|
||||||||
|
||
NAKIKITA na ang pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas lalo pa't "sustained economic growth" ang ipinangako ng Administrasyong Aquino sa mga mamamayan. Ito ang pahayag ni Budget and Management Secretary Florencio Abad sa briefing na ibinigay sa mga mamamahayag sa kanyang tanggapan kaninang umaga.
Hindi matatawaran ang economic performance na natamo ng Pilipinas sa unang tatlong buwan ng taong ito. Ani Kalihim Abad, ang interest at inflation rates ay bumaba na, 'di tulad noong mga nakalipas na panahon. Kahit ang pribadong sector ay natutuwa sa nagaganap sa bansa. Hindi pa nakakasama sa larawang ito ang Foreign Direct Investments.
Madalas na mabanggit ang Pilipinas sa Financial Times at maging sa The Economist. Sinasabi nang mga nagmamasid sa Pilipinas na patungo na sa kaunlaran ang bansa, dagdag pa ni Kalihim Abad.
Sa pagtitipon ding ito, sinabi ni Kalihim Abad na tapos na ang detalyes ng panukalang P 2.006 trilyon na National Expenditure Program para sa susunod na taon.
Idinagdag ni Kalihim Abad na ang budget na ito ang magpapatotoo sa poverty reduction at economic growth agenda ng Aquino Administration. Mas mataas ang budget na ito ng 10.5% kaysa sa P 1.816 trilyong budget ng taong ito.
Sa halagang ito, aabot sa P 698.4 bilyon ang inilaan para sa Social Services na susuporta sa anti-poverty programs upang matamo ang 16.6% sa taong 2016. Mas mataas ito ng 13.9 % kaysa sa P 613.4 bilyon sa taong 2012.
Gugugol ang pamahalaan ng mas malaking halaga upang mapa-unlad ang defense posture ng bansa, partikular sa pagbibigay ng mga kagamitan sa Philippine Coast Guard at sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources upang higit nilang mabantayan ang mga nagaganap sa karagatan at baybaying dagat ng Pilipinas.
Ngayong taong ito, ayon kay Kalihim Abad, nag-utos si Pangulong Aquino ng karagdagang P 1.6 bilyon para sa Philippine Coast Guard upang makapagpatrolya sila sa West Philippine Sea o South China Sea.
Kung tungkol sa pangangailangan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard, sinabi ni Kalihim Abad na pipilitin nilang magawan ng paraan ang pangangailangang ito sa susunod na apat na taon. Nakakatanggap na man sila ng mga kagamitan at karagadagang mga tauhan sa ilalim ng Administrasyong Aquino.
Minamadali na rin ng pamahalaan ang pagbebenta ng mga ari-arian ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang magamit ang salaping malilikom sa pagsasaayos ng kakayahan nitong ipagtanggol ang sarili.
Ang mga kampo ng militar ang nakatakdang ipagbili. Ang mga ito ay nasa magagandang pook sa Metro Manila at mabibili sa mataas na halaga upang paglagyan ng mga shopping mall, hotel at condominium. Bagama't maganda ang lokasyon ng Veterans Memorial Medical Center, hindi tiyak ni Kalihim Abad kung makakasama na ito sa ipagbibili sa madaling panahon.
Ipagpapatuloy din ng pamahalaan ang modernization program ng Philippine National Police na nagkakahalaga ng P 2 bilyon. Ang problema sa PNP pensioners ay ang pagbabayad ng pensions sa pamamagitan ng ATM cards. Halos wala pang kalahati ng mga pensioner ang pumayag na gumamit ng ATM cards. Ipinaliwanag ni Kalihim Abad na kung hindi papayag ang pensioners sa bagong sistema, hindi na sila makatatanggap ng kanilang mga biyaya.
Simbahang Katoliko sa Pilipinas, naghahanda para sa ikalimang Sentenaryo ng Pagdating ng Pananampalataya sa Bansa
MASAYANG ibinalita ni Arsobispo Jose S. Palma, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines at Arsobispo ng Cebu na sisimulan na ngayong taong ito ang siyam na taong paghahanda para sa ika-limang daang taong anibersaryo ng pagdating ng pananampalataya sa bansa. Magugunitang dumating si Ferdinand Magellan sa Pilipinas noong ika-16 ng Marso, 1521.
Siyam na taong paghahanda ang isasagawa mula sa ika-21 ng Oktubre 2012 at magtatapos sa ika-16 ng Marso, 2021. Sa ika-21 ng Oktubre, kikilalanin ng ikalawang santo mula sa Pilipinas si Pedro Calungsod na nag-alay ng buhay noong ikalawang araw ng Abril 1672 sa Guam.
Pagtutuunan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas ang pagsasangkot sa mga layko sa pagtuturo sa mga mananampalataya bilang mga kasama ng mga pari at mga seminarista at mga kalalakiha't kababaihang nasa consecrated life.
Ipararating ang Mabuting Balita sa mga mahihirap at susuriin ng simbahan ang mga prayoridad na gagawin upang makatulong sa mga nangangailangan. Magkakaroon din ng mga pagtatangkang makasama ang mga nawala sa Simbahan at nagtungo na sa iba't ibang grupo at pagtutuunan din ng pansin ang mga kabataan sa mga lungsod at kanayunan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |