|
||||||||
|
||
AALAMIN ni Kalihim Albert F. Del Rosario ang situasyon ng mga Filipino sa Iraq sa kanyang paglalakbay doon sa araw ng Linggo, ika-29 ng Enero. Patuloy umanong nag-iinit ang situasyon sa bansa matapos umalis ang mga kawal na Amerikano kamakailan.
Ayon kay Ginoong del Rosario, inasahan na nila ang kaguluhan subalit hindi sa uri ng kaguluhang nagaganap doon sapagkat mayroon nang 29 na insidente sa loob pa lamang ng Enro 1 hanggang a-kinse. Labing-apat sa mga ito ang naganap sa Baghdad. Noong Martes, apat na car bombs ang sumabog sa Baghdad na ikinasawi ng 14 katao at ikinasugat ng 75 iba pa.
Kahit na 4,000 mga Filipino ang nababantayan ng mga Americano hanggang noong Disyembre 2011, sa pag-alis ng mga kawal ng America noong ika-18 ng Disyembre, nabawasan na rin ang mga manggagawang Filipino doon.
Ikinababahala ni Kalihim del Rosario na baka mayroong mga undocumented Filipino workers doon tulad ng mga kasambahay kaya't kailangang matiyak ang kanilang kaligtasan sa magulong bansa.
Makakusap ni Kalihim del Rosario si Iraqi Foreign Affairs Minister Hoshyar Zebari sa Baghdad.
Pakikiusapan umano ni Kalihim del Rosario ang pamahalaan ng Iraq na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggawang Filipinong naroon sa magulong bansa.
Sasamahan siya ni Foreign Affairs Undersecretary for Administration Rafael Seguis, Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos at Assistance Secretary for Middle East and African Affairs Petronila Garcia.
PITUMPU'T ANIM NA PINOY, NAKAUWI NA MULA SA SYRIA
MATAPOS ang matagal na pangungumbinse ng mga tauhan ng Embahada ng Pilipinas sa Syria na umuwi na muna ang mga manggagawang Filipino sa magulong bansa, nagbunga rin ito sa pag-uwi ng 76 na mga Filipino sa ilalim ng repatriation program.
Ibinalita ni Charge d' Affaires Olivia Palala sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na nakarating na sa Pilipinas ang mga manggagawa sakay ng magkakaibang eroplano. Tatlong babaeng nagtatrabaho sa Aleppo ang dumating kahapon sakay ng Qatar Airways samantalang 33 iba pa ang dumating kahapon lulan ng Emirates Airlines samantalang 40 iba pa ang dumating kagabi sakay ng Qatar Airways.
Mga opisyal ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas at Overseas Workers Welfare Administration ang sumalubong sa mga manggagawa. Tumulong sa pagpapauwi ang International Organization for Migration sa Damascus.
Ang 32 kababaihan ay nabatid na biktima ng human trafficking sa apat na lugar sa Syria. Dalawa sa umuwi ay mga mag-aaral na hindi na makapag-aral dahilan sa kaguluhan. Labing-anim sa kanila ang mga kasambahay.
Umabot na sa 771 mga Filipino ang nakauwi mula ng sumiklab ang kaguluhan sa Syria kamakailan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |