|
||||||||
|
||
MAAARING pauwi na sa kani-kanilang mga tahanan ang 37 mga manggagawang Pinoy na nakinabang sa alok ng Pamahalaan ng Pilipinas na repatriation mula sa magulong bansa ng Syria. Kaninang ika-apat at labing lima ng hapon dumating ang mga kababihang manggagawa sakay ng Etihad Airways.
Ayon kay Philippine Embassy Charge d' Affaires, a.i., Olivia Palala, dalawampu sa mga Pinay ay overstaying workers na nasa Kaffarseuseh detention samantalang ang mga papeles ay isinasaayos ng mga taga Embahada ng Pilipinas.
Ang labing-pito nama'y masasabing distressed Filipinas na naninirahan sa halfway house samantalang kausap pa ang mga employer na Syrian at mga autoridad ng bansa samantalang inaayos ang mga exit visa.
Anim sa mga kababaihan ay mula sa Homs samantalang ang isa ay mula sa Hama at isa naman ang mula sa Daraa. Ang mga pook na ito'y itinuturing na magugulong lugar.
Isang Rapid Response Team ang ipinadala ni Foreign Affairs Secretary Albert F. Del Rosario na binubuo ng mga tauhan ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, Paggawa at Hanapbuhay at Pambansang Pulisya upang tumulong sa repatriation ng mga manggagawang Filipino sa magugulong pook sa Syria tulad ng Homs.
Ayon kay Kalihim del Rosario, baka gumamit sila ng extraction at pakikilusin ang Rapid Rsponse Team.
Aabot na sa 913 Filipino ang naiuwi sa tulong ng Embahada ng Pilipinas sa Syria mula noong Marso ng nakalipas na taon.
WORLD HEALTH ORGANIZATION, NANAWGAN SA MGA KASAPING BANSA
KAILANGANG mapigil na ang Leprosy sa Western Pacific. Ito ang panawagan ng World Health Organization sa mga kasaping bansa.
Magugunitang noong 1991, inilunsad ng World Health Organization ang pandaigdigang kampanya upang masugpo ang leprosy bilang isang public health threat at itinakda ang elimination target na mas mababa sa isang kaso sa bawat 10,000 mga mamamayan.
Kahit pa malaki ang ibinaba ng mga kaso ng leprosy sa Western Pacific, tatlong bansang nasa Kanlurang Pasipiko, ang mga bansang Federated States of Micronesia, Kiribati, at Marshall Islands, ay hindi nakatugon sa target at mayroon pang higit sa 5,000 kasi ng leprosy sa rehiyon sa bawat taon. Karamihan sa mga bagong kaso na umaabot sa 2,000 bawat taon ay napupuna sa Pilipinas.
Ayon kay Dr. Shin Young-soo, WHO Regional Director para sa Western Pacific, madaling magamot ang sakit na leprosy sapagkat may sapat na gamot at kaalaman. Mapipigil din umano ang sakit sa pamamagitan ng pagkakaroon ng political commitment ng mga pamahalaan na tapusin ang karamdaman sa rehiyon.
Ang lepsory ay dahilan ng paghihirap at kailangang magkatotoo ang leprosy elimination.
Sa mga susunod na araw gaganapin ang pagpupulong ng mga kinatawan mula sa mga bansang Cambodia, China, Federated States of Micronesia, Kiribati, Lao People's Demcratic Republic, Malaysia, Marshall Islands, Papua New Guinea, Filipinas at Vietnam. Sa mga bansang ito matatagpuan ang 95% ng mga kaso ng leprosy sa Kanlurang Pacifico. Magsasalita sa mga pagpupulong na ito sina Dr. Shin ng WHO, Sasakawa Memorial Health Foundation Chair Prof. Kenzo Kiikuni, Kalihim Enrique T. Ona at Culion Foundation President Dr. Alberto Romualdez, Jr. ng Pilipinas.
ARAW NG MGA PUSO SA PILIPINAS
TIYAK na puno na naman ang mga sikat na kainan sa iba't ibang bahagi ng bansa ngayong gabi sa pagdiriwang ng mga Filipino ng "Valentine's Day" – ang espesyal na araw ng mga magkatipan at mag-asawa. Karaniwan na ang pagsasalo ng magkatipan o ng mag-asawa sa mga sikat na restaurant sa mga five-star hotels, mga kainang kinatatampukan ng international cuisine at ang pamamasyal sa mga liwasan at panonood ng sine.
Mabili rin ang mga rosas na karaniwang inireregalo ng kalalakihan sa kanilang minamahal na katipan o maybahay. Mula sa halagang isang daang piso bawat dosena ng magaganda at malalaking rosas na karaniwa'y mula sa Baguio City, ngayo'y umabot na sa halagang P 200 hanggang P 250 bawat dosena.
Sa halagang isang libong piso, mayroon nang palumpon ng mga bulaklak na may mga dekorasyon.
Sa mga mag-aaral, karaniwan na ang pagmimiryenda sa mga kantina at pagpapalitan ng mga mensaheng naghahayag ng pagmamahal. Kung noo'y sa pamamagitan ng mga liham, ngayo'y sa pamamagitan ng text messages sa mga mobile phones. Ang Pilipinas ay kinikilala bilang texting capital of the world.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |