|
||||||||
|
||
PANGULONG AQUINO, NAMUNO SA MODERNIZATION PROGRAM NG GLOBE TELECOM NA NAGKAKAHALAGA NG $ 700 MILYON
INILUNSAD ng Globe Telecom ang kanilang modernization program kasabay ng paglalagdaan sa pag-itan ng mga kumpanyang kalahok sa kasunduan. Si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ang namuno sa palatuntunan sa Malacanang kaninang mga pasado alas tres ng hapon.
Lumagda ang Globe Telecom sa isang kasunduan sa Huawei, isang multinational networking and telecommunications equipment at services company na may tanggapan sa Shenzhen, Guangdong, Tsina.
Ang kasunduan ay nagkakahalaga ng $ 700 milyon Massive Mobile Network Modernization program na tatagal ng limang taon kasama ang Alcatel-Lucent upang pangasiwaan ang proyekto.
Ito umano ang pinakamahalagang kasunduan ng Globe Telecom sa nakalipas na dalawampung taon ay kinabibilangan ng pawang internet protocol infrastructure, pervasive 3D coverage, double fiber optics capacity, 4D at LTE readiness at overall quality at resiliency.
Aabot sa $ 570 milyon ang magagastos ngayong taong ito hanggang sa taong 2013. Sa oras na matapos ang proyekto, makaaangat ang Globe Telecom sa paggamit ng mobile at broadband technologies.
Ang Globe Telecom ay pag-aari ng kumpanyang Filipino na Ayala Corporation at Singapore Telecom na nag-aalok ng mobile, fixed, broadband, data connections, internet at managed services.
Kasama sa pagtitipon sina Ernest Cu, Pangulo at CEO ng Globe Telecom, Huawei CEO Eric Xu at Rajeev Singh-Morales, pangulo ng Alcatel-Lucent. Sumaksi rin sa paglagda sa kasunduan si Transportation and Communication Secretary Mar Roxas.
EUROPEAN UNION AT PILIPINAS, MAGPAPALITAN NG MGA KARANASAN AT PANANAW SA LARANGAN NG ENERHIYA
IDARAOS ang kauna-unahang European Union – Philippines Meeting on Energy upang magtulungan sa isyu ng enerhiya, pag-usapan ang mga regulasyon na nakaapekto sa sektor at magpalitan ng magagandang mga karanasan.
Idaraos ang pagpupulong sa darating na Lunes, ika-27 ng Pebrero sa Mandarin Hotel, Lungsod ng Makati. Magkakasama sa pagpupulong sina Ambassador Guy Ledoux ng European Union, Joachim Heidorn ng Alemanya, Luca Fornari ng Italya at Stephen Lillie ng United Kingdom. Mula sa Pilipinas, haharap naman si Kalihim Jose R. Almendras ng Kagawaran ng Enerhiya at Senador Edgardo J. Angara.
Kabilang sa pag-uusapan ang technology transfer sa larangan ng renewable energy sector. Angkop ang tema ng pagpupulong na "Sharing Experiences on Renewable Energy Promotion."
Makakasama rin sa pagpupulong ang mga kinatawan ng Kagawaran ng Kalakal at Industriya, Kalikasan at Likas na Yaman at Climate Change Commission.
Magkakaroon din ng 40 mga kinatawan ng mga kumpanyang mula sa Europa, kabilang na ang visiting delegation ng mga nangungunang renewable energy development companies mula sa United Kingdom.
PAGSASAAYOS NG IFUGAO RICE TERRACES, SISIMULAN NA
SISIMULAN na kaagad ang pagsasa-ayos ng tanyag na Banaue Rice Terraces sa lalawigan ng Ifugao sa oras na matapos ang rehabilitation at upgrading plan na nagkakahalaga ng P 36 milyon.
Magugunitang may mga bahagi ng rice terraces na napinsala sa pagdaan ng ilang bagyo sa hilagang Luzon kamakailan. Isang lupon ng mga ahensya ng pamahalaan na pinamumunuan ng Kagawaran ng pagsasaka ang nagtapos na isang taong operational, work at financial plan para isaayos ang magandang rice terraces. Babalikatin ng Kagawaran ng Pagsasaka ang P 23 milyon na nakatakdang sang-ayunan ni Kalihim Proceso J. Alcala.
Kasama sa proyekto ang mga tanggapan ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Maynila at maging sa Cordillera Region, National Irrigation Administration, Philippine Rice Research Institute, Department of Social Welfare and Development at mga tanggapan ng lalawigan at iba't ibang bayan. Kasama rin sa tumutulong si Congressman Teodoro Baguilat, Jr.
Sakop ng palatuntunan ang pagsasa-ayos ng mg nasirang bahagi ng rice terraces sa bayan ng Batad, magsasagawa rin ng protection walls, rehabilitation at pagpapa-unlad ng patubig.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |