Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pangako ng "Mutual Prosperity" namamalagi sa pagitan ng Pilipinas at Tsina

(GMT+08:00) 2012-06-14 19:10:21       CRI

KAHIT pa mayroong mga 'di pagkakaunawaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa nagaganap sa South China Sea o West Philippine Sea, naniniwala si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na sandigan ng magandang relasyon ng dalawang bansa ang kasaysayan at kapaki-pakinabang na pagtutulungan.

Ito ang kanyang binigyang pansin sa kanyang talumpati kagabi sa pinag-isang pagdiriwang ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry sa ika-114 na Araw ng Kalayaan, ika-37 Anibersaryo ng Philippine-China Diplomatic Relations at ika-11 Filipino-Chinese Friendship Day sa Manila Hotel.

Ani Pangulong Aquino nakikita na ang bunga ng mga repormang ipinatutupad ng kanyang pamahalaan sa paglago ng gross domestic product ng may 6.4% sa unang tatlong buwan ng taong 2012. Idinagdag pa niyang kung walang anumang malaking sakunang magaganap, maaaring magpatuloy ang paglago sa nalalabing bahagi ng taon. Kita umano sa Philippine Stock Exchange Index na nakarating ng may 27 ulit sa 23 buwang panunungkulan ng kanyang administrasyon.

Umangat din umano ng may 20 puntos ang Pilipinas sa pinakahuling Global Enabling Trade Report ng World Economic Forum. Mula sa ika-92 noong 2010, nakarating na sa ika-72. Nakita rin umano ito ng Japan External Trade Organization na nagsabing ang Pilipinas ang pinakamagandang puntahan sa Asia/Oceania region sa larangan ng manufacturing at service.

Pinapurihan niya ang FFCCCII sa pagbibigay ng daan-daang silid-aralan sa pamahalaan, pag-aambag ng P 20 milyon bilang pangsuhay sa mga biktima ng mga nakalipas na bagyo. Nakita rin ang mahahalagang proyektong tulad ng Buy Filipino at maraming medical at dental missions. Nararapat lamang umanong ipagpatuloy ang pagtutulungan sapagkat mayroon pang nalalabing mga suliraning nararapat malutas.

Sa sigalot sa karagatan sa kanluran ng Pilipinas, sinabi ni Pangulong Aquino na ang Pilipinas at Tsina ay kumikilos upang malutas sa payapang paraan ang anumang hidwaan.

Nararapat lamang umanong ituloy ng magkabilang panig ang pagkilos upang mawala ang anumang tensyon.

Halos isang milyong Pilipino na ang dumalaw sa Tsina at higit sa 200,000 Tsino ang dumalaw sa Pilipinas noong 2011. May $ 12 bilyon ang halaga ng kalakal sa dalawang bansa ay mayroong P 20 bilyon ang foreign direct investments mula sa Tsina noong 2011.

Tatlong bilyong dolyar din ang ginugol ng mga Tsinoy sa mga kalakal sa Tsina. Nakatulong din umano ang mga Tsinoy sa pagpapalago ng kalakal at ekonomiya ng Tsina.

 

Mga palsipikadong gamut, talamak sa daigdig

LUBHANG mapanganib ang pagkalat ng mga palsipikadong gamot sa iba't ibang bahagi ng daigdig.

Ito ang nabunyag sa isang media briefing ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines sa mga kasapi ng Foreign Correspondents Association of the Philippines kaninang umaga.

Ayon kay Bb. Catherine Dauphin, isang opisyal ng World Health Organization, ang mga palsipikadong gamot ay walang tunay na etiketa kaya't 'di mababatid ng mga mamimili ang totoong pinagmulan nito. Hindi katulad ng mga substandard medicines na ang problema'y may kinalaman sa proseso ng kilalang manufacturer, ang mga counterfeit medicines ay gawa ng mga taong nais makalamang sa kapwa. Ang mga palsipikadong gamot ay naglalaman ng totoong sangkap at mga 'di totoong sangkap, walang bisa sa anumang karamdaman o 'di sapat na sangkap o sobrang aktibong sangkap o palsipikadong pakete.

Idinagdag pa niyang ang mga branded at generic products ay maaari ding palsipikahin. Lahat ng gamot, kabilang ang mga nagmula sa halamang-gamot at tradisyunal na gamot ay maaari ding palsipikahin ng mga iligal na nangangalakal nito.

Ipinaliwanag ni Bb. Dauphin na ang mga palsipikadong gamot ay maaaring ikamatay ng pasyente o maging dahilan upang hindi na gumaling pa ang may karamdaman. Maaari ding maging dahilan ito ng resistance ng mga sakit sa gamot at tiyak na makakabawas sa pagtitiwala ng taongbayan sa health regulators, services at mga manggagamot, narses at iba pang sangkot sa kalusugan.

Talamak umano ang counterfeiting sa mga pook na maluwag ang regulatory at enforcement systems. Halos 50% sa mga pagkakataong may palsipikadong gamot, ang mga ito'y nabibili sa internet na nagtatago ng tunay na kinaroroonan ng mga nagbibili ng mga palsipikadong gamot.

Sa panig ni Scott A. Davis, Senior Regional Director para sa Asia-Pacific sa Global Security ng Compliance Division ng Pfizer, kung mayroon mang bansang madaliang umaaksyon sa impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng mga gumagawa ng palsipikadong gamot, ang bansang Tsina ang kapuri-puri sapagkat dagliang kumikilos upang madakip, malitis at maparusahan ang mga sangkot sa illegal drug trade.

Ang criminalization ng pagpapalsipika ng gamot sa Tsina ay isang malaking hakbang upang maibsan ang mga gumagawa ng mga pekeng gamot, dagdag pa ni Ginoong Davis.

 

Pangalawang Pangulong Binay nanawagan sa Amerika: "Isaulo na ninyo ang mga batingaw ng Balangiga!"

NANAWAGANG MULI si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay sa Estados Unidos na isauli na ang mga batingaw na mula sa Balangiga, Silangang Samar.

Ayon kay Ginoong Binay, ang mga batingaw na ito'y ala-ala ng mga kalalakiha, kababaihan at mga kabataang nasawi para sa kalayalaan ng bansa. Napakahalaga nito sa mga Pilipino, dagdag pa ng pangalawang pangulo ng Pilipinas.

Ang pagbabalik ng mga batingaw ay isang pagpapakita ng kabutihang-loob na higit na magpapalakas ng matagal ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Estados Unidos, dagdag pa ni Ginoong Binay.

Magugunitang noong ikatlo ng Mayo, lumiham si Governor Matt Mead ng Wyoming kay Secretary of State Hillary Rodham Clinton at Defense Secretary Leon Panetta na kumukontra sa pagbabalik ng mga batingaw sa Pilipinas.

Hindi umano siya makapapayag na sirain ang kanilang war memorials na nagpaparangal sa mga kawal nilang nasawi, dagdag ni Gobernador Mead.

Sinabi ni Ginoong Binay na nararapat lamang kilalanin din ng Amerika na ang mga batingaw na ito'y sumasagisag sa mga walang kamuwang-muwang na sibilyan na ipinapatay ni General Jacob H. Smith.

Noong 1901, nag-utos si General Smith na patayin ang lahat ng hihigit sa sampung taong gulang at gawin ang Samar na isang ilang matapos mapatay ng mga mandirigmang Pilipino ang 48 sa mga tauhan ni General Smith at pagkakasugat ng may 22 iba pang Amerikano.

Ginawang tropeo ng mga Amerikano ang mga batingaw ng Balangiga sa kainitan ng Philippine – American War.

Nagsimula ang panawagan ng mga Pilipino noon pa mang 1957 na ibalik ang mga batingaw sa pamamagitan ng alagad ng Kasaysayang si Fr. Horacio dela Costa na humiling sa 13th Air Force sa San Francisco, California na isauli na ang mga ito.

Pormal na ipinarating ng pamahalaang Pilipino ang kahilingan sa Estados Unidos noong 1989. Dalawa sa tatlong batingaw ang nasa F. E. Warren Air Force Base sa Wyoming samantalang ang ikatlong batingaw ay nasa 2nd Infantry Division Museum sa Camp Red Cloud, Uijeongbu, South Korea.

 

Population control, hadlang sa kapayapaan

IPINALIWANAG ni Mohagher Iqbal ng Moro Islamic Liberation Front peace panel na ang population control measure tulad ng kontrobersyal na Reproductive Health Bill ay magiging hadlang sa kapayapaan.

Sa kanyang pagsasalita sa stakeholders' forum kaninang umaga, sinabi ni Ginoong Iqbal na kung susundin ng pamahalaan ang kanilang proseso ay magkakaroon ng problema sapagkat hindi naniniwala ang MILF sa pilosopiya ng birth control.

Marami umanong paraan ng pagpapalakad ng populasyon subalit ang ito'y nararapat na katanggap-tanggap sa itinuturo ng Islam.

Hindi umano tutugma sa kanila ang polisiya ng pamahalaan sapagkat mayroon silang sariling paraan na pagtugon sa populasyong lumalaki.

Wala umanong kinalaman ang pagtitimpi o control at naniniwala silang ipinagkaloob ng Diyos ang sapat na likas na yaman para sa lahat na siyang magiging kadluan ng buhay kaya't hindi sila naniniwala sa birth control.

 

Kapistahan ni San Antonio De Padua, ipinagdiwang sa International Eucharistic Congress

IPINAGDIWANG ng mga delegado sa ika-50 International Eucharistic Congress ang kapistahan ni San Antonio de Padua sa pamamagitan ng magandang panalangin.

Ayon kay Surigao Bishop Antonieto Cabajog, nagsimula ang mga workshop sa ganap na ikasampu ng umaga. Magagaling ang resource persons na inanyayahang mangasiwa sa mga talakayan. Ganap na alas dos ng hapon, sinimulan ang katesismo para sa madla. Ginanap ito sa Royal Dublin Society main stadium.

Isang bulwagan ang ginawang perpetual adoration chapel na pinaroroonan ng mga delegado mula sa kabataan hanggang sa matatanda. Maraming mga taimtim na nagdarasal sa bulwagang ito, dagdag pa ni Bishop Cabajog.

Isang Misa ang inihandog sa mga pari at isang prusisyon ang isinagawa sa piling daraanan. Nagkaroon din ng pagbabasbas sa mga may karamdaman.

Patuloy umanong lumalaki ang bilang ng mga delegado sa mga idinaraos na workshops at nahigitan na ang bilang ng mga dumalo sa nakalipas na Eucharistic Congress sa Quebec, Canada.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>