Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangulong Aquino, umalis na patungong London at Washington

(GMT+08:00) 2012-06-04 18:47:52       CRI

UMALIS na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III patungong London kaninang alas-dos dies y siete ng hapon (2:17P.M.) sakay ng Philippine Air Lines Flight 001 para sa tatlong araw na pagdalaw.

Sa kanyang pre-departure statement, sinabi ni Ginoong Aquino na ito ang kanyang kauna-unahang makadalaw sa Europa mula ng manungkulan siya sa Palasyo Malacanang. Tutuloy siya sa Estados Unidos upang paunlakan ang paanyaya ni Pangulong Barack Obama.

Maganda ang relasyong namamagitan sa Pilipinas at United Kingdom na isang mahalagang katuwang sa ekonomiya. Ang United Kingdom ang isa sa mga nangungunang investor sa Pilipinas at isa sa pinakamalaking pamilihan sa larangan ng turismo sa Europa at pinaka-aktibong katuwang sa kalakal.

Makakausap ni Ginoong Aquino si Prime Minister David Cameron na pasasalamatan niya sa tulong sa ekonomiya ng Pilipinas. Malaki umano ang tulong ng United Kingdom sa pagpapataas ng kakayahan ng pulisya at pagbuwag sa pandaigdigang terorismo sa pamamagitan ng Regional Council of Terrorism Investigations Management Course. Ani Pangulong Aquino, aktibo ang United Kingdom sa International Contact Group para madali ang kapayapaan sa Mindanao.

Mayroon din umanong business meetings para sa British at European investors. May mga business deals na lalagdaan sa Shell, Gaz Asia, Aboitiz, Rolls Royce at maging ang Cebu Pacific.

Matapos ang tatlong araw na pagdalaw sa United Kingdom, maglalakbay naman si Pangulong Aquino patungo sa Estados Unidos.

Security matters ang pagtutuunan ng pansin ng pag-uusap ng dalawang lider ng bansa. Ang Amerika umano ang pinakamalaking trading partner ng Pilipinas at pangalawang nagdadala ng Foreign Direct Investments sa Pilipinas. Dahilan daw sa foreign investments na ito, maraming nagkakahanapbuhay sa Pilipinas.

Higit pa umanong palalalimin ang relasyon ng dalawang bansa at palalaguin ang kalakalan at pamumuhunan at mapalawak ang kaalaman sa agham at teknolohiya.

Hahanapin din ang paraan upang mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas bilang kaalyadong bansa ng Amerika at kung paano mapapanatili ang kaayusan sa Asia Pasipiko.

Kapakanan ng Pilipinas ang isusulong niya sa kanyang pitong araw na pagdalaw sa United Kingdom at Estados Unidos ng Amerika, dagdag pa ni Pangulong Aquino,

Pagpupulong sa Singapore, makatulong sa Tsina

ANG katatapos na pagpupulong ng mga opisyal ng tanggulang pambansa, mga dalubhasa at mga scholar sa Asia Pacific region ay nakatulong sa Tsina upang alamin sa mga bansang kabilang sa Association of South East Asian Nations kung paano haharapin sa makabagong paraan ang isyu ng seguridad na ang pinaka puso ay ang pagkakapantay-pantay at pagtutulungan. Ito ang dahilan kaya matatawag itong "cooperative security."

Ito ang pananaw ni Binibining Fu Ying, ang vice foreign minister ng Tsina sa isang artikulong lumabas sa Straits Times noong Biyernes, unang araw ng Hunyo.

Anang dating Chinese Ambassador sa Pilipinas, ang pinakapuso ng cooperative security ay ang seguridad ng madla. Kailangan umanong isaisip na ang rehiyon ay makadarama ng seguridad tulad ng pinaka-insecure na kalapit bansa ng ASEAN. Inihalimbawa ni Binibining Fu ang Korean Peninsula.

Ang mas mahinang bansa, sa pangamba sa seguridad nito, ay gagawa at gagawa ng radikal na aksyon. Ang resolusyon sa situwasyon ay hindi kailangang magwakas sa isolation o exclusion.

Hindi magkakatotoo ang cooperative security sa pamamagitan ng kaguluhan at 'di pagkakaunawaan sapagkat ang ugat nito'y ang kaunlaran at pagsulong ng magkakalapit-bansa.

Ang mga bansa sa Silangang Asia, sa nakalipas na 60 taon ang nakasaksi kung paano nasira ng pag-aarmas at pagkakampi-kampi ang pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan. Sa pagwawakas lamang ng Cold War, sa digmaan sa Cambodia, saka lamang nakapagtuon ng pansin ang mga bansa sa silangang Asia sa economic development na nagpalakas ng seguridad ng rehiyon.

Ani Fu Ying, ang Tsina at Estados Unidos ay mayroong mahalagang papel sa seguridad ng Silangang Asia. Kailanganghigit na mag-usap ang dalawang bansa at kailangang magtulungan at umiwas sa maghahatid sa kabilang panig sa mahirap na kalakagayan.

Klase, nagsimula na

DALAWAMPU'T ISANG MILYONG kabataan ang bumalik na sa mga paaralan ngayong unang araw ng pasok.

Ayon kay Bro. Armin Luistro, Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, ang araw na ito'y makasaysayan sapagkat ito ang simula ng K -to-12 Basic Education Program.

Ang actual enrolment noong nakaraang taon ay umabot sa 20.48 milyon. Ayon kay Bro. Luistro, sa pagpapatupad ng K- to-12 curriculum para sa Grade 1 hanggang Grade 7, tiniyak na ang public elementary at secondary schools sa buong bansa ay handa na para sa araw na ito.

May 5.7 milyon ang nasa high school, 14 na milyon ang nasa elementary at may 1.73 milyon naman ang nasa kindergarten. Pumasok na ang mga kabataan sa may 45,000 nga paaralan sa buong bansa.

Ginawa na ang pagsasanay ng mga guro para sa Grades 1 to 7. Natapos na rin ang Brigada Eskwela na nagtampok sa mga guro, mga magulang at mga kabataang naglinis sa mga paaralan at kapaligiran.

Mga Obispo, susuporta sa carper

LABING-SIYAM na obispo sa pamumuno ni Cebu Archbishop Jose S. Palma ang nagpaabot ng kanilang suporta sa ipinaglalaban ng mga magsasaka na nagmartsa na mula noong Biyernes mula sa lalawigan ng Bukidnon patungong Maynila.

Nanawagan ang mga obispo kay Pangulong Aquino na tapusin ang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms hanggang 2014.

Napupuna ng mga obispo ang matampaly na pamimili ng lupain ng pamahalaan at ang mabagal na pamamahagi nito sa liderato ng Agrarian Reform Secretary Virgilio de los Reyes.

Ani Arsobispo Ramon Arguelles ng Lipa sa kanyang pagsalubong sa may 250 magsasaka mula sa Negros at 50 mula sa Batangas na bumoto sa pamamagitan ng kanilang mga paa upang makita ng Malacanang na napapanahon na ang pagpapatupad ng CARPER.

Binasbasan din ni ARsobispo Angel Lagdameo ng Jaro, Iloili ang mga magsasaka noong dumaan sa Bumangas, Iloilo. Nararapat umanong bigyang pansin ng pamahalaan ang repormang agraryo.

Nanawagan si Bishop Vicente Navarra ng Bacolod na huwag na sanang umatras si Pangulong Aquino at Kalihim de los Reyes sa pagpapatupad ng repormang agraryo.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>