|
||||||||
|
||
ELECTRIC JEEPS, PAMALIT SA GUMAGAMIT NG DIESEL. Ang electric jeep na ito ang sinakyan ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay samantalang patungo sa Quirino Grandstand noong ika-30 ng Hunyo 2010 sa kanyang panunumpa sa tungkulin. Isinusulong ni Ginoong Binay ang electric jeeps upang makatipid sa halip na gumamit ng krudo.
NANAWAGAN si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na isulong ang mga alternatibong paraan ng public transportation na gumagamit ng renewable energy. Inihalimbawa niya ang electric jeepneys na magbabawas ng gastos at pagasa sa inaangkat na petrolyong napakataas ng presyo.
Ayon sa pangalawang pangulo, maraming nagmumula sa sektor ng transportasyong nagpahayag ng interes sa electric jeepneys. Isang grupo ng mga tsuper ng jeepney ang bumili na ng electric jeepney kasunod ng pakikipag-usap kay Pangulong Aquino na nagmungkahing gumamit ng renewable energy.
Unang sinubukan ang electric jeepneys sa Lungsod ng Makati noong punong-lungsod pa si Ginoong Binay. Ang mga jeep na ito ay regular na nagbibyahe sa Central Business District at nakatanggap na rin ng prangkisa mula sa pamahalaan.
Kasabay ito ng panawagan ni Ginoong Binay na magkaroon ng malawakan at masusing pag-aaral sa mga panukalang bawasan ang 12% Value Added Tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo bilang bahagi ng pagbabawas sa matinding dagok ng tumataas na presyo ng petrolyo sa mga mamamayan.
Ayon kay Ginoong Binay, ipinanukala na ni dating Budget Secretary Benjamin Diokno ang pagbabawas o pagdaragdag ng value added tax depende sa pandaigdigang presyo ng petrolyo.
Ani Ginoong Binay, obligasyon ng pamahalaang pag-aralan ang mga panukalang bawasan ang value added tax sa petrolyo sanhi ng epekto nito sa mga mamamayan at sa kaban ng bayan.
Tiniyak din niya sa mga mamamayan na gumagawa ng kaukulang pagsusuri ang pamahalaan dahilan sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sa mga nakalipas na ilang buwan.
Kaninang umaga, tumaas na naman ang presyo ng unleaded gasoline ng sisenta sentimos, diesel ng veinte sentimos, kerosene mula 25 hanggang 30 sentimos bawat litro. Mula kaninang umaga, ang diesel na ginagamit ng mga pampasaherong jeep ay P 47.55, ang fuelsave unleaded ay P 57.67, Super premium at P 58.67 at VPower ay P 60.67.
Sa panukala ni dating Kalihim Diokno, maaaring bawasan ng pamahalaan ang value added tax at gawing 10% na lamang sa oras na makarating sa $ 120 bawat bariles. Sa oras na makarating sa halagang $ 80 bawat bariles, maaaring maningil ang pamahalaan ng 15% value added tax.
PAGMIMINA, NARARAPAT PAG-ARALANG MABUTI
PAG-ARALAN ANG INDUSTRIYA NG MINA. Ito ang panawagan ni Bishop Gilbert Garcera ng Diocese of Daet sa Camarines Norte. Ang hindi pagsunod sa regulasyon ang dahilan ng panganib hindi lamang sa mga nagmimina kungdi sa kalikasan, dagdag pa ng obispo.
KAILANGANG magkaroon ng ibayong pag-aaral sa industriya ng pagmimina sapagkat bukod sa maraming hanapbuhay ang nakataya ay may epekto rin ito sa kapaligiran at kalikasan. Ito ang sinabi ni Bishop Gilbert Garcera, Obispo ng Diyosesis ng Daet, sa panayam ng CBCP Online Radio kanina.
Ayon sa obispo, marapat lamang na pag-aralan ito sapagkat ang lalawigan ng Camarines Norte ay isa sa pinakamayamang pook na katatagpuan ng iba't ibang likas na kayamanan tulad ng ginto.
Ipinaliwanag ng obispo na ang dahilan ng peligro sa pagmimina ay ang walang pakundangang paghuhukay ng walang anumang pag-aaral o pagsunod sa mga regulasyon. Mayroon umanong mga tahanan katatagpuan ng mga hukay patungo sa ilalim ng lupa.
Ikinababahala din ni Bishop Garcera ang pagkakaroon ng mga kabataang pumapasok sa mga minahan. Lubha umanong mapanganib ang ganitong sistema ng hanapbuhay. Ipinagbawal na rin ng pamahalaang panglalawigan ang pagmimina sa karagatan na sinimulan na ng ilang mga mamamayan.
Sinabi pa ng obispo na noong mga nakalipas na panahon ay hindi na kinakailangan ng mga mamamayang maghukay sapagkat napakababaw lamang ng ginto at halos masasabing "surface mining" lamang ang ginagawa ng mga taga-Camarines Norte.
Nalulungkot din ang obispo na sa likod ng likas na yaman ng Camarines Norte ay marami pa rin ang mahihirap. Sa mga pagsusuring ginawa, nabatid na marami sa mga small-scale miners ay pawang "one-day millionaires" sapagkat hindi nagiging masinop ang mga minero at kanilang mga pamilya.
Binanggit pa ni Bishop Garcera na hamak na mas malaki ang bentahan ng cerveza o beer sa Paracale kaysa sa kapitolyo ng lalawigan, ang Daet, Camarines Norte na nagpapakitang mas madaling gumastos ang mga small-scale miners.
DEVELOPMENT PLAN NG PILIPINAS, HIGIT NA TUTUGON SA MGA TRAHEDYA AT CLIMATE CHANGE
NAGKAROON ng pagbabago sa Philippine Development Plan 2011-2016 na katatagpuan ng mas madaling pagtugon sa mga peligrong dulot ng mga trahedya at climate change. Ito ang pinakahuling balita mula sa National Economic and Development Authority.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Cayetano Paderanga, Jr., ang mga mungkahi at panukala sa katatapos na konsultasyon sa disaster risk reduction at climate change adaptation ay idadagdag sa pagrerebisa ng development plan.
Sinabi naman ni Secretary Paderanga sa isang committee hearing na ipinatawag ni Senador Loren Legarda na ang pagbaha sa hilagang Mindanao dala ng bagyong "Sendong" at ang 6.9 magnitude na lindol na yumanig sa Negros Oriental ang nagpapagunita sa madla na maaaring maganap ang mga trahedya anumang oras at kailangang magkaroon ng paghahanda upang mabawasan ang matinding epekto nito.
Maisasama sa revised development plan ang mga prayoridad at estratehiya sa National Climate Change Action Plan at National Disaster Risk Reduction and Management Plan.
Ang mga isyung nabanggit sa konsultasyon ay may kinalaman sa green at sustainable development, ecological integrity, environmental preservation, disaster risk-resilience and mainstreaming ng disaster risk reduction and climate change action upang magkaroon ng bahagi mula sa national budget.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |