|
||||||||
|
||
NATAPOS na ang paglilitis kay Chief Justice Renato C. Corona sa ika-44 na araw ngayong Martes. Sa botohan ng dalawampu't tatlong senador ngayong pasado alas dos ng hapon at natapos ilang minuto matapos sumapit ang ika-anim ng gabi, napatunayang nagkasala si Chief Justice Corona sa hindi paghahayag ng tamang impormasyon sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth.
Ang Senator-Judges na nagsabing nagkasala ang punong mahistrado ay sina Senador Edgardo J. Angara, Allan Peter S. Cayetano, Pia S. Cayetano, Franklin M. Drilon, Senate Pro Tempore Jose Estrada, Francis G. Escudero, Teofisto Guingona III, Gregorio Honasan II, Panfilo Lacson, Manuel Lapid, Loren Legarda, Sergio Osmena III, Aquilino Pimentel III, Ralph Recto, Ramon Revilla, Jr., Senate Majority Leader Vicente Sotto III, Antonio Trillanes IV, Manuel Villar at Senate President Juan Ponce Enrile.
Tatlo ang bumoto upang pawalang-sala si Chief Justice Corona. Sila ay sina Senador Miriam Defensor Santiago, Joker Arroyo at Ferdinand R. Marcos, Jr.
Karamihan ng mga senador ang kumbinsidong nagkasala sa Article 2 ng impeachment complaint laban sa kanya na nagmula sa House of Representatives.
Ayon kay Senate President Juan Ponce-Enrile, ang Senado na nakaluklok bilang impeachment court, na natapos naglitis kay Chief Justice Renato Corona, ang nakatagpo sa kanyang nagkasala sa ilalim ng Article 2 ng Articles of Impeachment.
Inutusan ni Senador Enrile ang kalihim ng Senado na siya ring clerk of court na magbigay ng sipi ng desisyon kay Chief Justice Corona, sa Speaker ng House of Representatives, sa Korte Suprema, sa Judicial Bar Council at kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Sa guilty verdict, hindi na makakapasok pa sa pamahalaan ang chief justice dahilan sa usaping betrayal of public trust at paglabag sa Saligang Batas ng Pilipinas.
Tumagal ang paglilitis ng limang buwan at pinanood ng madla na maihahalintulad sa nobelang sinusubaybayan sa radyo at telebisyon.
Sa panayam kay chief defense counsel retiradong Associate Justice Serafin Cuevas, hindi niya umano inaasahan ang dalawampung mga senador na boboto upang patalsikin ang kanyang kliyente sa puesto. Mag-uusap pa lamang sila ni Chief Justice Corona at aalamin kung ano ang susunod nilang hakbang.
Sa panig ng Malacanang, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na 20 senador ang bumoto upang patunayang nagkasala si Chief Justice Renato C. Corona sa Article II ng Articles of Impeachment. Higit umanong lumakas ang democratic institutions at napatunayang umiikot ang gulong ng katarungan.
Kay Chief Justice Corona umano nakikita ang mukha ng mga suliranin sa justice system ng bansa. Huwag umanong kalilimutan na ang lahat ng nagtutungo sa hukuman, mayaman man o mahirap ay nakakaasang makakatamo ng walang pinapanigang katarungan sa pagkilala sa buod at mga itinatadhana ng batas.
Ayon pa kay Binibining Valte, ang naging desisyon ng Senado ay isang hakbang tungo sa pagbabalik ng tiwala ng madla sa hukuman at pagtitiwala sa mga bumubuo ng Hudikatura.
Sa isang ambush interview, sinabi ni Atty. Valte na may 90 araw si Pangulong Aquino na humirang ng makakapalit ni Chief Justice Corona. Idinagdag pa niya na executory na ang naging desisyon ng Senado na siyang impeachment court.
Mga Obispo, iba't iba ang pananaw sa paglilitis
IBA'T IBA ang pananaw ng mga Obispo ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas sa kinahinatnan ng paglilitis kay Chief Justice Corona na nagtapos sa conviction ng punong mahistrado.
Ayon kay Arsobispo Angel N. Lagdameo ng Jaro, Iloilo, ang paglilitis at paghatol kay Chief Justice Corona ay isang "turning point" tungo sa katapatan, katotohanan at accountability ng mga kawani ng pamahalaan.
Ang naging desisyon ay magkakaroon ng malawak na epekto at hindi ito wakas sapagkat kinikilala niya ito bilang isang magandang simula.
Ang batas, anang arsobispo ay hindi lamang para sa punong mahistrado kungdi para sa lahat.
"Nawa'y maging leksiyon ito para sa lahat," dagdag pa ng arsobispo.
Ikinatuwa ni Sr. Mary John Manazan, OSB ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines ang naging hatol kay Chief Justice Corona.
Sa kanyang text message sa CBCP Online Radio mula sa Dublin, Ireland, sinabi niyang maganda ang desisyon at makatutulong sa pagbuwag ng "culture of impunity." Tumaas umano ng isang bahagdan ang kanyang pagtingin sa Senado, dagdag pa ni Sr. Mary John.
Ayon naman kay Jaro Auxiliary Bishop Gerardo Alminaza, ang buong impeachment process at ang kinalabasan nito ay isang malakas na pagbabadya sa madla kabilang na rin ang mga pinuno ng simbahan na kumilos upang maghari ang transparency at accountability.
Sana raw ay magtapos ang impeachementy sa pagbabalik ng moral values, integridad, credebilidad at pagtitiwala sa mahahalagang institusyon ng lipunan.
Isang mahalagang hakbang ang pagdaraos ng impeachment trial, sabi pa ni Bishop Alminaza.
Para kay Bishop Jose Oliveros ng Malolos, tatlong mahahalagang punto ang natamo sa pagtatapos ng impeachment trial. Una ay kitang-kita ang demokrasya sa Pilipinas sa pagkakaroon ng impeachment process. Pinapurihan niya si Senate President Juan Ponce-Enrile bilang presiding officer. Kahit na umano napatunayang "guilty" ang punong mahistrado, naniniwala si Bishop Oliveros na walang "ill-gotten wealth" si Ginoong Corona.
"Failure in judgment ang kasalanan ni Ginoong Corona at walang anumang malicious intent. Kapuri-puri din ang pagbubukas ni Ginoong Corona ng kanyang bank accounts sa madla at sa lahat ng interesadong mabatid ang katotohanan," dagdag pa ni Obispo Oliveros.
Pinuna rin ng obispo ang ilang mga ebidensya na inilabas ng taga-usig at ng mga mamamahayag. Patuloy umanong magdarasal ang madla para sa katotohanan, katarungan at kapayapaan sa Pilipinas, dagdag pa ni Monsignor Oliveros.
Ikinalungkot naman ni Lipa Archbishop Ramon C. Arguelles ang naging desisyon sa kanyang kababayang si Chief Justice Corona.
Sinabi ni Puerto Princesa Bishop Pedro Arigo na kung ang halaga ng paglilitis kay Chief Justice Corona ay umabot sa P 5.7 milyon, matatamo ba ng karaniwang tao ang katarungan. Marami umanong nararapat kasuhan sa Ombudsman dahilan sa kasong plunder subalit hidni pa naipagsusumbong. Mayroon nga ba tayong "selective justice"? tanong ni Bishop Arigo.
Ipinaliwanag ni Arsobispo Oscar V. Cruz na ang impeachment court ay isang quasi judicial at quasi political entity.
Sa panig ng pagiging quasi judicial, wala umanong napatunayan ang taga-usig sapagkat kulang ang mga ebidensya at sa totoo lamang ay di matatanggap ang mga impormasyong kung saan-saan nagmula.
Sapagkat ang impeachment court ay isang lupon na gagawa ng isang political exercise, batid naman ng lahat ang tunay na nasa likod ng pagpapatalsik sa punong mahistrado sapagkat minadala ang pagpapasa ng articles of impeachment.
Ang mga partisanong politiko ay hindi maaasahang magiging impartial judges, dagdag pa ni Arsobispo Cruz.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |