Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pagtutulungan, mahalaga para sa mga kabataan

(GMT+08:00) 2012-07-10 17:50:00       CRI
PAGTUTULUNGAN, MAHALAGA PARA SA MGA KABATAAN

NANAWAGAN si Kalihim Corazon Juliano Soliman sa mga kinatawan ng mga bansang kabilang sa Association of Southeast Asian Nations na pag-ibayuhin ang pagtulong sa mga kabataan, partikular ang mga sanggol na kasisilang pa lamang hanggang anim na taong gulang.

Sa kanyang talumpati sa tatlong araw na ASEAN Seminar Workshop on Early Childhood Care and Development na sinimulan kanina sa Manila Diamond Hotel, sinabi niyang ang utak ng tao'y yumayabong mula sa pagkasanggol hanggang sa limang taong gulang. Si Gng. Soliman ang kalihim ng Department of Social Welfare and Development.

Mahirap umanong isipin kung ano ang magaganap sa sanggol at mga kabataan kung sila'y makakaranas ng kaguluhan at hirap dulot ng mga nagaganap na trahedya sa kanilang mga komunidad.

Binigyang-diin din ni Ginang Soliman na mula sa paglilihi ay nararapat nang tulungan ang isang magiging ina sapagkat kailangan ang tamang sustansya ng kanyang katawan at ng sanggol na kanyang dinadala sa kanyang sinapupunan.

"Ang malusog na ina'y magluluwal ng malusog na sanggol," dagdag pa ng kalihim. Nanawagan din siya sa mga kinatawan ng iba't ibang bansa na higit na palaganapin ang pagpapasuso sa mga sanggol ng hindi bababa sa anim na buwan. Idinagdag pa niya na ang pagapasuso ay nakakabawas sa mga karamdaman sa mga sanggol at mga ina.

Kalaban umano ng mga nagsusulong nito ang media sapagkat maraming mga patalastas na nag-aalok ng infant formula.

Mahalaga rin ang papel ng media sapagkat sa telebisyon at pelikula nakikita ng mga kabataan ang kanilang role models. Sinabi ni Ginang Soliman na nararapat bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa panonood ng telebisyon at mga pelikula upang huwag masira ang kanilang mga pananaw.

Sa karanasan ng mga bansang nasa timog-silangang Asia, halos wala ng panahon ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga supling dahilan sa tagal ng kanilang paghahanapbuhay at dala na rin ng kahirapan. Hindi rin maikakaila, dagdag pa ni Kalihim Soliman, na mayroong mga karahasang nagaganap sa loob ng tahanan at maging sa mga komunidad. Mayroon ding mga nagaganap na paglabag sa mga karapatan ng mga kabataan na siyang humahadlang sa maayos na paglaki ng mga kabataan.

Nanawagan din siya sa mga kalahok na aktibong magbahagi ng kanilang mga palatuntunan upang matuto ang iba't ibang mga delegado sa mga kakaibang karanasan ng bawat bansa.

SAMANTALA, sinabi ni South Korean Ambassador to the Philippines Hye Min Lee na isang karangalan para sa kanyang bansa na makibahagi sa pagtitipong ito ng mga dalubhasa sa Early Chilhood Care and Development.

Sinabi niya na mahalaga ang early childhood care sa lahat ng bansa. Napakahalaga rin nito sa kanyang sariling bansa na nagbibigay ng kaukulang pansin sa kindergarten at child care facilities.

Kailangan umanong magbahaginan ng mga karanasan ang mga kinatawan ng mga bansang kabilang sa ASEAN upang magkaroon ng mga kailangang batas na titiyak sa kabutihan ng mas nakararami.

Nagsimula ang pakikipagtulungan ng Timog Korea sa ASEAN ilang dekada na ang nakalilipas at higit nilang palalalimin ang pakikipagkaibigan sa timog-silangang Asia sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan. Umabot na ang kanilang Overseas Development Assistance sa halagang $ 400 m upang mabawasan ang kanyang tinaguriang development gap sa rehiyon. Ang ASEAN umano ang ikatlong pinakamalaking trading partner ng Korea at ikatlong paboritong investment destination.

Kalahok sa pagtitipon ang mga kinatawan ng Brunei Darrusalam, Cambodia, Indonesia, Lao People's Democratic Republic, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand, Viet Nam at Pilipinas.

Bukas, nakatakdang magsalita si Qimti Paienjton, ang kinatawan ng UNICEF para sa East Asia and the Pacific sa pagksang "Poverty in Children."

Magtatapos ang pagpupulong sa darating na Huwebes, ika-12 ng Hulyo.

NGAYON NA ANG PANAHON NG KAPAYAPAAN, ANI KALIHIM DELES

SUMAPIT na ang panahon ng kapayapaan sa katimugang bahagi ng Pilipinas, ani Kalihim Teresita Quintos-Deles, ang punong tagapayo ni Pangulong Aquino sa pakikipag-usap sa iba't ibang grupong nakikipaglaban sa pahalaan.

Ito ang buod ng kanyang mensahe sa Moro Leaders Assembly na idinaos sa Kampo Darapanan sa Maguindanao. Maliwanag ang mga kautusan ni Pangulong Aquino sa lahat ng kagawaran at mga ahensya ng pamahalaan na umambag sa pagpapadali ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao, ani Ginang Deles.

Libu-libong mga armadong MILF at kanilang mga pamilya ang sumigaw ng "Allahu Akbar" sa kanyang talumpati. Sumusuporta na ang Santadahang Lakas ng Pilipinas at Pambansang Pulisya sa pagsusulong ng peace process. Nakikipag-usap din ang lupon ng mga kinatawan ng pamahalaan sa iba't ibang ahensya tungkol sa mga isyung tulad ng power-sharing, wealth-sharing at pamamahala kasabay na rin ngpakikipag-usap sa MILF sa negotiating table.

SINABI ni MILF Chairman Murad Ebrahim Al-Hadj na natapos na ang kanilang konsultasyon at masusunod ang desisyon ng kanilang mga kasapi.

Niliwanag ni Chairman Murad na ang MILF ay nakikipag-usap sa pamahalaan sa ngalan ng mga Bangsamoro. Hindi na umano kailangan pang magtagal ang mga pag-uusap sapagkat tumagal na ang negosasyon ng may 40 taon mula noong 1975 sa kapanahunan ng Moro National Liberation Front at ang mga suliranin ay hindi nalulutas. Kung matatapos ang political struggle ng walang matatamo, ang pakikibaka ay maaaring maging daan.

Hindi naman sila humihiling ng federal form of government bagkos ay gusto nilang magkaroon ng sub-state. Ang nais ng MILF at tunay na self-governance at hindi ang Autonomous Region in Muslim Mindanao sapagkat hindi ito makalulutas ng mga problema ng mga Bangsamoro, dagdag pa ni Chairman Murad.

Umaasa ang MILF na magkakatotoo ang mga pangako ni Pangulong Aquino na tapos ang peace negotiation sa panahon ng kanyang panunungkulan na magtatapos sa 2016.

Marami na umanong inialok ang mga MILF na paraan upang malagdaan ang kasunduang pangkapayapaan mula sa independent state ay sub-state na lamang ang kanilang isinusulong. Hanggang hindi naibibigay ang kanilang hinihingi, magpapatuloy ang kanilang pakikibaka, dagdag pa ni Chairman Murad.

Umabos sa halos isang milyon katao ang dumalo sa kanilang pagtitipon na sinimulan noong Sabado at nagtapos kahapon, ika-siyam sa buwan ng Hulyo.

72 OBISPO, NANAWAGANG IPASA ANG ALTERNATIVE MINERALS MANAGEMENT BILL

MAAARING makapinsala ang industriya ng pagmimina sa mga komunidad at kalikasan tulad ng nagaganap sa Pilipinas. Ang mga minahan ay kinabibilangan ng mga malalawak na lupain na karaniwang nasa mga peligrosong pook. Sa pagluluwag ng pamahalaan sa industriya, dumagsa ang mga application mula sa transnational corporations na layuning makakuha ng likas na yaman sa mga kabundukang tinitirhan ng mga katutubo. Kahit na ang mga lupaing sakahan, mga pook na mahalaga sa turismo, biodiversity at watershed areas ay hindi na pinalampas.

Naniniwala ang karamihan ng mga Obispo sa Pilipinas na ang ipinangakong economic benefits mula sa pagmimina ay magaan kaysa sa pagkapinsala ng mga komunidad, lalo't higit sa mga katutubo.

Sa mga pinsalang idinulot ng pagmimina, mas makabubuting pawalang saysay na ang Mining Act of 1995.

Sinusuportahan ng mga alagad ng simbahan ang pagpapasa ng Alternative Minerals Management Bill na nag-aalok na sustainable approach sa paggamit at pagsasanggalang sa likas na yaman ng bansa.

Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>