Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Ang kuwento ng bundok at dalawang "matandang hangal"

(GMT+08:00) 2012-07-05 16:56:00       CRI

Mga kaibigan, dito po sa Tsina ay may isang pabula hinggil sa isang 99 na taong gulang na lalaki na nagngangalang Yu Gong. Sa tapat ng bahay niya ay may dalawang malalaking bundok na nagdudulot ng abala sa pamumuhay ng kanyang pamilya, lalung-lalo na, sa kanilang paglalakbay.

Isang araw, tinipon niya ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya at sinabi niyang masyado nang nakakaabala ang dalawang bundok, kaya, iminungkahi niyang ilipat ang mga ito.

Sumang-ayon naman ang kanyang pamilya at napagdesisyunan nilang ilagay ang mga bato at lupa ng bundok sa dagat.

Kinabukasan, sinimulan na nilang ilipat ang bundok sa pamamagitan ng kanilang mga piko at basket.

Kahit malayo ang dagat na kanilang pinaglalagyan ng mga bato, hindi natinag ang pamilya sa kanilang gawain, at nagtrabaho sila araw-araw. Minsan, may isang pantas na nagngangalang Zhi Sou ang nakakita sa kanila.

Sinabi niya kay Yu Gong na "ika'y matanda na at hirap nang umakyat ng bundok, imposible na para sa iyong ilipat ang mga bundok na iyan."

Sinabi naman ni Yu Gong na "matanda na nga ako, at kaunti na lang ang nalalabing panahon ng aking buhay, pero, mayroon akong mga anak na magpapatuloy ng aking gawain, at kung sakaling mamatay ang aking mga anak, mayroon pa akong mga apo at anak ng aking mga apo.

Patuloy na lalaki ang aking pamilya at patuloy namang liliit ang mga bundok. Sa pamamagitan ng aming determinasyon, maililipat namin ang mga bundok na ito."

Nagdaan pa ang maraming taon at patuloy ang pamilya ni Yu Gong sa kanilang gawain. Napansin ng mga bathala ang determinasyong ito at nagpadala sila ng dalawang imortal upang ilipat ang dalawang bundok.

Ang aral po ng kuwento ay, sa pamamagitan ng determinasyon, maraming bagay ang maaring maabot.

Marahil nagtataka po kayo kung bakit inumpisahan ko ang ating programa sa pamamagitan ng kuwentong ito. Ito ay dahil malaki po ang kinalaman ng ating paksa sa pabulang ito.

Sa wikang Ingles, mayroon po tayong kasabihang "faith can move mountains."Ang kasabihan pong ito ay isinabuhay ng dalawang magsasaka na taga-Hilagang Kanlurang Tsina.

Si Shi Jianquan, 71 taong gulang na magsasaka mula sa Lintao County, probinsyang Gansu ay gumugol ng 10 taon upang ang anyo ng isang kalbong kabundukang may lawak na 667 ektarya ay mapalitan ng isang luntian at lupang maaring tamnan at pakinabangan.

Sa loob ng sampung mahabang taon, pinagpursigihan ni Ginoong Shi na tamnan ng mga halaman at puno ang bundok.

Inilipat din niya ang kanyang tahanan sa nasabing bundok at nag-alaga ng mga manok, baka, at kambing upang maigi niyang magawa ang kanyang misyon.

Nilalagyan din niya ng pataba ang lupa upang ito'y maging tama sa paglaki ng mga puno.

Aniya, mahirap sa umpisa ang trabahong ito, pero, kung ikaw ay may matibay na pananalig sa gustong gawin, ito ay maisasakatuparan mo.

Tatlumpung taon na ang nakakaraan, sinabi ng isang eksperto mula sa United Nations, na ang lunsod ng Dingxi di-umano at mga kalapit na lugar ay hindi bagay na panirahan ng mga tao, dahil wala ritong mga saligang kondisyon na kailangan ng mga tao para mabuhay.

Magkagayunman, ang mga lokal na residente, sa pangunguna ni Shi Jianquan ay nagpunyagi upang ang kanilang lugar na kinalakihan ay maging kapaki-pakinabang at maging bagay sa kanilang pamumuhay: kagaya ng kuwento ng hangal na matanda na narinig natin kanina.

Mga kaibigan, maging si Chairman Mao Zedong, noong 1945 ay may isinulat siyang artikulo na pinamagatang "The Foolish Old Man Who Removed the Mountains."

Ayon sa panulat ni Chairman Mao, ang lahat ay maaring makamtan sa pamamagitan ng matatag at matapat na pananalig.

Bukod kay Shi Jianquan, mayroon pang isang tao na gumawa ng kagayang tungkulin.

Kagaya ni Shi Jianquan, si Wang Yongrui, isa ring residente ng Dingxi City ay nagtanim din ng mga puno sa lugar na ito sa loob ng 30 taon.

Noong dekada 80, lumagda si Wang ng kontrata sa pamahalaan upang pamahalaan ang isang piraso ng lupain.

Subalit nang subukan niyang tamnan ito, nalaman niyang napakahirap ditong tumubo ang mga halaman at punla ng punong-kahoy.

Sa halip na sumuko si Wang, lalo siyang nagpursige, at para mabuhay ang kanyang mga punla, binabantayan niya ang mga ito.

Sa bundok na rin siya natutulog, kasama ng kanyang aso upang maisigurado na ang mga punla ay mabubuhay.

Bagamat nahihirapang tumubo ang mga tanim ni Wang sa nasabing kabundukan, malakas pa rin ang pananalig niyang isang araw, ang kabundukang iyon ay magiging luntian.

Nang makita ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan ang pagsisikap na ginagawa ni Wang, nagtayo sila ng irigasyon upang magkaroon ng suplay ng tubig ang mga tanim ni Wang.

Sa kasalukuyan, unti-unti nang nagiging katotohanan ang pangarap ni Wang na maging luntian ang kanyang lupain.

Katulad ng hangal na matanda sa ating kuwento, madalas, sa ating buhay, na magkakaroon ng maraming mga pangyayaring susubok sa tibay ng ating pananalig at paniniwala.

Kung magpapatalo po tayo sa sinasabi ng ibang tao at kung magpapadala tayo sa buyo ng panahon, hindi po natin maisasakatuparan ang ating mga pangarap.

Kung mayroon po tayong nais gawin sa ating buhay, kailangang pagpursigehan natin ito.

Kahit mahirap, dapat nating tiisin dahil kung tayo ay may tiyaga, sa huli ay magkakaroon tayo ng nilaga.

 

 

 

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>