Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Jordanian newsman, dalawang Pilipino, nawawala sa Jolo

(GMT+08:00) 2012-06-15 19:58:57       CRI

PINAGHAHANAP ng pulisya ang isang Jordanian national at dalawang Pilipinong freelancer na nawawala mula pa noong Martes, ika-12 ng Hunyo sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Philippine National Police spokesman Sr. Supt. Generoso Cerbo, ang mga nawawala ay isang nagngangalang Baker Abdullah Atyani na nagmula sa Al-Arabiya Network. Kasama niya ang dalawang Pilipinong kinilala sa mga pangalang Rolando Letrero at Ramelito Vela, pawang free-lance journalists na kinuha ni Atyani upang makasama sa gagawing mga panayam sa Sulu.

Idinagdag pa ni Sr. Supt. Cerbo na dumating sina Atyani at mga kasama sa Jolo noong Lunes at pansamantalang nanirahan sa Sulu State College Hostel. Umalis sila sa hostel noong Martes upang makatagpo ang kanilang nakatakdang makapanayam subalit hanggang sa mga oras na ito'y hindi pa sila nakakabalik sa Jolo.

Ang Crisis Management Committee sa ilalim ni Gobernador Sakur Tan ay nagsimula nang kumilos. Ang mga tauhan ng pulisya at Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay bahagi rin ng komite.

Na sa lalawigan ng Sulu ang mga sinasabing armadong kabilang sa Abu Sayyaf na natanyag sa kanilang mga pagdukot ng mga Pilipino at mga banyaga. Ipinatutubos ng grupo ang kanilang mga nabibiktima.

May koneksyon umano ang Abu Sayyaf sa Jemaah Islamiyah, grupo ng mga terorista sa timog silangang Asia.

 

Pulong sa pagitan ng Pilipinas at Myanmar, natapos na

NAGWAKAS na ang ikalawang Joint Commission on Bilateral Cooperation sa pag-itan ng Pilipinas at Myanmar.

Ang pagpupulong ay isang malawakang ministerial level political mechanism para sa dalawang bansa upang pag-usapan ang mahahalagang isyu.

Nagkasundo nina Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario at Myanmar Foreign Minister U Wunna Maung Lwin na magtutulungan sa larangan ng politika, kalakal at investments, edukasyon, karapatang pangtao, pagsasaka at paggugubat, turismo, kultural at impormasyon kasama na ang law enforcement at iba pang mga paksa.

Sa larangan ng politika, handa ang dalawang itayo ang Philippine-Myanmar Friendship Association upang magkaroon ng mga regular na pagdalaw ng mga delegasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

 

Panalangin para sa kapayapaan, sinimulan na

GANAP na ika-labingdalawa ng hatinggabi ng simulan ng mga taga-Arkediyosesis ng Lingayen-Dagupan (Pangasinan) ang apatnapung oras na panalangin bilang bahagi ng Solemnidad ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Asia lalo na at mayroong sigalot sa Scarborough Shoal o Huangyan Island.

Ayon kay Arsobispo Socrates B. Villegas, ang apatnapung-oras na panalangin ay sinimulan kanina sa Annunciation of the Lord Parish sa Bonuan Gueset, Dagupan City at magtatapos sa ganap na ika-apat ng hapon bukas.

Lumahok sa panalangin ang mga semininarista mula sa Mary Help of Christians College Seminary mula hatinggabi hanggang ika-pito ng umaga at mula ikapito ng gabi mamaya hanggang ika-pito ng umaga bukas, Nagmumula sa iba't ibang bahagi ng arkediyosesis ang mga lalahok sa walang-humpay na panalangin.

Nanawagan din ang Arsobispo ng Lingayen-Dagupan sa madla na taimtim na manalangin sapagkat ang daigdig na nananalangin ay isang daigdig na payapa.

 

Timog Silangang Mindanao, nilindol

NIYANIG ng lindol ang ilang bahagi ng Mindanao kaninang ika-siyam at labing-apat ng umaga.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, may 5.9 magnitude ang lindol at nagmula sa lalim na 64 na kilometro sa ilalim ng lupa. Tinataya ang pinaka-sentro ng lindol sa layong 145 kilometro sa timog-silangan ng Mati, Davao Oriental.

Naramdaman din ang lindol sa General Santos City na may lakas na Intensity 4, Intensity 3 sa mga Lungsod ng Davao at Digos Cities samantalang Intensity 2 naman sa Koronadal, South Cotabato.

Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, walang pinsalang inaasahang magmumula sa lindol at wala ring tsunami generation.

 

Pook para sa Pambansang Misa ng Pasasalamat, natukoy na

TULOY na ang National Thanksgiving Mass sa darating na ika-30 ng Nobyembre sa pagdiriwang ng canonization ni Beato Pedro Calungsod. Narating ang desisyon sa pagpupulong ng Executive Council kamakailan.

Sa rekomendasyon ng Venue Committee sa ilalim ni Fr. Raul Gallego at sinang-ayunan ni Archbishop Jose S. Palma, ang 27-ektaryang lupa sa South Road Properties o SRP sa Cebu City ang napili sa dalawa pang venues.

Nagmumula sa East Coast ang ari-arian na pinagbabalakang business at tourism hub ng lungsod. Nangako ang SM Prime Holdings na mayroong malaking proyekto sa lupaing katabi ng SRP na magsagawa ng paghahanda para sa Thanksgiving Mass.

Inaasahang aabot sa kalahating milyon katao ang dadalo sa Misa. Tiniyak ang solemnidad ng pagdiriwang, magandang paglalagyan ng altar, seguridad at walang abala sa trapiko sa pook.

Idinetalye ni Marissa Fernan ng SM Prime Holdings sa pagpupulong ang detalyadong working plan ng SM Prime Holdings upang ihanda ang pook na kinabibilangan ng pagpapatag ng lupain, pagsasaayos ng mga lansangan at pagtatayo ng mga poste ng kuryente.

Kabilang sa isasaayos ang altar, ang tatayuan ng mga koro at ang paglalagyan ng mumunting mga kapilya para sa mga hostiya matapos ang Misa.

Si Beato Pedro Calungsod ay nakasama ni Fr. Diego Luis de Sanvitores sa Marianas at naging martir para sa pananampalataya noong ikalawa ng Abril, 1672.

Sumailalim na sa beatification si Pedro Calungsod sa pamamagitan ni Beato Juan Paolo Segundo noong Marso 5, 2000 sa St. Peter's Square bilang bahagi ng Great Jubilee Year 2000. Anim na iba pa ang makakasama ni Beato Pedro Calungsod sa seremonyas sa ika-21 ng Oktubre sa Vatican City.

Tatlong mga working committees ang itinayo upang mangasiwa sa pagdiriwang. Ang mga ito ay ang Cebu, ang National at Rome Committees.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>