Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Flood management strategy ng Tsina, epektibo

(GMT+08:00) 2012-06-28 20:37:57       CRI

MAAYOS at napakikinabangan ang flood management strategy ng Tsina sa pagkakaroon ng integrasyon mula sa pamahalaang pambansa hanggang sa local government units.

Ito ang pahayag ni Richard S. Bolt, Advisor sa Office of the Director General ng Southeast Asia Department ng Asian Development Bank sa idinaos na panel discussion tungkol sa Climate Change sa Asian Institute of Management kanina.

Epektibo ang palatuntunan, dagdag pa ni Ginoong Bolt sapagkat nabalanse nila ang non-structural at structural measures na kailangan ng bansa. Maayos na pinag-aralan ang mga potensyal ng Yellow at Yangtze rivers na nagmumula sa mga lalawigan. Ang mahalaga ay ang "central coordination" ng pagbabalak at pagpapatupad ng mga palatuntunang pangkaunlaran.

Dapat umanong gawin din ito ng ibang bansa. Mahalaga ang koordinasyon sa pagpaplano pa lamang lalo't may kinalaman sa konstruksyon sa pagitan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan, dagdag oa ni Ginoong Bolt.

Isang leksyon sa Thailand ay ang pagkakaroon ng 32 ahensyang sangkot sa flood management at isang malaking hamon kung paano magkakaroon ng koordinasyon ang mga tanggapang ito.

PAGBABAGO SA DINARAANAN NG BAGYO, NAPUPUNA

NAGKAKAROON na ng pagbabago sa dinaraanan ng bagyo sa Pilipinas. Ito ang isa sa mga napuna ng mga dalubhasa sa panahon sa isang panel discussion sa peligrong dulot ng pagbabago sa panahon.

Sinabi ni Dr. Rose Perez ng Manila Observatory na sa halip na dumaan sa Bicol Region ang mga bagyo ay karaniwan ng bumabagtas sa mga lalawigan sa Visayas at Mindanao island groups. Napuna rin nila sa kanilang mga pag-aaral na dumarating ang sobrang tagtuyot at sobrang pag-ulan.

Kung mga bagyo ang pag-uusapan, kahit pa mahihina ang hanging dala nito, mas maraming ulan ang ibinubuhos nito sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Madalas mabuo at dumaan ang bagyo sa mga pook na mas mainit ang tubig sa karagatan. Mas mainit umano ang tubig sa karagatan sa Kabisayaan kaya't doon mas madalas dumaan ang mga bagyo.

Sa panig ni Vinod Thomas, Director General ng Independent Evaluation ng Asian Development Bank, binigyang-diin ng ekonomista na ang pagbabago sa klima ay lumalabas na hadlang sa anumang kaunlarang magaganap sa alinmang lipunan. Mas madalas umano ang pagbaha at mga bagyo. Isang malaking peligro para sa Pilipinas ang mga pagbaha at bagyo.

Ibinahagi rin niya ang kanilang pag-aaral na nagpatunay na mas maraming mainit na araw kaysa sa malamig na raw sa paglipas ng taon. Nakita ang pagbabagong ito sa nakalipas na sampung taon. Hindi rin sapat na sabihing dala ng climate change ang mga bagyong Ondoy noong 2009 at Sendong noong 2011.

Ipinaliwanag ni Ginoong Thomas na ang pagkakaroon ng pagbabago sa klima ay makaaapekto sa anumang palatuntunang magbabawas sa kahirapan, lalo na sa kanayunan.

Inihalimbawa niya ang naganap sa Bangladesh noong 1970 na dinaanan ng malakas na bagyo na kumitil sa buhay ng libu-libong mamamayan. Noong 1997, isa na namang malakas na bagyo ang dumaan subalit ilang daan katao na lamang ang nasawi dahilan sa epektibong early warning system. Makabubuti umanong gamitin ang teknolohiya upang mas mabilis makarating ang babala sa mga mamamayan, dagdag pa ni Ginoong Thomas.

Hindi lamang umano mga pagbaha at pagbagyo ang nararapat paghandaan ng pamahalaan at mga mamamayan ng Pilipinas sapagkat isang malaking panganib pa rin ang idinudulot ng lindol. Ang lindol ay nagiging dahilan ng pagkasawi ng maraming mamamayan at pagkapinsala ng mga ari-arian.

Kung hindi magbabago ang klima, tiyak na lalayo ang isda sa Pilipinas, tulad ng nagaganap sa tuna na mas gustong manirahan sa malalamig na karagatan. Ito ang ipinaliwanag ni Dr. Perez. Kahit umano ang paboritong isda ng mga Pilipino, ang galunggong ay mawawala sa karagatan dahilan sa patuloy na pag-init ng temperatura.

Sa panig ni Dr. V. Bruce Tolentino, deputy director general ng Communications and Partnerships ng International Rice Research Institute, sa bawat pagtaas ng temperature ng isang degree, isang metriko toneladang palay ang nawawala sa bawat ektarya ng sakahan.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>