|
||||||||
|
||
WALANG naganap na pagbangga ng barko sa bangkang pangisda ng mga taga-Bolinao, Pangasinan 'di tulad ng unang ibinalita.
Sa isang press conference, sinabi ni Kalihim Voltaire Gazmin ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa na sinabi ng kapitan ng bangkang pangisda na isang Ginoong Balmores, na hindi nakatali ang kanilang bangkang pangisda sa payaw. Dahilan umano sa masamang panahon at malalakas na alon, napuno ng tubig ang kanilang Bangka.
Dumaan ang malaking barko subalit hindi naman sila tinulungan at iniligtas. Isinama sa press briefing ni Kalihim Gazmin si Philippine Navy Flag-Officer-In-Command Vice Admiral Alexander Pama upang ipaliwanag na may posibilidad na ang M/V Peach Mountain ang dumaan sa kinalalagyan ng bangkang pangisda ng mga Pilipino.
Ipinaliwanag ni Vice Admiral Pama na noong Miyerkoles, ika-siyam ng umaga, kabilang sa mga barkong kanilang nakita sa pamamagitan ng Coast Watch Station sa Zambales ang M/V Peach Mountain sa may San narciso noong mga 8:45 A.M. sa direksyon ng 353 degrees na halos patungong hilaga sa bilis na 10.1 knots per hour. Naganap ang sakuna sa pook na may 78 nautical miles sa hilagang kanluran ng Bolinao, Pangasinan.
Sa ganitong pagkakataon, ipinaliwanag ni Admiral Pama na hindi conclusive ang kanilang impormasyon sapagkat marami pang dapat alamin tulad ng lakas ng hangin at laki ng alon na maaaring magpabilis o magpabagal sa paglalayag ng barko.
May posibilidad ring ibang barko ang dumaan sa tabi ng bangkang pangisda na hindi na-monitor ng kanilang Coast Watch Station, dagdag pa ni Admiral Pama.
Mga 90 barkong may iba't ibang rehistro ang dumaan sa karagatan sa kanlurang bahagi ng Luzon noong nakalipas na Miyerkoles.
Mga bangkang pangisda ng Tsina, bumalik na sa Huangyan Island
SA likod ng mga balitang wala nang anumang mga sasakyang dagat ang Pilipinas at Tsina sa Huangyan Island o Bajo de Masinloc, ibinalita ng Hukbong Dagat ng Pilipinas na mayroong 28 Tsinong bangkang pangisda at sasakyang dagat ng pamahalaan ng Tsina sa pook.
Ayon kay Vice Admiral Alexander Pama ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, nakita ang mga sasakyang-dagat na ito ng isang eroplanong "Islander" kahapon.
Isang press conference ang ipinatawag kanina ni Admiral Pama at Kalihim Voltaire Gazmin sa Kampo Emilio Aguinaldo sa Lungsod ng Quezon.
Mayroon umanong limang sasakyang dagat ang Tsina, tatlong Chinese Maritime Surveillance vessels at dalawang Fisheries and Law Enforcement Command sa labas ng look ng Huangyan Island o Bajo de Masinloc.
Mayroon ding 23 bangkang pangisda, 17 mga baroto at anim na bangkang pangisda ng Tsina sa loob ng look.
Sinabi ni Kalihim Gazmin, kahit na umalis ang mga sasakyang-dagat ng Pilipinas ay tuloy pa rin ang kanilang pagbabantay sa pook.
Sa oras umanong gumanda ang panahon at magkakaroon ng clearance mula sa Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon, ay magpapadala silang muli ng mga sasakyang dagat sa Huangyan Island o Bajo de Masinloc.
Pinagbabawalan ang pangingisda sa pook dahilan sa sama ng panahon, dagdag pa ni Kalihim Gazmin.
Sa panig ni Kalihim Albert F. Del Rosario ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabas, kumpirmado ng Hukbong Dagat ng Pilipinas na mga dalawang araw na ang nakalilipas ay walang anumang sasakyang dagat sa look ng Huangyan Island o Bajo de Masinloc.
Idinagdag niyang bumalik na ang mga bangkang pangisda ng Tsina sa look.
Manggagawang kabataan, nadaragdagan
NAKABABAHALA ang datos na lumabas sa pagsusuri ng National Statistics Office tungkol sa mga kabataang nasa iba't ibang hanapbuhay sa halip na nasa paaralan noong 2011.
Sa preliminary data na nabatid sa survey na ipinaliwanag ni National Statistics Office Administrator Carmelita N. Ericta, mula sa 29 na milyong kabataang ang edad ay mula lima hanggang 17 taong gulang, mayroong 5.5 milyon ang naghahanapbuhay. May tatlong milyong kabataan ang nasa mapanganib na uri ng hanapbuhay.
Ayon sa International Labor Organization sa Pilipinas, ang mapanganib ng hanapbuhay ay nangangahulugan ng trabahong makasisira sa kalusugan ng mga bata, maglalagay sa kanila sa panganib. Kabilang dito ang exposure sa nakasasamang mga kemikal at matatalim na mga kagamitan. Maaari din silang maabuso sa tagal ng kanilang hanapbuhay.
Mas maraming mga kabataang lalaki ang nasa mapanganib na hanapbuhay sa datos na dalawang batang lalaki sa bawat isang batang babae ang nasa mapanganib na hanapbuhay.
Nangunguna ang Gitnang Luzon sa bilang ng mga kabataang nasa mapanganib na uri ng hanapbuhay sa pagkakaroon ng 10.6%. Pangalawa ang Bicol Region sa 10.2%, Kanluwang Kabisayaan na mayroong 8.5%, Northern Mindanao na mayrong 8.2%, Gitnang Kabisayaan na mayroong 7.3%.
Sa idinaos na press conference, sinabi ni Director Lawrence Jeff Johnson na ang pagkakaroon ng mga manggagawang kabataan ay dahilan sa kahirapan at kakulangan ng maayos na hanapbuhay para sa kanilang mga magulang. Pinagtatangkaan ng pamahalaan at ILO na mapanatili ang mga kabataan sa mga paaralan at mailayo sa mga hanapbuhay kaya't kailangang magkaroon ng hanapbuhay ang mga magulang. Kailangan din umanong magkaroon ng social protection ang mga pamilya, dagdag pa ni Ginoong Johnson.
Ayon kay Kalihim Rosalinda Dimapilis-Baldoz ng Kagawaran ng Paggawa at Hanapbuhay, desidido ang pamahalaang matapos ang pinakamatinding uri ng child labor bago pa man sumapit ang taong 2016.
Mayroon umanong mga palatuntunan ang kanyang kagawaran upang tugunan ang mga hamong dala ng datos sa child labor.
Jordanian journalist, palipat-lipat ng kampo ng mga rebelde
HINDI bihag ng Abu Sayyaf si Baker Atyani ayon sa mga impormasyong nakarating kay Kalihim Voltaire Gazmin. Nakausap umano niya si Major General Noel Coballes ng Western Mindanao Command at nagbalitang mayroong mga sightings kay Atyani at mga kasama na palipat-lipat sa iba't ibang kampo ng mga Abu Sayyaf at mga MILF sa Sulu kaya masasabing hindi siya binihag.
Maliwanag ang intensyon ng Jordanian journalist, ayon kay Kalihim Gazmin, na mag-ulat tungkol sa release ng isang bihag ng mga Abu Sayyaf.
Wala umanong kahilingan ang pamahalaan ng Jordan na magsimula ng search and rescue operations para kay Atyani. Handa naman ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na maglunsad ng search and rescue operations kung ipag-uutos ng crisis management committee na nasa ilalim ng liderato ni Gobernador Sakur Tan. Batid umano ng militar kung saan naroon ang mamamahayag at dalawang Pilipinong kasama.
Mga chaplain ng mga Pilipino sa iba't ibang bansa, nagpupulong ngayon
MAGPUPULONG ang mga chaplain ng mga Pilipino sa labingtatlong bansa sa Asia, Australia, Europa at Gitnang Silangan sa ika-anim na International Consultation Meeting on the Filipino Ministry Worldwide sa San Lorenzo Ruiz Formation Center sa San Carlos Seminary sa Makati City.
Isang pagtatanghal ang gagawin ng isang sociologist na sangkot sa migration studies tungkol sa mga polisiya, unauthorized o irregular migration, at relasyon ng migration , gender, family relations at social change ang maririnig kay Dr. Marla Asis ng Scalabrini Migration Center.
Makikinig din ang mga chaplain sa mga opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration, Department of Foreign Affairs at Overseas Workers Welfare Administration tungkol sa kanilang mga palatuntunan para sa mga problemadong manggagawang Pilipino. Inanyayahan din ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang mga kinatawan ng Pag-IBIG Fund, PhilHealth at Social Security System para sa kanilang programa para sa mga OFW at kanilang mga pamilya.
Bukas magsisimula ang business meeting sa pamamagitan ni Bishop Precioso Cantillas, SDB, chairman ng Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People. Makakalahok din ang mga chaplain sa International Conference on Migration, Religious Experience and Mission with Migrants in Asia mula ika-29 hanggang ika-30 ng Hunyo sa Ateneo de Manila University.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |