|
||||||||
|
||
INCLUSIVE GROWTH: MAGAGANAP
ANG madalas banggiting mga kataga sa nakalipas na 45th Annual Meeting ng Asian Development Bank Board of Directors na "inclusive growth" ay maaaring magkatotoo kung magsasama-sama ang pamahalaan at pribadong sektor.
Sa isang exclusive interview kay Ginoong Edgardo B. Lacson, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines, ang "inclusive growth" ang siyang adhikain ng Administrasyong Aquino na mayroong "campaign slogan" na "Walang iwanan." Ito rin umano ang pangako ng pamahalaan ng Pilipinas sa United Nations' Millennium Development Goals. Napapaloob sa pangakong ito na mabawasan ang kahirapan sa bansa.
Ipinaliwanag niyang kailangang magkaroon ng hanapbuhay ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho.
Umaasa si Ginoong Lacson na sa pagsapit ng halalan sa susunod na taon (2013) ay hindi mawawala sa focus ang pamahalaan sa mga palatuntunan nito. Nanawagan siya sa pamahalaan na huwag magbabago ng mga palatuntunan na tutugon sa kahirapan dahilan lamang sa halalan.
Niliwanag din ni Ginoong Lacson na kahit pa kumita ng $ 11 bilyon ang business process outsourcing at nakapagpadala ng higit sa $ 20 bilyon ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, mas makabubuting buhayin ng pamahalaan ang manufacturing sector tulad ng telecommunications, tourism-related industries at energy na mayroong malaking multiplier effect sa bansa.
May peligro ding dagliang mawala ang mga business process outsourcing sapagkat ang mga ito ay "cost driven" o madaling maimpluwensiya ng gastos. Lilipat umano ang mga call center na ito sa ibang bansa sa oras na maging mababa ang production cost sa ibang lugar. Ang call centers ay maaaring umalis kaagad sa loob ng isang araw. Kahit na ang mga overseas Filipino workers ay hindi nararapat asahang pangsuhay sa ekonomiya ng bansa.
Ang manufacturing na may mga pabrika ay hindi madaling umalis ng Pilipinas sapagkat malaking investments ang kailangan sa pagtatayo nito.
Tumanggi si Ginoong Lacson na sabihing imposibleng mangyari ang "inclusive growth." Aniya, "mahirap itong gawin subalit kakayanin kung magkakasama ang pamahalaan at pribadong sektor."
UNCLOS: MAY MGA MEKANISMO UPANG MALUTAS ANG MGA SIGALOT
GINUNITA ni Kalihim Albert F. Del Rosario ang naganap na paglagda ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea noong Mayo 1984 bilang ikalabing-isang bansang nagpasa ng UNCLOS na nagkabisa naman noong ika-16 ng Nobyembre, 1994.
Ani Kalihim del Rosario, sa Montego Bay sa Jamaica, 159 na bansa na kinabibilangan ng Pilipinas ang lumagda sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Ito ay naging bahagi ng international law na sumasaklaw sa mga karapatan at responsibilidad ng mga bansa, malaki man o maliit, mayaman man o mahirap, nasa tabing-dagat man o nasa kabundukan, sa paggamit ng mga karagatan.
Ito ang sandigan ng mga karapatan ng mga bansa sa karagatan at naglalaman ng mahahalagang mekamnismo para sa payapang paglutas ng mga 'di pagkakasundo sa mga isyung may kinalaman sa karagatan. Niliwanag ni Ginoong del Rosario na kabilang sa mga isyung malulutas ng UNCLOS ay ang patong-patong na paghahabol ng mga bansa sa karagatan.
Naniniwala ang Pilipinas sa "rules-based approach" sa UNCLOS karama na ang binabanggit sa United Nations Charter at iba pang international law bilang paraan nang pagtugon sa payapa, makatarungan at pangmatagalang solusyon sa tinagurian niyang West Philippine Sea o South China Sea.
Kasabay ng pagdiriwang na ito ang ika-30 anibersaryo ng United Nations Manila Declaration on the Peaceful Settlement of International Disputes na sinang-ayunan ng United Nations General Assembly noong 1982.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |