|
||||||||
|
||
WALANG balak ang Pilipinas na maglagay ng mga payao o "fish aggregating device" sa Huangyan Island
Ang mga ilalagay na payao ay pawang sa bahagi ng karagatang hindi lalampas sa 15 kilometro mula sa baybay-dagat. Ito ang ipinaliwanag ni Director Asis G. Perez, pinuno ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, isang ahensyang nasa ilalim ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Sa isang pahayag na ipinadala sa mga mamamahayag, sinabi ni Director Perez na ang mga payao ay para lamang sa mga karagatang sakop ng mga bayang nasa kanlurang bahagi ng Pilipinas.
Lubhang malayo ang Huangyan Island sapagkat ito ay may 119 na nautical miles o 220 kilometro mula sa bayan ng Palauig sa Zambales.
Ayon kay Director Asis, 45 piraso ng mga payao ang ilalagay sa mga karagatang sakop ng mga bayan ng San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabanggan, Sta. Cruz, Masinloc, Iba, Candelaria, Palauig at Botolan. Apat na pirasong payao na ang nailagay noong nakalipas na Abril sa karagatang sakop ng bayan ng Subic.
Sa darating na ika-14 ng Mayo, makakausap ni Director Perez ang mga punong-bayan ng Zambales at mamumuno rin sa paglalagay ng limang payao sa karagatang sakop ng Masinloc.
May isinasagawang survey na ngayon upang maglagay ng mga payao sa mga bayang sakop ng Pangasinan at Ilocos. Maghihintay lamang ang mga autoridad na matapos ang panahong habagat bago ilagay ang mga payao.
Sa mga pook na may payao, mga namimingwit lamang ang papayagang mangisda. Sa ilang pagkakataon, ang mga maliliit na mangingisda ay nakakahuli ng isdang may laking 40 tonelada.
WALO KATAO, NASAWI SA SURIGAO
WALO katao ang nasawi samantalang isa ang nakaligtas sa isang insidente ng suffocation sa isang hukay sa Surigao City kahapon ng umaga.
Ayon sa pulisya, ang mga biktima ay pumasok sa isang hukay na pag-aari at ginastusan ng isang nagngangalang Jonalyn Torre Martinez na tubong Surigao City.
Pumasok ang apat katao sa hukay at sinundan ng apat katao upang ilipat ang isang hose patungo sa iba pang tunnel. Ang hose ang dinadaanan ng hangin na ginagamit ng mga nagmimina sa ilalim ng lupa. Hindi nakalabas ang walo katao at tanging isang nagngangalang Berdan Porlas Avila ang nakalabas ng buhay. Nahirapan umano ang mga biktimang huminga samantalang nasa ilalim ng hukay.
Nailabas ng mga rescue operatives ang mga biktima at isinugod sa Caraga Regional Hospital at naideklarang nasawi na pagdating sa pagamutan. Ginagamot pa sa ospital si Berdan Avila.
PANGALAWANG PANGULONG BINAY, NAMUNO SA PAGPAPASARA NG ISANG RECRUITMENT AGENCY
SI Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang namuno sa pagpapasara ng isang recruitment agency na kanselado na ang lisensya dahilan sa reklamong napakataas ng mga sinisingil sa mga aplikante.
Ang Northwest Placement Inc., isang intermediadry ng Best Western Golden Prairies Inn sa Montana sa Amerika, ang ipinasara sa operasyon ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo at Philippine Overseas Employment Administration.
Ayon sa pangalawang pangulo, patunay lamang ito na seryoso ang pamahalaan sa pangangalaga sa mga nais magtrabaho sa ibang bansa.
Isa rin umanong babala ito sa mga nagbabalak magsamantala sa mga Pilipinong nais maging overseas worker, dagdag pa ni Ginoong Binay.
Kinansela nan g POEA ang lisensya ng ahensya noong nakalipas na Abril matapos malamang lumalabag sa mga regulasyon ng ahensya.
Ang paniningil ng anumang higit sa itinatadhana ng batas ay basehan upang patawan ng administrative sanctions.
Sinisayat na umano ng US Embassy Fraud Prevention Unit ang ahensya at nabatid na lumalabag sa batas.
PALASYO, SANG-AYON SA RESOLUSYON NG SENADO
SUMANG-AYON ang Malacanang sa resolusyon ng Senado na nananawagan sa Commission on Elections na magsagawa ng bagong general registration ng mga botante para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sang-ayon ang Malacanang kina Senador Franklin Drilon, Aquilino Pimentel III at labing-anim na iba pang mga senador sa Joint Resolution No. 17 para baguhin ang talaan ng mga botante sa ARMM.
Idinagdag ni Kalihim Lacierda, handa si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na sertipikahang "urgent" ang hakbang upang magkaroon ng batas sa Congreso.
Ang pangulo ay patuloy na nananawagan na magkaroon ng bagong kasaysayang ang rehiyon. Ang sandigan ng magandang pamamahala ay nagmumula sa maayos na desisyon ng mga tao sa bawat halalan. Mangyayari lamang ito, ani Kalihim Lacierda kung magkakaroon ng kalayaang bumuto ang mga botante ng ARMM.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |