|
||||||||
|
||
Sina Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar (sa kaliwa) at Melo M. Acuna (sa kanan)
Sultan Kudarat, Maguindanao - Mga tatlong kilometro mula sa Daang Maharlika sa pagitan ng Cotabato at Davao Cities matatagpuan ang may 300 ektaryang na mayroong rolling hills na dating natatamnan ng saging.
Ngayon, makikita na ang mga puno ng palmo na dalawang taong gulang na. Sa oras na umabot sa ikatlong taon na ang mga punong ito, magsisimula nang kumita ang mga gerilyang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front na saklaw ni Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar.
"Magkakaroon ng pagbabago sa mga nagaganap sa MILF sa oras na magsimulang kumita ang mga magsasaka," sabi ni Ginoong Jaafar sa panayam ng China Radio International – Filipino Section noong nakalipas na Sabado ng hapon.
Idinagdag ni Ginoong Jaafar na ang kanilang ginawa ay magpapatunay lamang na sila ay pabor sa kaunlaran. Sinabi pa niya na bagama't hindi nila malilimot ang kanilang ipinaglalaban, bahagi lamang ito ng kanilang pagbibigay ng poder sa mga Bangsamoro na matagal nang naghirap.
Ipinaliwanag pa ni Ginoong Jaafar na maraming mga Filipino ang dumadagsa sa mga lungsod sapagkat walang oportunidad na umasenso sa mga kanayunan. Nakalulungkot na ang mga bagong dating sa mga lungsod ang nasasangkot sa mga krimen tulad ng pagnanakaw at iba pang gawaing labag sa batas.
Matatagpuan umano ang halos lahat ng kayamanan sa Mindanao mula sa mga mahahalagang produkto ng mga sakahan hanggang sa likas na yaman sa mga minahan at petrolyo sa Liguasan Marsh at Sulu Sea.
Si Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar
"Walang anumang pag-asensong magaganap saan mang lugar kahit pa napakayaman nito kung ang mga namumuno at walang takot sa Diyos at kabanalan o pagpapahalaga sa daang matuwid," dagdag ni Ginoong Jaafar. Mahalaga rin umano ang pagiging disiplinado ng mga mamamayan.
Maganda umano ang prospects ng palm oil production kung ihahambing sa tradisyunal na coconut oil sapagkat ang isang ektaryang lupain para sa palm oil ay masasabing katumbas ng sampung ektaryang natatamnan ng niyog.
Ayon kay Ginoong Jaafar, ang bansang Malaysia ay yumaman dahilan sa kalakal ng palm oil. Isang bagay din ang maayos na pagpapalakad ng pamahalaan na mayroong mumunting corruption.
"Maganda ang pagpapatakbo ng pamahalaan at kinakitaan ng disiplina ang mga mamamayan," dagdag pa ni Ginoong Jaafar. Nagsimula ang kanilang pag-unlad sa pagtatanim ng rubber trees at nagbago na sila ng mga itinatanim. Tanyag na rin ang Malaysia sa industriya ng palm oil.
Umunlad umano ang buhay ng mga mamamayan at wala nang naninirahan sa mga tahanang pawid ang bubong at karamiha'y may mga kotse, kahit luma ang mga ito.
Ani ni Ginoong Jaafar, kailangan umanong magkaroon ng development program ang pinuno ng bansa, tulad ng naganap sa Malaysia.
Dahilan umano sa kawalan ng klaradong palatuntunan at nananatiling malabnaw ang suporta sa industriya ng pagsasaka, lalo na sa kabundukan, bababa sila mula sa kabundukan upang maghanap ng hanabuhay.
Kung wala umanong suporta sa pamamagitan ng binhi, kapital at iba pa kaya't maghahanap sila ng ibang pagkakakitaan.
Ang pagkakaroon ng palm oil venture ay bahagi ng kanilang mga palatuntunan ng itatag ang MILF ng namayapang Chairman Salamat Hashim. Kailangan umanong maging matatag ang samahan at maging self-reliant ang mga kasapi.
Hindi rin umano tinatalikdan ng kanilang samahan ang layunin nilang palakasin ang Islam na naniniwalang magaganap ito sa oras na magkaroon ng mga pinunong may takot sa Diyos at pagpapahalaga sa katotohanan.
Umaasa si Ginoong Jaafar na uunlad ang buhay ng mga mamamayan sa oras na maging full-blast ang kanilang palm oil plantation.
Sinabi naman ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Colin Bagaforo na magandang pagkakataon ito upang mapaunlad ang kalagayan ng mga Bangsamoro sa Maguindanao.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ng obispo na mayroon ding sagingan na itinatag sa isang bayan na katatagpuan ng mga MILF at higit na naging mapayapa ang pook.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |