|
||||||||
|
||
IPINALIWANAG NI DR. CLARITO BARRON NG BUREAU OF PLANT INDUSTRY ANG TUGON NG PILIPINAS SA PROBLEMA SA PRUTAS. Naghahanda si Dr. Barron na magtungo sa Beijing kasama ang dalawang dalubhasa sa Quarantine upang ipaliwanag ang mga ginagawa ng bansa upang maiwasan ang pagpasok ng mga insekto sa mga produktong prutas mula sa Pilipinas.
NAGBABALAK maglakbay si Dr. Clarito M. Barron, Director ng Bureau of Plant Industry patungo sa Beijing, Tsina ngayong linggong ito upang makausap ang kanyang counterparts at maipaliwanag ang mga ginagawang hakbang ng Pilipinas upang maiwasan na ang pagkabalam ng pagpasok ng mga saging sa ilang daungan. Makakasama niya ang dalawang nangungunang quarantine officers sa paglalakbay patungong Tsina.
Sa panayam kay Dr. Barron ng China Radio International kaninang umaga, sinabi niyang malulutas ang suliranin sa pamamagitan ng pag-uusap ng magkabilang-panig. Ipinaliwanag niyang nakatanggap sila ng liham noong ika-lima ng Marso na nagsasabing may natagpuang insekto sa mga saging na ipinadala ng isang exporter mula sa Mindanao.
Napapaloob sa liham na kailangang magkaroon ng "corrective measures' ang Pilipinas upang huwag ng maulit ang insidente.
Ayon kay Dr. Barron, ipinaliwanag nilang ang natagpuang insekto sa kargamento ay insektong mula sa niyog at hindi sa halamang saging. Ibinalita rin nila samga Tsino na mayroon nang "corrective measures" at gagamitan ng tubig ang mga saging na nakatakdang dalhin sa Tsina. Nangako rin umano ang tanggapan ni Dr. Barron na hindi sila maglalabas ng mga prutas na mayroong mga insekto.
Lumiham umanong muli ang mga autoridad ng Tsina at nagsabing nakatitiyak silang ang insektong natagpuan ay ang insektong mula sa saging. Napapaloob din sa liham ang kahilingan ng mga Tsino na talaan ng mga magsasaging at mga kumpanyang sangkot sa paglalagay sa mga pakete.
Kinausap umano nila ang mga magsasaging at exporter mula sa Davao at itinakda ng Tsina ang deadline na unang araw ng Hunyo, 2012. Ang mga hindi kasama sa listahan ay hindi papayagang makapasok ang produkto sa Tsina.
Sinabi ni Dr. Barron na isinasaayos na nila ang listahan. Tiniyak din niyang mayroong protocol na sinusunod ang Pilipinas at lahat ng exporter ay inaasahang susunod sa alituntuning ito na nagsasaad kung paano anihin, i-empake at ipadala ang mga prutas sa mga bansang tulad ng Tsina.
Bagama't nangungunang mamimili ng prutas ang Japan, malaki rin ang kargamentong ipinadadala sa Tsina.
Nangunguna ang pinya sa mga prutas na ipinagbibili ng Pilipinas sa Tsina. Noong nakalipas na taon, umabot sa isang milyong metriko toneladang pinya na nagkakahalaga ng $ 700 milyon ang naipagbili ng Pilipinas sa mga pamilihan sa Tsina. Pumangalawa ang saging na umabot sa 300,000 metriko tonelada na nagkakahalaga ng $ 60 milyon. Nakapagbili rin ang Pilipinas ng 310 metriko tonelada ng papaya na nagkakahalta ng $ 310,000 samantalang ang mangga ay umabot sa 17 metriko tonelada na may halagang $ 20,000.
Walang napupunang anumang pagbaba o pagtaas ng imports ang Tsina sa mga prutas na mula sa Pilipinas.
Kabilang sa mga bansang pinagbibilhan ng prutas ng Pilipinas ang Japan, Korea, Iran, ilang bansa mula sa European Union, America at Australia.
Bilang reaksyon sa kautusan ni Pangulong Aquino, sinabi ni Dr. Barron na umaasa siyang matatapos ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina. Kahapon ay nag-utos si Pangulong Aquino na maghanap ng ibang pamilihan ang pamahalaan ng prutas upang huwag manganib ang mga tropical fruit producers.
Sinabi pa ni Dr. Barron na nakapagpadala na sila ng mangga sa Amerika na gumamit ng eroplano. Viable pa rin umanong magbili ng prutas sa America at Europa.
Sa kabilang dako, sinabi ng China Daily na iba't ibang uri ng insekto ang natagpuan sa mga pinya, saging at ibang prutas na nagmula sa Pilipinas sa Shanghai, Shenzhen at Shandong noong nakalipas na taon.
Pinag-utusan na ang mga autoridad na bantayan at dagdagan ang mga prutas na pumapasok sa bansa. Ang mga sample na may buhay na insekto ay may mga batik na itim na senyal ng pagkabulok at kailangang dalhin sa laboratoryo upang sumailalim ng testing.
Kung delikado ang mga insekto, ang mga prutas ay ipadadalang muli sa Pilipinas o sisirain na lamang.
Nakatagpo umano ng mga gagamba, langgam at aphids sa mga prutas na mula sa PIlipinas. Siyamnapu mula sa 358 batches ng mga prutas mula sa Pilipinas ang mayroong "harmful organisms."
Sinabi ni Wan Fanghao, director ng department of biological invasions sa Institute of Plant Protection ng Chinese Academy of Agricultural Sciences na ilan sa mga insekto at bacteria na hindi natatagpuan sa Tsina ay maaaring makapinsala sa mga punongkahoy at iba pang mga pananim.
Niliwanag ni Dr. Barron na walang koneksyon ang isyu sa prutas sa Scarborough Shoal. Sila umano sa Bureau of Plant Industry ay mga taong dalubhasa sa mga isyung teknikal.
Ani Dr. Barron, nagsimula ang isyu ng prutas noong Marso 2012 samantalang nalantad ang kontrobersya sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal noong nakalipas na Abril.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |