|
||||||||
|
||
ANG pagtutulungan ng mga pamahalaang kalahok sa Association of South East Asian Nations, Tsina at India ay mahalaga kung tunay na isusulong ang pagbabago. Ito ang binigyang-diin ni Socioeconomic Planning Secretary at NEDA Director General Cayetano Paderanga, Jr. sa paglulunsad ng aklat na pinamagatang "ASEAN, the PRC and India: The Great Transformation?" na inilathala ng Asian Development Bank at ADB Institute.
Kailangan ang pagtutulungan, dagdag ni Ginoong Paderanga, upang matamo ang pangmatagalang pag-unlad at pagkakaroon ng "full integration" sa mga bansang Tsina at India. Pag nagtagum[pay ang pagsasama-sama ng ASEAN, Tsina at India, malalampasan nito ang pinagsanib na gross domestic product (GDP) ng Estados Unidos at Europa at siyang magpapatakbo ng ekonomiya ng daigdig.
Maaari namang pag-usapan at magkaroon ng mga negosasyon upang madala ang pagtutulungan sa loob at labas ng mga hangganan ng mga bansa. Idinagdag ni Ginoong Paderanga na nararapat pag-aralan ang magiging implikasyong dapat makikita sa rehiyon at kung anong mga paraan ang nararapat gawin upang madali ang "inter-action" ng mga pamahalaan.
Magkakaroon umano ng mga pagbabago ang mga pamahalaan sa larangan ng "domestic industries" at kailangang magkaroon ng adjustments upang maisaayos ang mga kasunduan.
MGA MANLALARO, SUSUPORTAHAN NG PAMAHALAAN
SINABI Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na makakaasa ang mga manlalaro mula sa iba't ibang bahagi ng bansa ng ibayong suporta mula sa pamahalaan.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Palarong Pambansa sa Lingayen, Pangasinan, sinabi ni Pangulong Aquino na marapat lamang maging mga halimbawa ang mga mamlalaro ng kanilang mga kapwa kabataan at maging bukal ng inspirasyon para sa kanilang mga kababayan.
Ang pagtatagumpay sa palakasan, ani Pangulong Aquino ay dahilan sa pagtatambal ng talento at pagsisikap. Wala umanong ipinanganak na kampeon sapagkat ang mga medalya, tropeyo at mga papuri ay nagmumula sa disiplina at puspusang dedikasyon.
Ang Palarong Pambansa ay nasa ika-anim na dekada na at naging dahilan upang makilala ang mga sikat na manlalarong tulad nina Lydia de Vega at Elma Muros sa Athletics, Danny Ildefonso at Marlou Aquino sa basketball, Susan Papa at Eric buhain sa Swimming at Chiefy Caligdong at Kristofer Camcam ng Azkals sa Football.
MGA MANGGAGAWA MULA SA SYRIA, DARATING NA
DALAWAMPU'T isang manggagawang Pinoy ang darating mula sa Syria bukas ng hapon sakay ng Emirates Airlines Flight EK 332. Ito ang pinakahuling balita mula sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas.
Umabot na sa 48 mga OFW ang dumating mula noong huling araw ng Abril at halos isang libo't limang daang manggagawa na ang dumating mula ng sumiklab ang kaguluhan sa Syria.
Inulit ng mga kagawad ng Embahada ng Pilipinas sa Damascus ang kanilang panawagan sa mga Pilipino na gamitin na ang mandatory evacuation program sapagkat tuloy pa rin ang tension sa bansa.
Ang mga Philippine Honorary Consul sa Aleppo at Homs, kasama ang mga tauhan ng embahada ang nakipag-usap na sa kanilang mga nasasakupang mga employer na pauwiin na ang kanilang mga manggagawang Pilipino at pawalang bisa na ang kanilang employment contracts.
Gumastos na ang Honorary Consul sa Aleppo ng kanyang salapi upang mabayaran ang pamasahe ng ilang mga Pilipino doon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |