Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Walang mga barko sa Huangyan Island

(GMT+08:00) 2012-06-25 18:43:17       CRI

WALANG barko ang Tsina at Pilipinas sa kontrobersyal na Huangyan Island o Bajo de Masinloc.

Ito ang nilalaman ng pahayag ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas na nakarating sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng tagapagsalita ng tanggapan na si Assistant Secretary Raul Hernandez.

Ayon sa koordinasyon ng dalawang bansa, sa nakalipas na dalawang araw o mula noong Sabado, nakatanggap ng balita ang Kagawaran na ang lahat ng mga barko at bangka sa look ng Huangyan Island o Bajo de Masinloc ay nakaalis na.

Sa panig ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sinabi naman ni Administrator Benito Ramos, hindi pa nila nababatid kung anong barko ang bumangga sa bangkang pangisda noong nakalipas na Miyerkoles.

Wala pa ring bagong impormasyong maipalabas ang Hukbong Dagat ng Pilipinas sa pamamagitan ni Lt. Col. Omar Tonsay ng Philippine Marines.

Sa balitang lumabas kahapon, apat sa walong mangingisda ang nailigtas noong nakalipas na Sabado sa karagatan sa pagitan ng Bolinao, Pangasinan at Vigan City, sa lalawigan ng Ilocos Sur.

Naisugod ang apat sa Sto. Domingo Hospital sa Ilocos Sur. Kinilala ang mga nailigtas sa mga pangalang Christopher Carbonel, 32 taong gulang na taga-Bolinao, Pangasinan, Edimio S. Balmores, 40 taong gulang, Herman C. Balmores, 51 taong gulang at isang Celino V. Damian, 32 taong gulang. Nakauwi na ang magkamag-anak na Balmores sa kanilang mga tahanan. Nasawi si Carbonel sa pagamutan kahapon. Tanging si Damian na lamang ang nananatili sa pagamutan.

Nawawala pa sina Fred Celino, Arnold Garcia, Domy de los Santos at Amante Resonable hanggang sa mga oras na ito. Tuloy pa rin ang ginagawang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard sa nawawalang mga mangingisda.

Umalis ang mga mangingisda sa Bolinao, Pangasinan noong nakalipas na Lunes, ika-18 ng Hunyo at nangisda sa kanlurang bahagi ng Luzon. Lumubog ang kanilang sasakyan matapos banggain umano ng isang barkong pinaniniwalaang pag-aari ng Tsina.

Sinabi naman ni Zhang Hua, Political Officer at tagapagsalita ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas na inalam nila kaagad ang detalyes ng sinasabing sakuna sa karagatan sa kanilang mga autoridad sa Beijing, Tsina. Sinabihan sila ng mga autoridad na wala umanong ulat tungkol sa banggaan ng mga sasakyang dagat at wala ring natanggap na SOS o distress signal noong Miyerkoles.

Nagulat umano sila sa balitang lumabas na barkong Tsino ang may kagagawan ng sakuna. Nanawagan din siya sa lahat na alamin muna ang detalye ng istorya bago maglabas ng anumang balita.

 

Pangalawang Pangulong Jejomar Binay, minamadalai ang pag-proseso ng mga manggagawa sa halfway homes

INUTUSAN na ni Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay ang mga embahada ng Pilipinas sa Kaharian ng Saudi Arabia at United Arab Emirates na madaliin na ang pagpoproseso ng mga dokumento ng mga manggagawang naninirahan sa halfway homes na saklaw ng pamahalaan upang makabalik na kaagad sa Pilipinas. Kasabay sa inutusan ni Ginoong Binay ang Overseas Workers Welfare Administration.

Nakausap ni Ginoong Binay ang mga OFW na nasa shelters ng OWWA sa Jeddah at Dubai sa kanyang pagdalaw noong nakalipas na linggo. Labing-apat na manggagawa sa Jeddah at 69 na Dubai ang humiling sa kanyang tulungan silang makabalik kaagad sa Pilipinas.

Umaasa naman si Ginoong Binay na kikilos kaagad ang OWWA at mga embahada upang madali ang pagbabalik-aral at pagproseso ng kanilang mga usapin upang makakuha ng kanilang mga exit visa.

Dumalaw si Ginoong Binay sa Jeddah upang iparating ang pakikiramay ng Pilipinas kay Haring Abdullah sa pagpanaw ni Crown Prince Nayef. Nakadaupang palad rin niya si Crown Prince Salman na siyang Defense Minister ng Saudi Arabia.

 

Kalihim De Rosario, may working visit sa Japan

MAGSISIMULA sa darating na Miyerkoles ang tatlong araw na working visit ni Kalihim Albert F. Del Rosario sa Japan sa paanyaya ni Foreign Minister Koichiro Gemba.

Ito ang follow-up sa pagdalaw ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Japan noong nakalipas na Setyembre, 2011 na kinatampukan ng paglagda sa bilateral strategic partnership ng magkabilang panig.

Pag-uusapan nila ang mahahalagang isyu tulad ng pagtutulungan sa larangan ng maritime security, Mindanao Peace Process at ang regional issues tulad ng regional security at cooperation.

Dadalaw din si Ginoong del Rosario kay Deputy Prime Minister Katsuya Okada at makakausap ang mga pinuno ng Japan International Cooperation Agency o JICA sa pamumuno ni Akihiko Tanaka at mga opisyal ng Japan Philippine Parliamentarian Friendship League.

 

One hundred days counterdown sa Canonization ni Pedro Calungsod, sisimulan na

ISANG malaking okasyon ang nakatakdang gawin sa makasaysayang Basilica del Sto. Nino sa Cebu City sa darating na Sabado, ika-14 ng Hulyo. Sisimulan ang countdown para sa pagdedeklara kay Beato Pedro Calungsod bilang isang santo sa darating na ika-21 ng Oktubre sa Lungsod ng Vatican.

Sisimulan ang misa sa ganap na ikalawa't kalahati ng hapon at susundan ng motorcade patungo sa Fuente Osmena. Kalahok sa motorcade ang mga kinatawan mula sa 137 parokya.

Isang palatuntunan din ang isasagawa sa Fuente Osmena. Sa ganap na ika-lima ng hapon, pasisinayaan ang Electronic Clock na nagbabadya ng official countdown. Babasbasan din ni Arsobispo Jose S. Palma ang Calungsod Kiosk sa gitna ng lungsod.

Pinaghahandaan na sa iba't ibang bahagi ng bansa ang pagpaparangal sa kabayanihan ni Beato Pedro Calungsod na isang misyonerong nasawi sa South Pacific kasama ng mga paring nangangaral sa mga Chamorro noong 1672.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>