|
||||||||
|
||
Sa kanyang talumpati sa ika-65 anibersaryo ng Philippine Air Force sa Lipa City, sinabi ni Kalihim Gazmin na itinakda ang deadline upang malagdaan ang mga kontrata para sa modernization ang huling araw ng Hulyo ng taong ito.
Magkakaroon umano ng bago at maaasahang eroplano para sa operasyon nito kasama ang operational requirements ng Hukbong Dagat (Philippine Navy) at Hukbong Katihan (Philippine Army).
Kasama sa mga bibilhin ng pamahalaan ang surface attack aircraft – lead infighter trainer, attack helicopters, light transport aircraft at medium transport aircraft. Ang mga ito ay madadala sa Pilipinas sa loob ng dalawang taon mula ngayon.
Ang mga ito ay karagdagan sa apat na multi-purpose combat utility helicopters na dadalhin ngayong taong ito.
Mawawala na umano ang karaniwang pangangantiyaw na ang Hukbong Himpapawid ay walang anumang lakas at pawang hangin lamang.
Sa panig ni Lt. General Lauro dela Cruz, ang commanding general ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas, isang magandang pagkakataon ang pagkakaroon ng fly-by o paglipad ng iba't ibang eroplano ng pamahalaan na sagisag ng dedikasyon ng mga kawal ng kanilang hukbo.
Noong nakalipas na taon, nagkaroon umano ng 23,000 flying hours ang mga eroplano na nagdala ng halos limang milyong libra ng kargamento patungo sa iba't ibang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Mahalaga rin ang nagawa ng kanilang hukbo sa pagliligtas mg ,ga biktima ng trahedya tulad ng bagyong Sendong.
AMBASSADOR NG NETHERLANDS, NANAWAGAN SA PAMAHALAAN: PAPANAGUTIN NINYO ANG MGA PUMASLANG KAY GEERTMAN
IKINALUNGKOT ni Dutch Ambassador Robert G. Brinks ang pagpaslang sa isang NGO worker sa Angeles City kamakatlo. Sa isang statement na inilabas sa mga mamamahayag, sinabi ni Ambassador Brinks na nakiramay na rin sila sa naulila ni Willem Geertman.
Ayon sa ambassador ng Netherlands, matagal ng naglingkod si Geertman sa pagpapaunlad ng mga komunidad at mga makataong samahan, kaya't nananawagan siya sa kinauukulan, na dakpin at panagutin ang mga salarin sa krimeng ginawa.
Ang Karapatang Pangtao ay isa sa mga sandigan ng Dutch foreign policy. Sa pakikipagtulungan sa mga samahang nagsusulong ng human rights, susuporta ang Embahada sa mga pakikipag-usao sa Philipine Commission on Human Rights, law enforcers o alagad ng batas at mga tagapagtanggol ng human rights.
Bilang pangwakas, sinabi ni Ambassador Brinks na umaasa sila na ang kanilang mga naiambag ang pipigil sa mga pag-abuso at magwawakas sa impunity.
Maggunitang binaril at napaslang si Geertman samantalang papasok sa kanyang tanggapan noong Martes ng tanghali. Aktibo ang Dutch national sa pagtulong sa mga magsasaka mula sa Hacienda Luisita at sa kampanya laban sa APECO sa lalawigan ng Aurora.
MGA OBISPO AT MAMBABATAS, NAGKAISANG ISULONG ANG BAGONG PANUKALANG BATAS
MAY limampung mga obispo at dalawang mambabatas ang nag-usap at nagkasundong isulong ang bagong panukalang batas sa pagmimina na kilala sa pamagat na Alternative Minerals Management bill.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo ng National Secretariat of Social Action, Justice and Peace, hindi maikakaila ang masamang epekto ng pagmimina sa mga mahihirap na Filipino tulad ng mga magsasaka, mga mangingisda at mga katutubo, Ang bagong executive order ay maglalaman lamang ng short-term resolution sa kalagayan ng mga mamamayan.
Idinagdag pa ng obispo na ang kailangan ay maayos na kalakaran upang tumagal ang likas na yaman ng bansa para sa mga susunod na saling lahi. Pinaguusapan na ang Alternative Mining sa Technical Working Group on Natural Resources committee ng 15th Congress.
Sinabi ni Congressman Teddy Baguilat na isinasaayos pa ang panukalang mining bill subalit ang panawagan nito para sa revenue sharing, environmental protection ang pagtatanggol sa karapatang pangtao ang magiging sandigan ng binagong pamamalakad.
PAGPUPULONG NG MGA DALUBHASA SA EARLY CHILDHOOD IDARAOS SA PILIPINAS
MAGTITIPON sa Maynila ang mga dalubhasa ng Association of Southeast Asian Nations mula sa darating na Martes para sa kanilang ASEAN Conference on Early Childhood Care and Development.
Layunin ng pagtitipon na makabuo ng malawakan at komprehensibong paraan upang malutas ang mga problemang may kaugnayan sa Early Childhood Care and Development.
Sisimulan ang pagpupulong sa Martes, ganap na ika-walo't kalahati ng umaga sa ika-27 palapag ng Diamond Hotel sa Maynila. Magiging panauhing tagapagsalita si Kalihim Corazon Juliano Soliman ng Department of Social Welfare and Development at Ambassador Hye Min Lee ng Timog Korea.
Inaasahang dadalo ang mga kinatawan ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao People's Democratic Republic, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Pilipinas.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |