|
||||||||
|
||
Magandang magandang gabi mga katoto, kapanalig, at kabarkada. Naririto na naman po ang guwapong Tarlakenyo, Lakay Rhio, para sa programang may tatak Tsina at pusong Pinoy, ang Dito lang 'Yan sa Tsina.
Sa mundong ating ginagalawan sa ngayon, kapansin-pansing napakaraming suliranin ang ating kinakaharap, nariyan ang mga problema sa kapaligiran na dulot ng mga sakuna sa kalikasan, tulad ng mga baha, lindol, kakulangan sa enerhiya, problemang nuklear, mga digmaan, at ibat-ibang porma ng terorismo. Sa harap ng mga nabanggit na suliranin, makikita natin ang pangangailangan sa mga mamamayang naninindigan para sa mapayapang pag-unlad at mga nilalang na nagmamahal sa kapayapaan, pag-unlad ng lipunan, at mga mamamayang gumagawa ng hakbangin, na kahit munti ay nagsusulong ng pagbabago.
Sa gitna ng mga unos na nangyayari sa ating mundong ginagalawan sa ngayon, masasabi nating mahirap makita o madalang ang mga ganitong uri ng tao. Siguro, marami rin ang sasang-ayon sa akin kung sasabihin kong, wala nang ganitong uri ng tao sa ngayon. Pero, sa maniwala man kayo o hindi, dito sa Tsina ay mayroon pa ring ilan na gumagawa ng ganitong mga positibong aksyon na nakakapag-ambag sa pagsulong ng bansang ito.
Kamakailan ay nagkaroon ng parangal na kung tawagin ay "Touching China Award," na idinaos noong Pebrero lamang ng taong ito, at sa parangal na ito ay ginawaran ng pagkilala ang mga kahanga-hangang mamamayang Tsino na gumawa ng mga pambihirang kontribusyon sa pag-unlad ng bansang Tsina.
At ayon po sa pahayagang China Daily, and I quote, "They moved China in 2011." Ang mga personaheng tinutukoy ko ay ilan sa mga Tsinong gumawa ng mga pambihirang kontribusyon sa bansang Tsina, at sa ating programa ngayong gabi, gusto kong ibahagi sa inyo ang maikling kuwento ng mga taong ito.
Ang una po sa mga tinutukoy ko ay si Zhu Guangya. Siya ay isang nuclear physicist na gumawa ng signipikanteng kontribusyon sa nuclear science and technology sa Tsina. Sa pamamagitan niya, nagkaroon ng malaking pag-unlad ang Tsina sa larangang ito, kasama na ang ibat-ibang aplikasyon ng enerhiyang ito sa mapayapang paraan. Siya ay pumanaw noong 2011 at ginawaran siya ng post-humous award noong Pebrero.
Ang kasunod ay si Dr. Wu Mengchao. Siya ang kinikilalang "Ama ng Hepatobiliary Surgery ng Tsina," at siya ang pinagmulan ng ilang kritikal na teorya at sistemang teknolohikal ng pag-oopera sa atay. Siya rin ang nagtayo ng pinakamalaking research at sentro ng pagamutan para sa mga sakit sa atay sa buong mundo. Sa ilalim ng kanyang pagtuturo, nagsanay ang maraming magagaling na manggagamot sa sakit sa atay, at sa loob ng kanyang 60 taong karera, 13,600 na may sakit ang kanyang natulungan.
Si Liu Jinguo naman, na siya ring Vice Minister ng Public Security ng Tsina ay ginawaran ng parangal dahil sa kanyang kagalingan at episyensiya sa pamumuno ng on-the-spot rescue, at pagiging matapat sa tungkulin. Naging kilala siya sa Tsina dahil sa kanyang mga ginawa pagkatapos ng lindol sa probinsyang Sichuan noong 2008. Bilang frontline rescue commander, agaran niyang binuo at pinamunuan ang humigit kumulang sa 20,000 rescue workers upang sagipin ang mahigit sa 8,300 biktima ng lindol sa nasabing probinsya. Sa kanyang buong karera sa pamahalaan, kilala siya sa pagiging matapat sa tungkulin, tumatahak sa matuwid na landas, at hindi kailanman gumamit ng pondo ng bayan para sa personal na kapakanan.
Isa ring posthumous award ang iginawad kay Yang Shanzhou na pumanaw noong 2010. Kabilang sa kanyang kontribusyon ay ang reforestation project sa kabundukan ng Shidian County, sa probinsya ng Yunnan. Pagkatapos ng kanyang pagreretiro noong 1988 sa serbisyo publiko, inumpisahan niya ang proyekto ng muling pagtatanim ng puno, at sa loob ng 22 taon, at sa tulong ng mga lokal na residente ng nasabing lugar, mahigit kumulang sa 5,000 hektarya ng lupain ang natamnan niya ng puno. Dahil dito, 87 porsiyento ng nasabing lugar ay natatakpan ng mga puno. Noong 2009, inilipat niya ang pamamahala ng kagubatan sa pamahalaan ng Tsina, nang walang bayad.
Ang panghuli ay Wu Juping. Nasalo naman niya ang isang nahulog na sanggol mula sa isang gusali sa lunsod ng Hangzhou, probinsya ng Zhejiang.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |