|
||||||||
|
||
AMBASSADOR MA KEQING, INANYAYAHAN SA KAGAWARAN NG UGNAYANG PANGLABAS
INANYAYAHAN si Chinese Ambassador to Manila Ma Keqing sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas kaninang umaga. Ibinigay sa kanya ni Assistant Secretary for Asia and the Pacific Ma. Theresa Lazaro ang isang Note Verbale.
Napapaloob sa Note Verbale ang pagkabahala ng Kagawaran sa pahayag ng Tsina na sila ay nagpakitang-gilas dahilan sa hindi pagsunod ng Pilipinas sa kasunduan na alisin ang mga bangkang pangisda at mga barko. Sinabi ng Kagawaran na walang anumang kasunduang narating sa mga naunang pag-uusap. Nakalulungkot umano na ang tugon ng Tsina ay ibinase sa hindi maayos na pagkilala sa mga datos at mga paraan ng negosasyon.
Ipinaabot ng Kagawaran sa Embahada ng Tsina na upang tugunan ang impasse at maiwasan ang 'di pagkakaunawaan, ang pag-uusap sa pagitan ng dalawang pamahalaan ay dapat nakasalalay sa buong pagtitiwala at ang mga impromasyong ipararating sa mga punong tanggapan ay marapat na nakabase sa tamang datos at impormasyon.
Naniniwala ang Kagawaran, ayon sa pahayag nitong inilabas sa mga mamamahayag kaninang hapon na ang responsibilidad sa paglutas ng issue ay nakasalakay sa magkabilang-panig.
Naging maganda ang pag-uusap ng magkabilang panig at nagkasundo na magtutulungan upang maisulong ang kalutasan sa sigalot.
DIPLOMASYA, SOLUSYON SA "STAND-OFF" SA PANATAG SHOAL
DIPLOMASYA PA RIN ANG SUSI SA SIGALOT. Ito ang binigyang-diin ni Dr. Peter Galvez, tagapagsalita ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa ng Pilipinas sa isang panayam ng CRI Radio at CBCP Online Radio kaninang umaga.
SA likod ng iba't ibang balita tungkol sa nagaganap sa Panatag Shoal o Huangyan Island sa panig ng Tsina, sinabi ni Dr. Peter Galvez, tagapagsalita ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa na diplomasya pa rin ang susi sa 'di pagkakaunawaan.
Sa panayam, sinabi ni Ginoong Galvez na maraming aspeto ang relasyon ng Pilipinas sa Tsina at hindi lamang ang "territorial issue" ang napapaloob dito. Maraming bansa na ang lumagda sa United Nations Convention on the Law of the Sea kaya't "diplomatic solution" ang isang alternatibo sa paglutas ng sigalot.
May mga kasunduan umanong nilagdaan ang Pilipinas at Tsina at napapakinabangan na rin naman ito ng magkabilang bansa. Nakatulong din ang Tsina sa pagbibigay ng engineering equipment sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas bukod sa pagsasanay sa Tsina na natatamo ng opisyal Pilipinas.
Kung mayroon man umanong napapakinabangan ang Pilipinas sa "stand-off," ito ay ang nakikitang pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagsuporta sa posisyon ng pamahalaan tungkol sa Panatag Shoal. Isyu na umano ito ng bansa, dagdag pa ni Dr. Galvez.
Bagaman, sinabi niyang mas makabubuting magsama-sama na lamang ang mga Pilipino sa mga isyung higit na magsusulong at magpapa-unlad sa bansang Pilipinas.
Tungkol sa naman sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ang pakikipag-kaibigan nito sa Estados Unidos, binanggit ni Dr. Galvez na malaki ang benepisyong natatamo ng Pilipinas sa kanilang pagsasanay at mga kagamitan. Inihalimbawa niya ang pagsasanay na natatamo ng mga kawal Pilipino sa mga ehersisyong ginagawa sa Pilipinas tulad ng "Balikatan."
Nakakabili rin umano ang Pilipinas ng mga kagamitang kailangan mula sa Estados Unidos sa mas murang halaga. Mayroon umanong inilaang salapi ang pamahalaan sa ilalim ng AFP Modernization Program.
Nanawagan si Dr. Galvez sa mga Pilipino na magtulungan, kahit na ang mga nasa ibang bansa na huwag kalilimutan ang kanilang lupang sinilangan. Dalangin umano ni Dr. Galvez na sa pamamagitan ng pag-uusap o diplomasya malulutas ang stand-off sa kanlurang bahagi ng Pilipinas.
PAGGAMIT SA TEKNOLOHIYA, MALAKING TULONG SA DUBAI
ANG TEKNOLOHIYA AY MAPAPAKINABANGAN. Sa Dubai, ginagamit at inaasahan ng pamahalaan ang kanilang database sa pagsisiyasat, pag-uusig at paglilitis ng mga taong dahilan ng mga sakuna. Ito ang ipinaliwanag ni Ginoong Mohamed Mahmoud Hasan Gan, Senior Accident Investigation Officer ng Public Safety Section, Public Health and Safety Department ng Dubai.
ANG paggamit sa teknolohiya ay isang malaking bagay sa Bayan ng Dubai. Ito ang sinabi ni Mohamed Mahmoud Hasan Gad, isang senior traffic investigation officer sa panayam ng CRI-Filipino Section. Isa siya sa mga panauhing tagapagsalita sa idinadaos na Protect 2012, isang international seminar tungkol sa crisis management sa Manila Peninsula Hotel sa Lungsod ng Makati.
Ayon kay Ginoong Gad, sa oras na magkaroon ng sakuna, tumatawag lamang ang mga mamamayan sa pulisya at dagliang dumarating sa pook na pinangyarihan. Obligasyon ng mga pulis na tumawag ng mga dalubhasa tulad ng mga manggagamot o mga enhinyero sa oras ng pangangailangan. Ang mga sunog ay dinadaluhan ng mga alagad ng civil defense.
Sa oras na makapangalap ng kaukulang impormasyon mula sa pook ng sakuna, magkakaroon ng pagsisiyasat at posibleng irekomenda ng alagad ng batas sa tagausig ang mga pinaniniwalaang may kasalanan sa sakuna.
Sinabi pa ni Ginoong Gad na sapat ang kanilang database kung mga impormasyon sa mga mamamayan at mga banyagang nasa Dubai ang pag-uusapan.
Kasama sa database ng Dubai ang rehistro ng mga sasakyan. Idinagdag pa ng panauhing tagapagsalita na naniniwala ang kanilang pamahalaan na ang lahat ng sakuna sa lansangan o sa mga pagawaan ay dahilan sa kapabayaan ng tao. Pilit na umano nilang binabago ang pananaw ng marami na nagkakataon lamang ang mga sakuna, dagdag pa ni Ginoong Gad.
SALAPING NAKAMIT MULA SA PARANGAL, GAGAMITIN PARA SA MGA KATUTUBO
GAGAMITIN ni Fr. Edwin Gariguez, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines National Secretariat for Social Action, Justice and Peace ang $ 150,000 o higit sa anim na milyong piso mula sa Goldman Prize for Environmental Protection upang ipagtanggol ang lupain ng mga katutubo sa Pilipinas.
Ito ang ulat ng CBCP News Correspondent Noel Sales Barcelona.
Ayon sa ulat ng The Catholic San Francisco, ikinalungkot ni Fr. Edwin na makita kung paano namumuhay ang mga Mangyan, ang mga katutubo ng Mindoro, ang mga mangingisda at mga pesante na napinsala ng walang pakundangang pagmimina sa pook.
Kahit pa hirapan, ipinagpatuloy ni Fr. Edu ang kampanya laban sa isang kumpanyang Norwegian na nasa Mindoro noon. Nasuspinde ang operasyon ng minahan dahilan sa serye ng protestang isinagawa sa lalawigan. Naitatag ang Alliance Against Mining o ALAMIN.
Kahit pa pinaslang ang isang Protestanteng pastor na kasama ni Fr. Gariguez sa alyansa, itinuloy pa rin ang kampanya laban sa irresponsible mining. Noong 2009, naglunsad si Fr. Gariguez at mga kasama ng 11 araw na hunger strike. Ito ang naging dahilan upang siyasatin ng Department of Environment and Natural Resources ang proyekto. Dinala niya ang kampanya sa Organization for Economic Cooperation and Development, ang counterpart ng Europa sa International Monetary Fund at World Bank. Nagsagawa rin siya ng pakikipag-usap sa shareholders ng Intex.
Unang kinumbinse ng Intex ang may 10,000 katao na bibigyan ng trabaho sa pagtatayo ng mining tunnels at 2,000 trabaho sa oras na magsimula na ang operasyon ng minahan.
Marami pa ring nanindigan laban sa pinsalang idudulot ng minahan sa Mindoro.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |