Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Chief Justice Corona, haharap na sa Impeachment Court

(GMT+08:00) 2012-05-21 19:05:06       CRI

ISANG makaysaysayang pangyayari ang magaganap bukas sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon, haharap ang Punong Mahistrado ng Pilipinas Renato Corona na sumasailalim sa impeachment case sa paglilitis sa Senado.

Magaganap ito sa ika-40 araw ng Impeachment Trial sa Senado ng Republika ng Pilipinas.

Si Chief Justice Corona ay nagsabing hindi siya nababahala sa kanyang pagharap sa impeachment court bukas. Kanina'y lumabas din ang balitang nakipagkita si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa executive minister ng Iglesia ni Cristo Lunes ng umaga.

Tinanong ng mga reporter si Chief Justice Corona kung handa na siyang humarap sa Senado at sumagot ang punong mahistrado na "Tinatanong pa ba iyon?" Idinagdag pa ni Ginoong Corona na wala siyang kakaba-kaba sa pagharap sa Senado bukas.

Wala umanong espesyal na paghahanda para sa kanyang pagharap bukas. Ang kanyang lupon ng mga tagapagtanggol ay nagpulong na kahapon bilang paghahanda sa gagawing paglilitis bukas.

Bukas, magkakaroon ng candle-lighting sa Korte Suprema at Misa sa isang simbahan at motorcade na kinabibilangan ng may 100 may motorsiklong sasabay sa punong mahistrado sa kanyang pagtungo sa Senado.

Ipinagtanggol naman ni Senador Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. ang pakikipagpulong ni Pangulong Aquino sa punong ministro ng Iglesia Ni Cristo. Ani Senador Marcos, anak ng dating Pangulong Ferdinand Marcos na itinuturing na mortal na kalaban ng mga Aquino, solido ang Iglesia Ni Cristo ay natural na makipag-usap ang pangulo at magsagawa ng konsultasyon sa mga isyu na kinabibilangan ng impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona.

Kahit umano ang kanyang yumaong ama ay dumadalaw sa Iglesia Ni Cristo upang kumunsulta.

KALIHIM DEL ROSARIO LALAHOK SA HIGH-LEVEL MEETING

MAKAKASAMA si Kalihim Albert F. del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas sa high-level na pagpupulong sa paksang "Role of Member States in Mediation" sa United Nations General Assembly sa Nueba York sa Miyerkoles.

Ihahayag ng Pilipinas ang patuloy na pagsuporta ng Pilipinas sa "Rule of Law" at ang papel ng mediation sa payapang paglutas ng 'di pagkakaunawaan, at pag-iwas sa posibleng hidwaan. Suportado rin ng Pilipinas ang paglutas sa mga 'di pagkakaunawaan ng mga bansa.

Ang aktibong partisipasyon ng Pilipinas sa talakayan hinggil sa mediation sa United Nations ang pinuri ni UN Secretary General Ban Ki-Moon at ng Tanggapan ng Pangulo ng UN General Assembly.

Kinikilala ng United Nations ang Pilipinas na isa sa mga nangungunang tinig sa mediation at ito ang dahilan kaya't nakasama ang Pilipinas sa mga inanyayahang magsalita sa high-level meeting sa Miyerkoles.

Maglalabas ng pamantayan para sa isang in-depth at comprehensive discussion sa papel ng mga bansa sa mapayapang paglutas ng mga 'di pagkakaunawaan at kaguluhan. Kikilalanin ang mga hamon at kakulangan sa pangrehiyon at pandaigdigang conflicts at maghahanap ng iba pang paraan upang malutas ang kaguluhan.

Inaasahang matatapos ang kauna-unahang UN General Assembly resolution sa mediation na pinamagatang "Strengthening the Role of Mediation in Peaceful Settlement and Conflict Prevention and Resolution."

FOREIGN CHAMBERS OF COMMERCE, NANAWAGAN SA PAMAHALAAN

BAGAMA'T suportado ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines ang kanilang tinaguriang "fair and competitive wages," niliwanag nilang mas magiging makabuluhan ang dagdag na benepisyo para sa mga manggagawa, ay dapat matiyak na walang sinumang mawawalan ng hanapbuhay dahilan sa pagtaas ng sahod.

Suportado ng Joint Foreign Chambers of Commerce ang minimum wage na malapit na sa pangangailangan ng mga manggawa. Mas mataas sa regional poverty threshold na sasabayan ng dagdag na benepisyo na may relasyon sa productivity ang bagong minimum wage.

Subalit nagbabahala ang samahan ng mga banyagang mangangalakal na ang walang humpay na pagtaas ng sahod, ang maghahatid sa minimum wage ng Pilipinas na mapabilang sa pinakamataas na sahod sa loob ng Association of Southeast Asian Nations. Malaki ang posibilidad na magkaka-epekto ito sa domestic at export manufacturing sectors. Milyong mga hanapbuhay na ang nawala sa Pilipinas, dagdag ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines sa kanilang pahayag. Binanggit nila na ang dating malakas na industriya ng sapatos at damit ay nagsara na sa matinding kompetisyon ng mababang pasahod mula sa Bangladesh, Cambodia, Tsina at Vietnam.

Ang minimum wage ng Pilipinas, na pinakamataas sa National Capital Region, na higit sa US$ 9 ay mas mataas sa mga kalapit sa bansa na katunggali para sa investments at trabaho.

Sa Cambodia, ang minimum wage ay US 2.03 o buwanang sahod na $ 61.00, Vietnam na $ 2.22-3.17 o US $ 66.57 - 95.09, Indonesia $ 3.03-5.54 o $ 90.95 hanggang 166.07, Tsina ay $ 4.00 – 7.89 at buwanang sahod na $ 119.97 hanggang 236.78.

Samantala, ang Thailand ay nagbabayad ng $ 7.11 – 9.60 at buwanang sahod na $ 213.18 – 288.08. Sa Pilipinas, ang pasahod ay mula $ 9.06 hanggang 10.06. at buwanang sahod na $ 275.63 hanggang 301.85.

Patuloy umanong nadarama ang pressure na magdagdag na sahod sa timog-silangang Asia. Napuna nila ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaroon ng minimum wage sa Malaysia, sa kanlurang Malaysia ay $ 297 at $ 242 sa Silanangang Malaysia. Pinag-aaralan din ng Thailand na magdadag ng sahod sa mga pabrika ng damit. Apat na ulit ng nagtaas ng sahod sa Vietnam.

Ang Foreign Direct Investments ay naghahanap ng "investment-friendly destinations." Lumalayo na ang mga FDI sa Pilipinas dahilan sa mataas na pasahod. Sa nakalipas na 40 taon, ang Malaysia ay nakatanggap ng $ 112 bilyong FDI na sinundan ng Thailand na $ 109 bilyon ayon sa United Nations Conference on Trade and Development.

Umabot na rin ang FDI sa Vietnam sa halagang $ 57 bilyon at Indonesia naman ay nagtamo ng $ 49 bilyon. Sa Pilipinas, tanging $ 34 bilyon lamang ang natanggap na nangangahulugan ng wala pang isang bilyong dolyar sa bawat taon.

Kabilang na rin ang ibang dahilan sa paglayo ng Foreign Direct Investments sa Pilipinas tulad ng corruption, kulang na pagawaing bayan, mataas na presyo ng kuryente, kawalan ng stability sa larangan ng politika at red tape.

Idinagdag pa ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines na ang anumang dagdag sa minimum wage ay makakabenepisyo sa 2.2 hanggang 2.3 milyong manggagawa subalit ang nalalabing 38 milyong manggagawa ay walang pananggalang sa inflation matapos ang wage adjustment.

Sa 40 milyong manggagawa, 70% ang nasa informal sector. Animnapu't dalawang porsiyento ng mga manggagawa sa formal sector ang nasa micro, small, at medium categories na bumubuo ng 99% ng mga kumpanyang rehistrado sa Department of Trade and Industry at Securities and Exchange Commission.

Malaki ang oportunidad na makakuha ng mga banyagang kumpanya na may daang libong mga manggagawa subalit kung tataas pa ang pasahod, mawawala ang mga ito, dagdag pa ng grupo ng mga kumpanyang banyagang nasa Pilipinas.

Nilagdaan ng mga pinuno ng American Chamber of Commerce of the Philippines, Australian-New Zealand Chamber of Commerce and Industry, Canadian Chamber of Commerce of the Philippines, European Chamber of Commerce of the Philippines, Japanese Chamber of Commerce and Industry, Korean Chamber of Commerce of the Philippines at Philippine Association of Multinational Companies Regional Headquarters, Inc.

PANIBAGONG MGA MANGGAGAWA, NAKAUWI NA MULA SA SYRIA

PATULOY ang pangangalap ng Embahada ng Pilipinas ng mga Pilipinong nasa Syria. Darating bukas ang may 23 babaeng manggagawa mula sa Syria ganap na ika-sampu ng gabi sakay ng Emirates Airlines flight EK 334. Ang mga ito'y karagdagan sa 25 nakauwi na sa bansa noong Lunes, Mayo 14.

Pito sa mga ito ang mula sa Homs samantalang isa ang mula sa Hama, ang dalawang lugar na maituturing na napakagulo. Pansamantalang nanirahan sa embahada ang mga manggagawa samantalang naghihintay ng repatriation.

Umabot na sa 1,489 na manggagawa ang nakauwi mula Syria hanggang kahapon. Nasa Crisis Alert Level No. 4 pa rin ang Syria sa talaan ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas ng Pilipinas.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>