|
||||||||
|
||
NANAWAGAN ang isang mambabatas sa Pamahalaang Aquino na isulong ang pakikipag-usap sa Tsina hinggil sa Scarborough Shoal o Huangyan Shoal upang matapos na ang isyu sa pamamagitan ng diplomasya at payapang pamamaraan.
Ayon kay Congressman Hermilando Mandanas ng Batangas, dapat madaliang matapos ang isyu sa payapang paraan at makaiwas sa anumang makasasamang aksyon na maaaring maging dahilan ng walang katuturang military confrontation.
Idinagdag pa ng mambabatas na ang "bilateral, equal, diplomatic at independent meeting" sa pagitan ng Pilipinas at Tsina ang magiging daan upang maibalik ang paggalang sa isa't isa, pagtitiwala at kapayapaan. Ito rin ang makakapawi ng anumang impression na ang Pilipinas ay isang proxy o extension na ibang bansa.
Kailangan ang mas katanggap-tanggap na paraan ng pagtugon sa sensitibong isyu na dapat kilalanin ng magkabilang panig sa isang "diplomatic and peaceful atmosphere," dagdag pa ni Ginoong Mandanas.
Ayon sa mambabatas, totoong lumalaki ang Tsina, lumalawak at unti-unting nagiging pinakamalakas na bansa sa susunod na dekada.
Napapaloob ang mensaheng ito sa House Resolution 2381 na kanyang ipinarating sa House of Representatives kamakailan.
Wala umanong dahilan para sa Aquino administration na ungkatin pa ang isyung ito sa Estados Unidos sa pananawagan nitong higit na palawakin ang impluwensya sa Asia sa pagbibigay o pagbibili ng mga kagamitang pangdigma sa Pilipinas.
Idinagdag ni Ginoong Mandanas na maihahalintulad ito sa pagpapa-anyaya sa Estados Unidos na gawin ang Pilipins bilang "front line of defense."
Pilipinas at Kalihim ng Paggawa ng America, lumagda sa kasunduan para sa mga manggagawang migrante
NAKASAMA si Philippine Ambassador Jose L. Cuisia, Jr. sa tatlong iba pang ambassadors na lumagda sa isang kasunduan sa Estados Unidos sa pamamagitan ni U. S. Secretary of Labor Hilda L. Solis sa Washington headquarters ng United States Department of Labor kamakalawa.
Layunin ng kasunduan na matiyak na ang mga migranteng manggagawa ay makabatid ng kanilang mga karapatan sa ligtas na pinaglilingkuran at makatatanggap na buong kabayaran ng sahod ayon sa mga batas ng America.
Sinabi ni Ambassador Cuisia na pabor sa mga Pilipino ang kasunduang ito sapagkat ayon sa census ng isinagawa ng America noong 2010, nadagdagan ang mga Pilipino ng may 44.5% mula sa 2,364,815 at naging 3,416,840. Kabilang sa tatlong sandigan ng foreign policy ng Pilipinas ang proteksyon at pagsusulong ng kabutihan at interes ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Sa ilalim ng kasunduan, ang regional enforcement agencies ng Occupational Safety and Health Administration at ang Wage Hour Division ang makikipagtulungan sa mga konsulado ng Pilipinas sa buong America. Ang mga konsulado at ang Labor Department ay makikipag-ugnayan sa mga manggagawa tungkol sa U. S. health, safety at wage laws.
Lumagda rin sa kasunduan ang mga Ambassador ng Honduras, Peru at Ecuador.
Delegasyon ng Pilipinas sa 50th International Eucharistic Congress, pinakamalaki
ANG delegasyong nagmula sa Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pinakamakaling grupo ng mga obispo sa idinaraos na 50th International Eucharistic Congress sa Dublin, Ireland.
Ito ang ibinalita ni Surigao Bishop Antonieto Cabajog sa CBCP Media Office kaninang madaling-araw.
Ang pagtitipong ito na nagaganap sa bawat ika-apat na taon sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Ang delegasyon ay pinamumunuan ni Arsobispo Jose S. Palma ng Cebu. Siya rin ang pangulo ng kapulungan ng mga obispo ng Pilipinas o CBCP. Kasama niya sina Manila Archbishop Luis Antonio Tagle, Nueva Segovia Archbishop Ernesto Salgado, Tabuk Bishop Prudencio Andaya, Legazpi Bishop Joel Baylon, Isabela Bishop Martin Jumoad, Puerto Princesa Bishop Pedro Arigo, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, San Jose de Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, Sorsogon Bishop Arturo Bastes, Bontoc-Lagawe Bishop Rodolfo Beltran, Malolos Bishop Jose Oliveros at Surigao Bishop Antonieto Cabajog.
Noong Lunes, nagsagawa ng Misa ang mga obispong Pilipino sa Blessed Sacrament Chapel sa Bachelors' Walk sa gitna ng Dublin. Dumalo ang mga Pilipino sa pamumuno ni Consul General Jay Quintana. Nakasama rin sa Misa ang ilang mga paring Pilipino na kasama sa delegasyon.
Nagsimula ang pagtitipon noong Linggo, ika-10 ng Hunyo at magtatapos sa Linggo, ika-17 ng Hunyo.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |