noong 2011.
Ang mga paboritong puntahan ng mga manggagawang Filipino ay ang Saudi Arabia na mayroong 311,557, United Arab Emirates na may 255,724, Singapore na mayroong 119,516, Hong Kong na nagkaroon ng 108,575 at Qatar na mayroong 96,428.
Sa panig ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz, positibo naman ang kanyang pananaw na higit na madaragdagan ang mga manggagawang lalabas ng bansa ngayong 2012 kahit pa maraming suliranin ang pandaigdigang labor market.
Kahit pa umano may krisis sa Gitnang Silangan at Hilagang Africa na kinakitaan ng kaguluhan sa Bahrain, Yemen, Syria, Egypt at Libya, at ang trahedya sa Japan, tumaas pa rin ng may 10.8 % ang land-based workers noong nakalipas na taon.
Nakita ni Kalihim Baldoz ang pagtaas ng bilang ng mga manggagawa sa Saudi Arabia, Kuwait at United Arab Emirates at kinakitaan ng 8.7% increase, Nakita rin ang increase ng 28.8% ng deployment sa Singapore, Taiwan at Hong Kong.
Samantala, nagkaroon din ng mga manggagawang Filipino sa New Caledonia at Papua New Guinea.
Dahilan sa economic recession sa buong daigdig, bumaba ang bilang ng mga magdaragat na nakuha. Isang dahilan na rin ang kompetisyon mula sa mga magdaragat ng Ukraine at Croatia.
Binanggit din ni Kalihim Baldoz ang mas magandang pagtrato ng mga manggagawang mula sa Pilipinas sa Taiwan, South Korea at Australia. Nadagdagan umano ang minimum wage ng mga OFWs doon. Isang malaking hamon para sa pamahalaan ng Pilipinas ay kung paano mapapayabong ang proteksyon ng mga manggagawa, partikular ang mga nasa peligrosong hanapbuhay, tulad ng mga kasambahay.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, tinataya nilang aabot sa $ 18,317 bilyon ang naipadala ng mga OFW noong nakalipas na taon. Ayon sa BSP, halos $ 14 at kalahating bilyon ang naipadala ng mga landbased workers samantalang halos $ 4 bilyon ang naipadala sa Pilipinas ng mga seafarers noong 2011.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |