|
||||||||
|
||
HINDI nagkaroon ng anumang sagupaan sa pagitan ng mga kawal ng pamahalaan at mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front mula noong unang araw ng Enero ng taong ito.
Ito ang masayang ibinalita ni Atty. Marvic Leonen, chairman ng Government of the Philippines peace panel at nagpapatuloy ang tigil-putukan. Idinagdag pa niya na nananatiling tapat ang pamahalaan sa pagpapahalaga sa peace process na nakikita sa patuloy na pagbaba ng bilang ng mga sagupaan sa dating magugulong pook sa Mindanao.
Ayon kay Ginoong Leonen, ang pagganda ng situwasyon ay dahilan sa koordinasyon ng mga tauhan ng Joint Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities ng pamahalaan at ng MILF.
May mga kasama rin sa komite na kinatawan ng iba't ibang grupong walang pinapanigan sa pamahalaan at MILF. Itinatag ito noong 2003, ang komite ang magbabantay ng pagpapatupad ng kasunduan sa tigil-putukan at lulutas sa mga reklamo sa mga paglabag sa alituntunin ng ceasefire upang huwag nang lumago pa ang kaguluhan.
Nagkaroon ng 14 na sagupaan noong 2010 samantalang nagkaroon ng walo noong 2011. Matapos ang GPH-MILF incident sa Al-Barka, Basilan noong Oktubre ng 2011, wala nang anumang naiulat na kaguluhan.
Sinabi ni Atty. Leonen na ang mumunting putukan ay nagaganap sa pagitan ng magkakalabang pamilya.
Ayon sa 2012 Global Peace Index, ang Pilipinas ay kasama sa unang limang bansa na may kaunlaran sa kapayapaan. Kasama ng Pilipinas ang Sri Lanka, Zimbabwe, Bhutan at Guyana.
IKAAPAT NA ANIBERSARYO NG PAGLUBOG NG M/V PRINCESS OF THE STARS, GUGUNITAIN BUKAS
PAMUMUNUAN ng Public Attorney's Office ang paggunita sa paglubog ng barkong Princess of the Stars bukas sa pamamagitan ng Misa sa pamamagitan ni Fr. Robert P. Reyes para sa mga yumao at mga kamag-anak ng mga biktima.
Ayon kay Chief Public Attorney Perside V. Rueda-Acostam ito ang ika-apat na anibersaryo ng paglubog ng barkong ikinasawi ng may 850 katao sa karagatan sa may Sibuyan Island sa San Fernando, Romblon.
Babasbasan din ang mga labi ng mga biktima na nakuha sa lumubog na barko. Isang pagpupulong at case conference kasama ang mga kamag-anak ng mga biktima sa kalagayan ng mga usaping nasa mga hukuman ng Cebu at Maynila ang idaraos. Magkakaroon din ng mga update sa ginagawang retrieval operations sa pamamagitan ng Philippine Coast Guard.
KAILANGANG IPATUPAD ANG RESPONSABLENG MINING PRACTICES
NANAWAGAN si Senador Edgardo J. Angara sa state universities and colleges na isulong ang responsible mining practices sa pamamagitan ng masigabong information program samantalang inihahanda ng Malacanang ang isang executive order na nagpapaliwanag ng polisiya sa pagmimina.
Ayon sa mambabatas, ang Mindanao ay kilalang mayroong napakaraming likas na kayamanan subalit may mga minahang gumagamit ng sinaunang practices na makakasama sa kalikasan.
Ipinaliwanag ni Ginoong Angara na kailangang makagawa ng mga guideline ang mga pamantasan at dalubhasaan upang magkaroon ng kapaki-pakinabang na pamamalakad.
BISHOP MERCADO, ITINANGGI ANG MGA AKUSASYON
NILIWANAG ni Paranaque Bishop Jesse Mercado na ang lahat ng mga donasyon ay may kaukulang resibo at naipapadala sa mga dapat makinabang. Sa pamamagitan ng isang apat na pahinang nilagdaang pahayag, sinabi ni Bishop Mercado na may mga pagkakataong inabonohan na muna ng kanyang tanggapan ang requirements ng mga nasalanta.
Ipinaliwanag din niyang ang mga personal na suliranin ng mga pari ay pinag-aaralan at tinatrato na maayos. Ang mga pari na nangangailangan ng tulong ay tinutulungan at ipinagsasanggalang ang kanilang mga reputasyon. Mayroong on-going formation seminar para sa kaparian ng Paranaque.
Tahasan niyang itinanggi ang mga akusasyong lumabas sa isang on-line media outlet na nagsasabing may katiwaliang nagaganap sa pananalapi ng diyosesis.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |