|
||||||||
|
||
Ngayon po ay tagsibol na sa Beijing. Sa panahong ito, karaniwan nang makikita ang mga naggagandahan at namumukadkad na bulaklak, na may ibat-ibang kulay sa mga kalsada at mga hardin. Kapansin-pansin din ang mga tao na namamasyal sa mga kalsada tuwing sumasapit ang gabi, bagay na hindi mo makikita kapag panahon ng taglamig. Nagsisimula na ring nagsusuot ng mas maninipis na damit ang karamihan sa mga mamamayan, at naglilitawan na rin ang mga nagbebenta ng pagkain at mga damit sa gilid ng mga kalsada, na katulad din ng karaniwan nating nakikita sa Pilipinas.
Pero, bukod sa mga ito, dito sa Tsina, partikular sa Beijing, mayroong isang kakaiba at kawili-wiling aktibidad na ginagawa ang mga mamamayan tuwing papasok ang panahon ng tagsibol, at iyan ang hatawan o ang pagsasayaw, pagkanta, at pagtatanghal ng ibat-ibang aktibidad sa mga kalsada at parke.
Ayon sa aking mga nakapanayam, ang paghataw o pagsasayaw ng sabay-sabay sa isang pampublikong lugar ay isang matagal nang kaugalian ng mga Tsino. Isa itong paraan upang panatilihin na maganda at malusog ang kanilang pangangatawan.
Noong una ay halos mga nakakatanda lamang ang mga gumagawa nito, pero, sa ngayon, unti-unti na rin itong nagiging kilala sa mga kabataan. Ilan sa mga foreign staff ng Radyo Internasyonal ng Tsina ay nakisali na rin sa hatawan.
Isang tanda na ang aktibidad na ito ay patok sa mga kabataan at mga dayuhan. Kung sabagay, bakit naman hindi? May ehersisyo kana, matututo ka pang humataw, hindi ba?
Ayon aktibidad na ito raw ay ginagawa lamang sa panahon ng tagsibol, tag-init, at taglagas, kung saan ang panahon ay hindi masyadong malamig.
Kusa silang naggugrupo-grupo at nagkikita-kita sa mga parke at malalawak na lugar sa labas ng mga mall upang doon ay humataw. Ito po ay libre at sariling kusa lamang ng mga kalahok.
Ibat-iba ang paraan ng pagsasayaw at ibat-iba rin ang mga tugtugin: may tradisyunal na sayaw, may moderno, may pinaghalung moderno at tradisyunal, may cha cha, may tanggo, may pop at hip-hop din, at marami pang iba.
Nariyan din ang mga nagsasayaw gamit ang mga ribbon, mga kumakanta ng mga tradisyunal na awitin, at may mga tao naman na pinipiling magehersisyo gamit ang mga pampublikong gym na matatagpuan sa halos lahat ng kanto ng Beijing.
Talaga namang isa itong kakaibang kaugalian na dito lang sa Tsina matatagpuan. Kung tayo ay may kasabihang "only in the Philippines," ang aktibidad na ito ay maituturing ding "only in China."
Siyempre, hindi makukumpleto ang kuwentong ito kung hindi ako sasali. Kaya, tara na, hataw na!
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |