|
||||||||
|
||
ANG mga nagaganap sa iba't ibang bahagi ng daigdig ay mayroong nag-iisang mensahe para sa lahat – Ang taong 2012 ay isang mahirap na taon para sa pandaigdigang ekonomiya. Ang Francia at Italya ay nakaranas ng ratings downgrades. Hindi pa rin tiyak ang kinabukasan ng Grecia at kahit na unti-unting nakakabawi ang America, marami pa ring nagdadalawang-isip sa mga nagaganap doon. May mga nagsusuring nagsasabing lubhang maaga pa upang sabihing nakalampas na daigdig sa krisis.
Ito ang buod ng talumpati ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa kanyang pagharap sa mga mangangalakal na kabilang sa Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines kaninang umaga.
Ani Pangulong Aquino, ang lahat ng ito'y may epekto sa mga produktong inilalabas ng Pilipinas at maging sa ipadadalang salapi mg mga manggagawang Pilipino mula sa iba't ibang bansa. Samantala, nananatiling bukas ang mga daan para sa mga bansang maayos ang katayuan.
Gumagalaw umano ang capital patungo sa silangang bahagi ng daigdig at isa na ang Pilipinas sa sinusuri nila.
Batid na umano ng pamahalaan ang mga potensyal ng Pilipinas at alam na rin nila ang kanilang gagawin. Kasama umano ng pamahalaan Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines sa national transformation at gumawa ng pag-aaral upang mapabilis ang investments at paglago ng ekonomiya. Kasama sa layunin ang pagbibigay ng mas maraming hanapbuhay para sa mga Filipino.
Naniniwala si Pangulong Aquino na mananatiling maganda ang Business Process Outsourcing sector kasama na rin ang turismo, infrastructure at agrikultura.
NAKABABATANG KAPATID NI DATING FIRST GENTLEMAN MIKE ARROYO, NAMAYAPA NA
NAMAYAPA na samantalang nasa isang pagamutan sa London, England si Negros Occidental Congressman Ignacio "Iggy" Arroyo. Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo na namayapa na ang kanyang kapatid.
Sa House of Representatives, sinabi ni Secretary General Marilyn Barua-Yap na ito rin ang balitang natanggap niya mula kay Occidental Mindoro Congresswoman Amelita Villarosa, isang malapit na kaibigan ng mga Arroyo.
Nasawi si Congressman Arroyo dahilan sa atake sa puso samantalang ginagamot sa kanyang sakit sa atay.
Ayon kay Secretary General Yap, maghahanda na sila para sa necrological rites kung hihingin ng pamilya.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Ginoong Mike Arroyo, mga alas onse ng gabi o ganap na ika-pito ng umaga oras sa Pilipinas ng pumanaw ang mambabatas sa Royal Marsden Hospital.
Pinagtangkaang mailigtas ng mga manggagamot ang mambabatas subalit sumailalim sa coma ang pasyente. Pumanaw si Ginoong Arroyo ilang oras sumailalim sa coma.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |