Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Patuloy na pag-ulan, dahilan ng baha sa Metro Manila

(GMT+08:00) 2012-07-03 18:35:06       CRI
ANG halos wang humpay na pag-ulan ang nagpabaha sa mga lansangan ng Metro Manila kaya't nasuspinde ng mga klase sa iba't ibang paaralang pampubliko at pribado.

Kahit na ang mga tanggapan ng pamahalaan ay nagsuspinde ng pasok at nakansela naman ang ilang flights, naging dahilan ng matinding trapiko at sanhi na rin ng pagtaas ng tubig sa dalawang malalaking dam malapit sa Maynila.

Ito rin ang situasyon sa Timog at Gitnang Luzon. Nagsimula ang pag-ulan kagabing hatinggabi at nagpatuloy hanggang ngayong hapon.

Napuna rin ang patuloy na pagbuhos ng ulan sa mga bayan sa Lalawigan ng Rizal, Cavite City, Science Garden sa Lungsod Quezon at nagkaron ng manaka-nakang ulan sa Maynila. Magiging banayad hanggang sa matindi ang pagpatak ng ulan, ayon sa PAG-ASA, ang pambansang weather bureau.

Ang lahat ng ito'y dahilan sa isang low pressure area may 50 kilometro sa timog-kanluran ng Maynila kaning ika-walo ng umaga.

Pitong domestic flights mula Boracay ang nakansela. Mayroon ding ibang flights na kanselado.

MGA PUNONG-LUNGSOD AT BAYAN, DAPAT MAGDESISYON KAAGAD

TINAWAGAN ni Atty. Abigail Valte ang mga punong lungsod at punong bayan na magbalita tungkol sa suspension ng klase sa kanilang mga nasasakupan ng mas maaga. Inihalimbawa niya ang oras na ika-apat at kalahati ng umaga upang hindi na mabuyo pa ang mga elementary school pupils at high school students. Karaniwang tumatawag ang mga alkalde sa mga himpilan ng radyo't telebisyon.

Inilipat na ng Kagawaran ng Edukasyon ang poder sa mga local governent units na mag-anunsyo ng suspension ng klase mula ng taong ito.

Bahala na umano ang Department of Interior and Local Government na magsuri sa performance o kawalan ng performance ng mga punong lungsod at bayan, partikular sa kanilang pagsunod sa Executive Order NO. 66.

Nakapasok na sa kanilang mga paaralan ang mga kabataan ng mag-anunsyo ng suspension ng klase ang mga punong lungsod at bayan.

PILIPINAS AT EUROPEAN UNION, LUMAGDA SA KASUNDUAN TUNGKOL SA PUBLIC FINANCE

TINANGGAP ni Kalihim Albert F. Del Rosario ang tulong ng European Union na napapaloob sa isang financing agreementna magpapahusay sa public finance management sa paghahatid ng basic services sa mga lalawigan, lungsod at bayan.

Malaking tulong ang programang ito lalo pa't madarama ito sa mga pook tulad ng Mindanao.

Ang proyektong may pangalang "Support to Local Government Units for more effective and accountable Public Finance Management" ang magbibigay sa mga lalawigan, lungsod at bayan ng kakayahang makalikom ng buwis at maayos na magamit ang mga kinitang ito sa kanilang mga proyekto.

Nagkakahalaga ang proyekto ng 8 milyong Euros at ipatutupad ng Department of Budget and Management. Lumagda sa ngalan ng European Union si Ambassador Guy Ledoux sa simpleng seremonya sa Kagawaran ng Ugnayang Panglabas.

P 6 BILYON, INILAAN PARA SA MGA SAKAHAN UPANG MAKASABAY SA THAILAND AT VIETNAM

ANIM na bilyong piso ang inilaan ng Kagawaran ng Pagsasaka upang maitaas ang ani ng palay, mapalaki ang kita ng mga magsasaka at maparami ang mga traktora at iba pang makinarya sa mga sakahan tulad ng mga bansang Thailand at Vietnam.

Ayon kay Kalihim Proceso Alcala, layunin nila sa medium term na itaas ang farm mechanization mula sa 0.57 horsepower per hectare at makamit ang 0.8 horsepower bawat ektarya.

Ang programa ay ipatutupad ng Philippine Center for Postharvest Development Mechanization kasama ang DA national commodity programs tulad ng palay, mais, high value crops, livestock at fisheries. May inilaang P 3.6 bilyon para sa national rice program. Ipinanukala rin nila ang P 2.4 bilyon para sa susunod na taon.

Kung matatamo ang 0.8 horsepower per hectare, makakasabay na ng Pilipinas ang Vietnam at Thailand.

TULUNGAN ANG MGA KABATAAN; HUWAG NANG BUMILI NG CONDOM

MAS mabuting gastusin ang salapi upang tugunan ang suliranin ng child labor sa Pilipinas sa halip na gumastos sa contraceptives. Ito ang panawagan ni Cebu Arsobispo Jose S. Palma na pangulo rin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.

Ito ang kanyang pahayag sa balitang inilabas ng Kagawaran ng Kalusugan na may inilaan silang P 500 milyon para sa contraceptives na ipamamahagi sa buong bansa.

Ayon sa arsobispo, nababahala siya sa balita ng International Labor Organization na mayroong 5.59 milyong mga kabataang naghahanapbuhay na sa Pilipinas.

Sa halip umanong bumili ng condom and contraceptives, magagamit ng pamahalaan ang salapi para sa mga palatuntunang gagastos sa mga hanapbuhay ng mga magulang ng mga kabataang nasa mga pagawaan, mga sakahan at mga tahanan.

Sa panayam ng Radyo Veritas, sinabi ni Arsobispo Palma na nababahala siya sa kawalan ng kakayahan ng pamahalaang matugunan ang problemang dulot ng child labor.

MGA OBISPO, NAGSABING KULANG PA ANG GINAGAWA NI PANGULONG AQUINO

KULANG pa ang ginagawa ng kasalukuyang liderato upang tugunan ang kahirapan, kawalan ng hanapbuhay at mapatigil ang mga walang pakundangang mga pagpatay.

Samantalang sinabi ni Bishop Jose Oliveros ng Malolos na may ginagawa naman ang administrayong Aquino, kailangan pa ang mas nakikitang resulta upang matugunan ang mga problemang ito.

Pasado umano si Pangulong Aquino sa kanya subalit hindi ito "excellent."

Mas makabubuti umanong sabihin ni Pangulong Aquino ang tunay na kalagayan ng bansa sa kanyang State of the Nation Address ngayong darating na ika-23 ng Hulyo. Dapat ding sabihin ni Pangulong Aquino ang mga paraan upang malutas ang mga problemang ito.

Mas maganda umanong mapakinggan ang mga nagawa ni Pangulong Aquino upang mapigil ang mga pagpatay at paglapastangan sa kalikasan sa kanayunan.

Gusto rin niyang marinig ang mga nagawa ng administrasyon sa kahirapan, kawalan ng hanapbuhay, kapayapaan, illegal drugs at corruption.

Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, ang kawalan ng trabaho ang nakasisira sa performance ng administrasyong Aquino. Ipinagtanong niya kung anong uri ng trabaho ang natatagpuan liban sa mga trabahong nakapako sa limang buwang kontrata. Ito umano ang dahilan kaya't mas maraming lumalabas na bansa, dagdag pa ni Bishop Pabillo.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>