|
||||||||
|
||
NILIWANAG ng Malacanang na tuloy pa rin ang "No ransom policy" kasunod ng balitang mga kasapi ng Abu Sayyaf Group ang humiling ng P 50 milyong ransom upang palayain ang Jordanian journalist na nabalitang nawawala mula pa noong nakalipas na Martes, ika-12 ng Hunyo sa Sulu.
Ayon sa tagapagsalita ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na si Kalihim Edwin Lacierda, patuloy na ipinatutupad ang no ransom policy subalit bukas pa rin ang linya ng komunikasyon sa pagitan ni Sulu Governor Sakur Tan at ng Abu Sayyaf Group.
Sa isang regular press briefing kanina, sinabi ni Ginoong Lacierda na nabalita ng Malacanang ang nangyari kay Baker Abdulla Atyani, isang Jordanian national at kawani ng Al-Arabiya TV at dalawang Pilipinong cameramen na sina Rolando Letrero at Ramelito Vela na hindi na nakabalik sa Sulu State College Hostel sa Jolo.
Ayon kay Ginoong Lacierda, binuo na ni Sulu Governor Tan and isang crisis committee sa Sulu. Kumpirmado ng pamahalaan na ang mamamahayag ay nasa kamay ng mga Abu Sayyaf at kusa siyang nagtungo sa kuta ng mga Abu Sayyaf upang makapanayam ang mga ito.
Kumpirmado rin na sa ibang pagkakataon ay nakapanayam na rin niya ang pinuno ng Abu Sayyaf.
Sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government, binabantayan ng pamahalaan ang mga nagaganap sa Sulu at inaalam kung mayroon nang progreso upang mapalaya ang Jordanian national at kanyang crew.
Nasa kagubatang bahagi umano ng Patikul si Atyani at mga kasama upang hindi makita ng mga kawal at pulis, dagdag pa ni Ginoong Lacierda.
Dumating sina Atyani sa Jolo noong ika-11 ng Hunyo at nanirahan sa Sulu State College Hostel. Kinabukasan ng umaga, sinundo sila ng isang multi-cab ganap na ika-lima ng umaga upang dalhin sa Bud Datu sa Patikul. Hindi na sila nakabalik sa kanilang tinitirhan sa Jolo, dagdag pa ng pulisya.
PILIPINAS, MAGANDA ANG HINAHARAP SA IKALAWANG BAHAGI NG TAONG 2012
MAKAAASA ang mga mamamayang Pilipino na mas maganda ang nalalabing bahagi ng taon kung ekonomiya ang pag-uusapan. Sa isang press briefing, sinabi ng First Metro Investment Corporation, ang investing arm ng Metrobank Group, na positibo ang kanilang pananaw sa mga nagaganap sa bansa at umaasa silang makatatanggap ang bansa ng upgrade bago matapos ang 2012. Mula sa naunang pagtaya na mula 5 hanggang 6% GDP growth, inaasahang lalakas ito ay magmumula sa 6 hanggang 7% sa pagbubuhos ng pamahalaan ng salapi nito na sasabayan naman ng mas malakas na paggasta ng mga mamamayan.
Ayon kay Roberto Juanchito Dispo, pangulo ng First Metro Investment Corporation, ang GDP growth ang ikalawa sa pinakamataas sa Asia sa unang tatlong buwan ng taong 2012 at ang nalalabing bahagi ng taon ay kakikitaan ng mas matibay na pag-unlad sa paggastos sa infrastructure, patuloy na paggastos ng mga mamamayan, malakas na Business Process Outsourcing sector, pagbawi ng export market, mas mababang presyo ng petrolyo at umuunlad na turismo kasabay ng malakas na financial market.
Mas mababa umano ang inflation kaysa unang pagtaya na mula 3.5 hanggang 3.7% at luluwag sa 3.2% hanggang 3.4% dahilan sa pagbaba ng presyo ng petrolyoa na mas mababa sa $ 100 sa bawat bariles mula sa $ 123 sa bawat bariles. Ang ani ng palay ay higit na magiging maganda sa nalalabing bahagi ng taon, dagdag pa ni Ginoong Dispo.
Tataas pa ang remittances ng mga manggagawang Pilipino ng mula 5 hanggang 7% kahit6 pa nagkaroon ng pagbaba noong nakalipas na taon.
Sa pagbawi ng ekonomiya ng America at magandang demand mula sa Silangang Asia, ang exports ay magkakaroon ng 1 hanggang 4% paglago kahit pa may pagbagal noong ikalawang tatlong buwan ng 2012.
MGA MANGGAGAWANG NAIS MANGIBANG-BANSA, BINALAANG HUWAG MATUTUNGO SA SYRIA
HUWAG na muna ninyong ituloy ang inyong balak na magtungo sa Syria upang maghanapbuhay. Umiwas kayo sa mga recruiter na nagsasabing maganda ang trabahong naghihintay sa inyo sa Syria. Ito ang mensahe ni Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay sa mga nagbabalak magtrabaho sa Syria na ngayo'y mayroong mahigpit na pagbabawal.
Ayon kay Ginang Baldoz, walang pinoprosesong dokumento ang Philippine Overseas Employment Authority. Ayon sa Labor Attache ng Pilipinas sa Damascus, lubhang mapanganib at magulo sa Syria sapagkat nasa ilalim pa rin ito ng Crisis Alert Level 4 na idineklara ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas noong nakalipas na Disyembre.
Ipinaliwanag ni Ginang Baldoz na sa ilalim ng alert level na ito, tuloy ang mandatory repatriation para sa mga Pilipinong nasa Syria. Napauwi na ng Pilipinas ay may 1,531 manggagawa mula sa Syria mula ng sumiklab ang krisis doon. Mayroong 1,375 pang mga OFW ang pinoproseso upang makauwi ng kaagad. May higit pa sa isang libong manggagawa ang kailangang maiuwi ng Maynila.
Halos pitong libong manggagawang Pilipino ang nasa Syria. Ikinalungot ng labor attaché na mayroong tinatayang 100 mga bagong OFW na biktima ng illegal recruitment ang dumating sa Syria bawat buwan.
MAY 6,000 MGA NAMUMULOT NG BASURA, MAKIKINABANG MULA SA PALATUNTUNAN NG JAPAN
AABOT sa may 6,000 mga namumulot ng basura sa ilang pook ng Pilipinas ang inaasahang makikinabang sa $ 3 milyon grant mula sa Japan Social Development Fund para sa isang proyektong magpapaunlad ng kanilang kita at kabuhayan.
Sa pamamagitan ng World Bank, ang JSDF ay sumusuporta sa mga palatuntunang magpapaunlad at makababawas ng kahirapan sa mga umuunlad na bansa.
Ang proyektong pinamagatang Social Inclusion and Alternative Livelihoods for Informal Waste Sector, isasagawa ito ng Solid Waste Management Association of the Philippines na binubo ng mga nasa local government units, national government agencies at academe.
Ang palatuntunan ay tutulong sa mga informal garbage workers at mga mamimili ng basura sa limang lungsod at bayan na nagsasaayos ng kanilang solid waste management systems.
CEBU, PAGDARAUSAN NG 51ST INTERNATIONAL EUCHARISTIC CONGRESS SA 2016
SA magandang Lungsod ng Cebu idaraos ang ika-51 International Eucharistic Congress sa taong 2016. Ito ang naging desisyon ni Pope Benedict XVI sa pagtatapos ng 50th International Eucharistic Congress na nagwakas kahapon sa Lungsod ng Dublin sa Ireland.
Ayon kay Surigao Bishop Antonieto Cabajog, ikinatuwa ng mga Pilipinong kalahok ang balita sa Misa sa pagtatapos ng patitipon na ginaganap sa bawat ika-apat na taon.
Halos napuno ang stadium na may kapasidad na 80,000 katao sa pagwawakas ng kongreso kahapon ng hapon. Ang mga pilgrim na nagmula sa buong daigdig at lahat ng parokya sa Ireland ang nagtungo sa Croke Park.
Idinagdag ni Bishop Cabajog na hindi totoo ang balitang nabawasan ng malaki ang mga mananampalataya sa Ireland dahilan sa ilang mga kontrobersyang kinasangkutan ng mga alagad ng simbahan.
Naiba umano ang pananaw ng mga mamamahayag matapos ang isang linggong pagtitipon sa Dublin. Naging positibo ang mga balita mula sa mga resource person at mga lumahok.
Samantala, binanggit ni Archbishop Diarmund Martin ng Dublin na kanyang binabati ang mga taga-Cebu City sa Pilipinas kasabay ng panalangin na ang ika-51 International Eucharistic Congress ay magdudulot ng biyaya sa lungsod, sa arkediosesis at sa bansa tulad ng biyayang natamo ng Dublin at ng Ireland.
Nagpasalamat si Archbishop Martin sa lahat ng tumulong upang maging tagumpay ang pagtitipon sa Dublin. Ipinanalangin din niya ang ligtas na paglalakbay ng mga lumahok pauwi sa kani-kanilang bansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |