|
||||||||
|
||
NAGPAKUMBABA si Chief Justice Renato C. Corona sa kanyang pagharap na muli sa Senado ng Pilipinas sa ika-42 araw ng Impeachment Proceedings. Humingi ng paumanhin si Ginoong Corona sa Senado sa kanyang biglaang pag-alis noong nakalipas na Martes matapos niyang magbigay ng kanyang opening statement.
Binanggit ni Ginoong Corona na sa pagbaba ng kanyang blood sugar ay halos mawalan siya ng kontrol sa kanyang katawan at kaisipan.
Sa kanyang paglalahad ng pahayag sa Senado mga alas dos dies y nueve ng hapon, sinabi niyang "I was in a total state of confusion." Hindi na umano niya malaman kung saan siya magtutungo.
Sa panig ng pagtatanggol, sinabi ni Chief Defense Counsel dating Justice Serafin Cuevas, na hindi na sila magtatanong pa bilang bahagi ng direct examination. Sa panig ng pag-uusig, sinabi ni Private Prosecutor Mario Bautista na sa kalagayan ng kalusugan ni Chief Justice Corona, hindi na nila siya isasailalim sa cross examination.
Sa pagkakataong ito, sinabi ni Chief Justice Corona na lalagdaan na niya ang kanyang unconditional waiver na nagbibigay ng autorisasyon sa mga opisyal ng bangko, Securities and Exchange Commission at ng Bureau of Internal Revenue at iba pang ahensya na buksan ang kanyang bank accounts at iba pang record ng kanyang mga kalakal kung mayroon man. Magugunitang lumagda sa waiver si Ginoong Corona noong Martes subalit hiniling niya sa 189 na mambabatas na lumagda sa kanyang impeachment at kay Senador Franklin M. Drilon na lumagda rin sa waiver.
Nagtanong ang presiding officer na si Senate President Juan Ponce Enrile kung isumite nga ni Ginoong Corona ang kanyang unconditional waiver, kanino magmumula ang mga saksi.
Sa puntong ito, biglang nagpatawag ng caucus si Senate President Enrile upang alamin ang pananaw ng mga senador kung anong gagawin sa isusumiteng unconditional waiver ni Chief Justice Corona.
Natapos ang emergency caucus na ipinatawag ni Presiding Judge Juan Ponce-Enrile at nagkaroon ng desisyon na kanilang tatanggapin ang unconditional waiver na nilagdaan ni Chief Justice Corona subalit wala na sa kanilang poder ang pagpapatawag ng mga saksi upang patunayan ang nilalaman ng mga bank account sapagkat hindi na nagkaroon ng direct at cross examinations ng magkabilang panig.
Inamin ni Ginoong Corona sa pagtatanong ni Senador Miriam Defensor-Santiago na dalawang ulit na siyang sumailalim sa open heart surgeries.
Sa pagtatanong ni Senador Allan Peter Cayetano, inamin ni Chief Justice Corona na umaabot sa $ 2.4 milyon ang laman ng kanyang bank deposits. Sa katanungan naman ni Senador Jinggoy Estrada, inamin ni Ginoong Corona na mayroon siyang humigit kumulang sa P 80 milyong peso deposit.
MGA OBISPO, NANAWAGANG MAGING PATAS ANG MGA SENADOR
SINABI ni Jaro, Iloilo Archbishop Angel N. Lagdameo, dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na isang napakamahal na ehersisyo ang idinaos na impeachment hearings ng Senado kay Chief Justice Renato C. Corona.
Kahit ano pa ang maging desisyon ng impeachment court, makabubuting umalis na lamang si Ginoong Corona sa kanyang posisyon at bigyang daan ang hahalili sa kanya. Ayon sa arsobispo, lubhang napinsala na ang tanggapan ng punong mahistrado sa kawalan ng pagtitiwala ng karamihang Pilipino. Mahirap umanong isipin na ang Pilipinas ay isang mahirap na bansa na gumagastos ng malaki sa impeachment trial.
Sa panig ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, sinabi niyang umaasa siya na magiging patas ang paglilitis sapagkat ito ang tunay na pagsubok sa mga senador kung paano nila tatapusin ang paglilitis. Mababatid rin ang kanilang sense of justice at ang kanilang transparency.
Umaasa rin umano siya nna lalabas ang katotohanan at maliliwanagan ang maraming kaduda-dudang isyu.
Samantala, sinabi ni Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad na umaasa siyang magiging patas ang mga senador na hukom at hindi sila makukumbinse ng kanilang political affiliation. Umaasa siyang magdedesisyon ang mga hukom base sa ebidensya at sang-ayon sa kalakaran ng mga Senador.hinggil sa impeachment.
Sa impeachment na ito, lumalabas lamang na mayroong tunay na demokrasya sa bansa. Ito rin ang pagpapagunita sa madla na ang government service ay nangangailangan ng tiwala ng madla o public trust. Kailangan lamang umanong maging tapat ang mga manunungkulan sa pamahalaan.
Makatutulong din ang impeachment proceedings para sa bansa at mga mamamayan sapagkat igagalang ang Pilipinas ng daigdig at magkakaroon ng ibayong interes ang mga mangangalakal na magtungo sa Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |