|
||||||||
|
||
Pilipinong Binihag sa Kenya, pinalaya na
TUMAWAG na si Philippine Ambassador to Kenya Domingo Lucenario, Jr. sa tanggapan ni Kalihim Albert F. del Rosario kaninang ala-una kwarenta ng hapon, oras sa Pilipinas at nagbalitang nag-ulat na ang Norwegian Refugee Council na pinalaya na ang apat na binihag na aid workers noong nakalipas na linggo.
Ayon sa balita ni Assistant Secretary Raul Hernandez, si Glenn Costes at tatlong mga kasama niya ang nabawi sa may hangganan ng Kenya at Somalia kaninang umaga.
Idinagdag ni Ambassador Lucenario na ligtas na ang mga binihag at nasa isang kampo ng militar sa Kenya. Ililipad sila patungong Nairobi ngayong araw na ito. Inaasahan din niyang makakausap si Glenn Costes sa oras na dumating sa Nairobi.
Isasailalim siya sa medical check-up at debriefing.
Sa aking panayam kay Ambassador Lucenario mula sa Nairobi, sinabi niya na ligtas na si Costes at nasa mabuting kalusugan.
IKA-18 CARAT EXERCISE SINIMULAN NGAYON
NAGSIMULA na kanina ang ika-18 taunang CARAT exercise sa pagitan ng Hukbong Dagat ng America at Hukbong Dagat ng Pilipinas sa pagdating ng US Navy Task Force sa General Santos City sa Mindanao.
Ang CARAT ay nangangahulugan ng Cooperaton Afloat Readiness And Training na naglalayong pahusayin ang maritime security skills at operational cohesiveness ng mga kalahok na bansa. Mayroon ding mga palaro at community relations sa pamamagitan ng community service.
Si Capt. Dave Welch ng Commander Destroyer Squadron 31 sa Pearl Harbor, Hawaii ang namumuno sa CARAT Task Group 73.1.
Nakaraan na ang pagtutulungan ng Pilipinas at America sa nakalipas na 60 taon, ani Capt. Welch. Ang pagsasanay ay bahagi ng bilateral military exercises ng America sa mga bansang Bangladesh, Brunei, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand at Pilipinas. Lumahok na rin ang Timor Leste sa kauna-unahang pagkakataon ngayong 2012.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |